[PREVIEW] Status: Single (But Not For Too Long)

HABANG nakaupo kami ni Jaja sa couch sa sala ng condo unit ko at patuloy ako sa pagngalngal ay panay ang hagod niya sa likod ko. Hinahagod nga ng best friend ko ang likod ko para aluin pero nakatuon naman ang mga mata sa cellphone niya, naghahanap ng best deals sa Lazada. “I hate him,” sabi ko sa gumagaralgal na tinig habang nakasapo ang mga palad sa mukha kong basang-basa ng luha. “Okay lang ‘yan, Zoey,” pag-alo ni Jaja na walang tigil sa paghagod sa likod ko at pag-scroll sa Lazada app. “Sabi niya, he could see us together standing in front of the altar. Pero ngayon, iniwan ako ng gago.” I was talking about my ex-boyfriend, Wendell. Three years ding naging kami. I met him while I was nursing a broken heart. I fell for him instantly. He was such a sweet guy… and rich but eventually, he started to change. Nanlamig na siya sa akin at hindi ko alam kung ano ang nagawa ko. Ang sabi niya, na-fall out of love lang siya. He said, not all romantic feelings were bound to last forever. And we were all in search of a love that would last a lifetime. Unfortunately, we did not find it with each other. Buwisit siya. “Okay lang ‘yan, bes.” “Bumuo na kami ng pangalan ng future children namin. Ang dami na naming pinlanong magkasama. Kulang na lang, proposal niya. Wala pala akong hinihintay. Pinaasa lang ako ng hayup na ‘yon…” “Okay lang ‘yan, bes…” “Ano ka ba?” I snapped at Jaja. Natigil tuloy siya sa paglalagay sa cart ng item na tinitingnan. “Bakit puro ka ‘okay lang ‘yan?’ At saka bakit parang mas binibigyan mo pa ng atensiyon ‘yang flash sale ng Lazada kaysa sa ‘kin? Hindi kita tinawag dito para mag-online shopping.” Wala man lang guilt sa mukha ni Jaja nang ibaba ang phone. “Kasi after two to three months, may bago ka na ulit love life kaya okay lang ‘yan. Mabilis ka namang maka-move on, eh.” Tinapik niya ako sa likod. “Makakalimutan mo rin agad ‘yang ex mo.” Natigil ako sa pag-akmang pagsinga at napatitig sa kawalan. Hindi ko alam kung maiinsulto o mare-relieve ako sa sinabi ng best friend ko. I had one brief and three long-term relationships before Wendell. Sixteen years old pa lang ako, may boyfriend na ako. Tumagal kami ni Justin ng six months. Nang mag-break kami ng first boyfriend, nakilala ko agad ang naging second one ko. Almost four years kaming nagtagal ni TJ. Three months lang akong nag-grieve kay TJ dahil nakipag-date na agad ako kay Erick. Tumagal ang relationship namin ng six years. Akala ko si Erick na ang makakatuluyan ko dahil mas tumagal kami kaysa sa previous relationship ko pero nagkamali ako. Four months after our breakup, sinagot ko si Wendell na nang malaman na single na ulit ako ay niligawan agad ako. Actually, kahit noong boyfriend ko pa si Erick ay nagpaparamdam na sa akin si Wendell pero dine-deadma ko lang siya. I only entertained him when Erick and I broke up. Ang sabi sa akin ni Wendell, gagamutin daw nito ang sugat sa puso ko. Pero ang walanghiya, susugatan rin pala ako after three years. Kaya nasabi ni Jaja na madali lang akong maka-move on ay dahil hindi ko nga naman naranasan ang mag-grieve nang matagal over a failed relationship. Hindi ko naranasan ang mabakante. After a breakup, I would soon date someone new and fall in love again. It was not like I asked for a new love to come along that fast. Sila naman ang nagsidatingan agad, tinanggap ko lang. I must be resilient but that was because a new guy would always help me pick up my pieces every time I was brokenhearted. But people around would look at it negatively. Ang feeling nila, mabilis lang talaga akong maka-move on. They said I was a serial monogamist. Maybe it was true because I felt uncomfortable being alone. I could not stand being loveless. Kaya rin siguro hindi ko natatanggihan ang maagang pagpasok ng bagong pag-ibig. Maybe I was hopeless romantic. I always wanted to love and be loved. Pakiramdam ko, hindi kompleto ang buhay ko kung walang lalaking nagmamahal sa akin. Ang sabi ni Jaja, “marupok” ang tawag sa akin. That was coming from a girl na nag-asawa nang maaga. Jaja got pregnant at eighteen and got married early. Nine years old na ang anak niya ngayon. First boyfriend niya si Jed kaya hindi pa niya naranasang maging brokenhearted. Kaya wala siyang experience sa kung paano mag-move on at magmahal muli. “Zoey,” untag sa akin ni Jaja. “Hoy, bes.” Niyugyog niya ang balikat ko kaya tumingin ako sa kanya. “You’ve been here before,” patuloy ng best friend ko. “Ilang beses na. Kaya kayang-kaya mo ‘yan.” Matalim ang tingin na ibinigay ko kay Jaja. Noong unang dalawang beses na na-brokenheart ako, nakikiyak din siya sa akin dahil damang-dama niya ang pain ko. Sa pangatlo, hindi na siya umiyak pero nakisimpatya pa rin. Pero ngayon, nagawa pa niyang mag-online shopping habang umiiyak ako. Like it was a normal phenomenon na lang. Baka sa susunod, ipagkibit-balikat na lang niya ang nangyari sa akin. “Galit ka, bes?” tanong ni Jaja na mukhang na-guilty na. “Tse!” singhal ko sa kanya. Niyakap niya ako. “Sorry na, bes. Kasi naman, alam ko namang kayang-kaya mo ‘yan kaya hindi na ako sobrang nag-aalala para sa ‘yo. Saka hindi naman masyadong kawalan ‘yong si Wendell. To be honest, I didn’t really like him for you. I’m sure makakahanap ka pa ng mas okay kaysa sa kanya.” “That’s not the point, Ja. Naka-apat na boyfriend na ‘ko.” Bumitiw sa akin si Jaja. “Pero ‘yong una, puppy love lang ‘yon.” “Lahat ng relationships ko, hindi nag-work out.” “Pero ‘yong kay Justin, ‘wag mo nang isama sa bilang kasi nagkapikunan lang kayo sa anime, nag-break na agad kayo.” Hindi ko inintindi ang sinasabi ni Jaja. “Bes, ano bang mali sa ‘kin? Bakit laging nauuwi sa ganito?” “Wala! Walang mali sa ‘yo. Sila ang mali para sa ‘yo, okay?” “You think so?” Hinagod ni Jaja ang buhok ko at ikinipit ang ilang strands sa likod ng tainga ko. “You’d been a wonderful girlfriend. Maganda, cup C, charming personality, madiskarte, malambing, mapagmahal at medyo smart.” “Medyo lang talaga?” “Ayaw ng mga lalaki ng masyadong matalinong babae kasi nai-intimidate sila at saka boring ‘yong mga ganoon kaya perfect ka talaga. Ikaw ang ideal girl ng lahat. Kaya nga hindi ka nababakante, eh. Palaging may nakaabang o dumadating kapag nawawalan ka ng love life. Kasi in demand ang kalibre mo.” “Talaga ba, bes?” Tumango nang may assurance si Jaja. “Oo, bes. Kaya wala sa ‘yo ang problema, okay?” Humugot siya ng tissues at siya na mismo ang nagdampi niyon sa mga pisngi kong basa sa luha. “Hindi lang talaga sila ‘yong para sa ‘yo. Hindi mo pa lang talaga nakikita si Mr. Right. Pero darating din siya, okay?” “Pero twenty-eight na ‘ko, Ja. Tumatanda na ‘ko. Bakit ang tagal-tagal namang dumating ng Mr. Right ko? Bakit ‘yong sa ‘yo, ang bilis?” “Sa sobrang bilis nga, hindi ko na na-enjoy ang youth ko.” Bumuntonghininga si Jaja. “Although hindi naman ako nagsisisi na dumating sa buhay ko si Jep-jep pero puwede namang na-delay sana siya nang konti ng dating ‘di ba? Iyon ang catch, bes. Ang dami kong hindi naranasan dahil sobrang agang dumating ni Mr. Right. Ikaw naman, dahil matagal dumating, marami ka munang makikilalang Mr. Wrong along the way. Would you rather switch fates with me?” Marahas ang ginawa kong pag-iling. “‘Di ko type si Jed.” Itinulak ni Jaja ang ulo ko. “Gaga. Hindi partner, fate lang.” Saksi ako sa hirap na dinanas ni Jaja noong nabuntis siya nang maaga. Sobrang disappointed sa kanya ang parents niya. Hindi siya kinausap ng daddy niya nang seven months. Ang mommy niya, na-depress dahil sa kanya. Nag-iisa lang kasi siyang anak at may pangarap para sa kanya ang mga magulang pero ganoon ang kinahinatnan niya. Hindi kami sabay gr-um-aduate ni Jaja dahil nag-skip siya ng three years. Ayaw kasi niyang iwan ang pag-aalaga sa anak. Nakatapos naman siya ng college at sa ngayon ay siya ang nagma-manage ng coffee shop business nila ni Jed habang ang asawa niya ay nagtatrabaho sa isang malaking telecom company. Maayos na ang buhay ni Jaja ngayon pero alam kong may regrets pa rin siya. “Wendell is just another Mr. Wrong. You’re going to meet your Mr. Right soon. Malay mo, ‘yong next mo, siya na.” Ako naman ang yumakap kay Jaja. Gumanti siya ng yakap. Masakit pa rin sa akin ang nangyari sa amin ni Wendell pero iyong thought na isa lang siyang Mr. Wrong na dumaan lang sa buhay ko, medyo nabawasan ang sakit sa dibdib ko. “Ja, dito ka muna matulog ngayon. I need you. Kailangan ko ng kasama.” “Alam mong hindi puwede. Paano ‘yong anak ko? Baby pa rin ‘yon kahit na hanggang kili-kili ko na.” “Dalhin mo na lang dito si Jep-jep.” “Tapos, ano? Maririnig niya ‘yong mga atungal at pagmumura mo sa ex mo?” Sumibi ako. “Ayokong mag-isa…” “Tawagan mo si Lottie,” tukoy niya sa younger sister ko. “Sabihin mo, samahan ka muna uli.” Noong nag-break kami ni Erick, pinatira ko muna sa condo unit ko ang kapatid ko dahil ayokong mag-isa. Pero noong time na iyon ay single si Lottie. Ngayon ay may boyfriend na ito. Umiling ako. “Ayoko. Kasi kapag pinatira ko rito ‘yon, pupunta rin dito ‘yong dyowa niya. Tatambay dito o susunduin siya, maiirita lang ako. Ayokong makita silang naglalampungan at baka maingudngod ko sila sa isa’t-isa ganitong brokenhearted ako.” Umigtad si Jaja nang marinig ang pagtunog ng cellphone. Mukhang alarm clock. “Bes, kailangan ko nang umalis,” paalam niya. “Patapos na ‘yong klase ni Jep-jep. Kailangan ko na siyang sunduin. Sorry, ha. Bukas na lang, labas tayo.” Tumango na lang ako. Alam ko namang pamilyada na si Jaja at may mga responsibilidad siyang hindi puwedeng iwan nang dahil lang sa akin. Simula noong nabuntis siya, alam kong hindi na magiging tulad ng dati ang lahat na halos siya lang ang kasama ko. Pagkatapos magbilin ni Jaja ay nagpaalam na siya. Nang marinig ko ang pagsara niya ng pinto ay muling binalot ng matinding lungkot ang dibdib ko. Itinaas ko ang mga paa sa couch at niyakap ang mga binti. I was all alone. I was alone again. NAGPALIT lang ako ng relationship status sa Facebook, bumulwak na ang comments sa life event ko. Ano, artista lang? Na kapag nag-announce ng breakup o nag-switch back to single ang status, dumog na ng reactions and comments? In-scroll ko ang comments at nakita ko ang pangalan ng old classmates and schoolmates, mga dating barkada, dating manliligaw, officemates at mga kamag-anak. OMG. Nag-break na kayo? Akala ko kayo na ang magkakatuluyan kasi nakita ko parang sobra ka niyang love, sabi ng classmate ko noong college na laging naka-like sa tuwing may post ako about Wendell kaya updated siya sa love life ko kahit hindi naman kami talaga close. Sayang. Rich kid pa naman ‘yon, sabi ng tita kong mukhang pera. Okay lang ‘yan, Zoey. It’s his loss, sabi ng officemate ko. Wow! Single ka uli? Baka naman… Umiling ako nang makita ang smiley emoticon sa sinabi ni Sonny na sa tuwing single ako ay nagpaparamdam kahit ilang beses ko nang binasted. Kung puwede akong mag-reply, sasabihin ko sa kanya na “No, Sonny, marupok nga siguro ako pero hindi desperada.” It’s okay, Z. He’s just not the right one for you, sabi ng dati kong ka-barkada noong high school na nasa States na ngayon. You’re too pretty for that guy, anyway, sabi ng pinsan kong nagtatrabaho sa Canada. Single again? But I guess it won’t be for too long. Binalikan ko ang pangalan ng huling comment na binasa ko. Leah Dimaano? Automatic na naningkit ang mga mata ko. Hindi ko naman ito friend pero bakit nag-comment sa timeline ko? Ito iyong coursemate kong classy kontrabida ala-Cherie Gil ang aura noong college. Simula nang dumating kami sa isang school...


The post [PREVIEW] Status: Single (But Not For Too Long) appeared first on Heart Yngrid.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 08, 2020 00:21
No comments have been added yet.