Faye Cura's Blog, page 15

January 27, 2012

Ang Tiktik sa Panitik ng Krimen

Prominenteng elemento ng panitikan ng krimen ang detektib, tiktik, o sekreta, at pumapailalim dito ang kasaysayan ng paniniktik sa Pilipinas, “isang nakawiwiling aspekto ng ating pambansang kasaysayan na hindi pa nalilinang ng ating mga kababayan” ayon nga sa historyador na si Isagani Medina, na pumaksa rito sa isa niyang sanaysay.


Sa pag-aaral ni Medina, 1521 pa lamang ay may nakatala nang insidente ng paniniktik sa bansa, nang malaman ng mga Espanyol na may mga patibong sa mga bahay sa Mactan. Natuklasan din ng mga Espanyol ang mga pag-aalsa, partikular yaong tinaguyod ng Katipunan, sa pamamagitan ng mga tiktik. May mga Pilipinong naniktik muna para sa mga Espanyol at saka nagsilbi sa mga Amerikano. Ngunit higit dito, naniktik ang mga Pilipino “upang matamo ang kanilang layunin” na magtagumpay sa himagsikan laban sa Espanya at Estados Unidos.


Pinaliwanag ni Medina ang ugat ng dalumat na ito:


Ang kauna-unahang tawag sa Tagalog para sa “espiya” ay “batyaw” (batiao), na itinala sa kauna-unahang talasalitaang inilimbag sa Pilipinas, ang Vocabulario de la lengua tagala (Pila, 1613) ni Padre Pedro de San Buenaventura. Ang kasalukuyang tawag na “tiktik” ay tila unang lumabas lamang noong ika-19 na dantaon sa Vocabulario de la lengua tagala (Maynila, 1860) nina Padre Juan Noceda at Pedro Sanlucar. Ito’y ipinangalan sa isang ibong panggabi (tictic) na sinasabing humuhuni kung may dumaraang aswang. Sa pagtatapos ng 1880, ang mga tawag sa espiya’y “tiktik,” “tagapanuboc” (mula sa “suboc”) o “taga suboc” ayon kay Pedro Serrano Laktaw sa kanyang Diccionario Hispano-Tagalog (Maynila, 1889). Ginamit ni Andres Bonifacio ang salitang “taga suboc” sa kanyang liham kay Emilio Jacinto mula sa Kabite noong Marso 1897 at ang salitang “tiktik” nama’y ginamit sa paglilitis ng magkakapatid na Bonifacio sa Maragondon noong Mayo 1897.


Binabanggit dito na isang katawagan lamang sa aswang ang tik-tik.


Binanggit din sa pag-aaral ni Medina ang ambag ng kababaihan sa paniniktik, partikular ang pagtatago at paghahatid ng mahahalagang impormasyon, sukat na magpanggap silang lalaki. (Maaari ring basahin kaugnay nito ang pagdadamit-lalaki ng babaeng tulisan at, kalaunan, ng bidang babae rin sa Ang Buhok ni Ester ni Aurelio Tolentino.) Maiuugat dito ang tangka ni Efren Abueg na magtampok ng babaeng tiktik sa isa o dalawa niyang nobela (may mga babaeng tumutulong sa imbestigasyon ng bidang detektib sa Code Name: Black Out at Code Name: Merah Tua). Makapagsisilbi sanang tulay sa dalawang diskursong ito ang Ang Babaing Tiktik, nobela ni Juan Rivera Lazaro na lumabas sa Sampaguita noong 1930 hanggang 1931 (na ang kopya sa kasawiang-palad ay nawawala ngayon sa aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas).


Pinagpapatuloy ng pag-aaral ni Ma. Felisa Syjuco (1988) sa gawain ng mga Kempei Tai sa Pilipinas ang dalumat ng tiktik sa panahon ng okupasyong Hapones. Tinuturing umano ng mga Hapon na mahalagang tungkulin sa bayan ang paniniktik, at yaong pinakamatatalino at pinakamalalakas lamang ang naaatasan sa misyong ito. Nagbigay si Syjuco ng mga anekdota ukol sa paniniktik ng mga Pilipino para sa mga Hapon, Amerikano, at/o kapwa Pilipino.


Kung pagbabatayan ang mga natipong akda ng krimen, mapapansing may konsepto na ng tiktik bilang detektib o alagad ng batas sa mga taon pagkatapos ng digmaan. Ito ang moldeng sinusunod ng mga manunulat ng akda ng krimen noong dekada 1950 hanggang kina Conrado Norada at Efren Abueg na nagsulat naman ng mga maituturing na thriller. Maaalalang namayagpag ang mga nobela at pelikula ukol sa ahenteng si James Bond sa ikalawang hati ng ika-20ng siglo; mahihinuhang hinulma sina Detektib Roberto Reyes (ni Norada) at Roberto Roldan (ni Abueg) kay Bond. Ayon na rin kay Abueg, ang mga taon ng pagtatangka ng Pilipinas na bumangon mula sa pagkakalugmok ay tigmak ng korupsiyon, iskandalo, panliligalig, krimen. Ito ang panahon na “ang witch hunt laban sa mga makabayang sektor ng mamamayan ay nagsimula at maging ang mga lider-pulitika ay hindi nakaiwas sa mga bintang na pang-ideolohiya.” Panahon ito ng McCarthyism at Cold War at ng digmaan sa Biyetnam. Sa madaling salita, marahil ay hindi na kataka-taka ang pagsulpot ng katauhan ng detektib, na kinatawan ng rason at kaayusan, sa panahon ng kaguluhan at kawalang-katiyakan.


Sa ilalim naman ng diktadurang Marcos, buhay na buhay din ang konsepto ng tiktik bilang espiya sa katauhan ng mga deep-penetration agent o ng mga inakalang DPA sa kapwa militar at Partido Komunista ng Pilipinas. Sa siglong ito na lamang nagawang bunuin ng mga sangkot dito, tulad ni Lualhati Abreu (2009) at maging ni Roberto Garcia (2001), ang madilim at madugong yugtong ito ng kilusang rebolusyonaryo.


Higit pa rito ang malakas ngunit di-malay na presensiya ng CIA sa bansa. Sa pag-aaral ni Rolando Simbulan, kabilang sa mga gawain ng mga espiyang ito ng Estados Unidos ang pagmanipula sa pambansang halalan; pagsuporta sa mga opisyal, negosyo, sibikong pangkat, at mga kampanyang maka-Amerikano; pagtustos ng impormasyon ukol sa mga aktibista at disidente sa militar; atbp. Ayon kay Simbulan, mahalagang ilantad ang kubling aparatong ito ng imperyalismong US upang masukol ang tendensiya “to mythologize, or even Hollywood-ize, its notoriety and crimes against the Filipino people and Philippine national sovereignty.” Sa pagpapatupad ng CIA sa mga polisiya ng US, marami na umano itong napabagsak na gobyerno at napatay na mga lider at sibilyan sa ibang mga bansa.


Samantala, walang umiiral na katauhan ng detektib sa available na panitikan ng krimen sa Ingles, maliban marahil kay Cyrus Ledesma, ang police inspector na may marahas na nakaraan, sa Blue Angel, White Shadow. Higit na mga intelektwal—gaya ng mga paring Heswita sa Smaller and Smaller Circles o ng propesor ng Pisika sa The Builder—ang lumulutas sa kaso at tumutugis sa kriminal.


Mula sa http://unanglabas.blogspot.com/2008/1...


Pero pinakainteresanteng aspekto ng dalumat ng tiktik, sa palagay ko, ang paggamit nito sa sekswal na konotasyon nang mauso ang tabloid sa panitikang popular. Maaari itong basahin sa konteksto ng pagiging tago o lihim ng aktibidad ng paniniktik–sa mga aktibidad na tago at lihim din, katulad ng seks; at tigmak sa seks ang mga tabloid.




 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 27, 2012 20:58

Faye Cura's Blog

Faye Cura
Faye Cura isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Faye Cura's blog with rss.