Ang Propaganda ng Dighay at ang Kasaysayan ng Utot
The PDF retains the structure of the poem as intended. I’m pasting the text below for those who can’t download the file.
Ang Propaganda ng Dighay at ang Kasaysayan ng Utot
Isa akong anti-war at tagapagtaguyod ng kapayapaang pandaigdig. At naniniwala akong ang kalapating tagapagdalá ng oliba ay hindi agad pumapanig sa isang digmaan. Sa halip, nagsisikap siyáng mamagitan para humupa ang bangis ng mga punglo at kanyon, para matiyak na ligtas ang mga mamamayan, at mabawasan ang komersiyo ng mga pabrika ng sandatang pandigma. Hindi na natin matitiyak ang may kasalanan sa bawat pag-aaway, lalo’t napakahabà ng kasaysayan ng poot sa magkabilâng panig. Subalit mapalalakas natin ang tinig ng demokrasya at katarungan kung mas marami ang magwawasiwas ng oliba kaysa magdadagdag sa mga karatula at rali ng poot. Iwasan natin ang de-susing damdámin at kalapating nakapiit sa hawla ng bulág na kalayàan.
Virgilio S. Almario
Ferndale House
19 Oktubre 2024
Hindi sa tumbong nagsisimula ang kasaysayan ng utot.
Hindi ito matutunton sa pagsusuri ng asim ng mukha
ng mga sawimpalad na tinamaan ng pagpagaspas nito
matapos makalaya mula sa mga kuweba at tubo ng laman.
Mahirap masundan ang sayaw ng panandaliang sangsang, depende
sa ihip ng hangin o bilis ng palad na palihim na pumapaypay
nang maitago ang inusbungan. Masasabing may agham ang pagtakas
sa mga mapanurong nais mag-imbestiga ng nasabing krimen.
Sa isang banda, kahit may kaugnayan ang utot at dighay,
mas katanggap-tanggap ang ikalawa. Mas madaling patawarin
kahit na may sariling sangsang ding dala. Di-tulad ng utot,
ang dighay ay may tapang na idinideklara.
Kapwa man di-makita, may tagpuan sila sa kaloob-looban
ng iisang katawan, Ginoong Almario. Hindi naiiba sa piniling puno’t dulo
ng mga away na hindi talaga naiiba sa sayaw ng mga bandera
at pagnanakaw sa lupaing kinagisnan, sa halip na mitolohiya lang.
-o-
If the reader would like to trace the source of the epigram, it is from an article that appeared on Facebook. Your feedback and thoughts are always welcome.