Dada

Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay.  Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.


“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.



Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: ama, anak, Hangin, himpapawid, Ibon, kalapati, simoy, tag-araw, tula, Tulang Tuluyan, UGAT
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 17, 2013 21:33
No comments have been added yet.


Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.