impact

tuwing umiikot kami ni dagat sa kabilang subdivision, napapadaan kami sa dalawang ordinaryong bahay na magkatapat, at sasabihin niya nang nakangiti, merry christmas! tapos ituturo niya ang dalawang bahay. sasagutin ko siya ng merry christmas at gaganti rin ako ng ngiti.

unang pasko namin sa cavite noon at dahil hindi naman laging nakaka-travel ay pinipilit ko na makapasyal si dagat para makalabas naman ito ng bahay. madalas, doon lang kami sa malapit na mga kalsada. napakahirap ng walang sasakyan at may anak kang maliit.

lagi ko siyang idinadaan sa kalsadang may mga bahay na may ilaw na pamasko. tapos babatiin ko si dagat ng merry christmas. siguro ay nagkakataon na kapag napapatapat kami sa mga ordinaryong bahay na iyon, saka ko siya nababati ng merry christmas. kaya kahit wala nang ilaw na pamasko ay natatandaan niya ang mga bahay na iyon. nagbibigay iyon ng tuwa sa kanya, ang makita ang mga bahay, ang mabati ako ng merry christmas, kahit kasagsagan na ng hunyo.

baka ganon lang talaga ang impact, ano? hindi na nakakarating sa lumilikha. nananatili na lang ito doon sa dumadanas ng isang likha.

malay ba ng mga may ari ng bahay na may batang autistic na naliligayahan sa kanilang nilikhang pailaw noong disyembre? malay ba ng may ari na tatatak ito sa gunita ng isang 3 year old na autistic na bata? at magiging makabuluhan pa rin sa buwan ng hunyo ang mga tinanggal na nilang christmas decoration sa kanilang bahay?

they would never know how they made a kid happy. they would never know that my child feels christmassy as we pass by their houses. every. single. time.

puwede bang sukatan ng impact ang haba ng ngiti ni dagat? at kung gaano kasaya ang tinig niya sa pagbati ng merry christmas?

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 09, 2019 10:17
No comments have been added yet.


Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.