Bawat pahina ng librong ito ay entablado para sa mga tula ni Nick Pichay. Lumalapad ang aking mga balintataw sa pagbabasa/panonood. Nakakagising ang bitaw ng linya ng kanyang mga tauhan. Ikaw ba naman ang mapangaralan ng ‘Huwag kang basta mandakma sa dilim/Kung ayaw mong masubo sa alanganin.’ Todo rin si Pichay sa kanyang production design. Sa librong ito ay makakapasok ka sa isang ‘kupalin na barong-barong’ at ‘kuwartong kasingkitid ng kabaong.’ Maselan siya sa pagpili ng props, pagkat ang gusto niya’y may ’bubog ang palibot sa basong iniinuman’ at embalsamado ang pandesal. Sigurado din akong magbabago ang tingin mo sa butiki pagkabasa mo ng Ang Lunes na Mahirap Bunuin.
Mula personal, erotika, hanggang sa politikal, pagiging abogado sa kontemporanyong panahon, iyan ang sari-saring usapin na tinutulaan ni Pichay. Nakakaaliw, nakakalibog, madilim, nakakaligalig, iyan ang sari-sari niyang himig.
Sa huling tula, sa huling palabas, tiyak ako sa iyong pagpalakpak. Dito’y matalinong nagsanib ang nagtitimpi at ang pangahas.
Published on October 23, 2017 08:07