Bebang Siy's Blog, page 5
March 29, 2021
curfew sa bacoor
Di ko gets ang curfew implementation, lalo na rito sa Bacoor.
6am to 5pm lang puwedeng lumabas ang mga tao. (At isang tao lang ang puwedeng lumabas kada bahay.)So, kung...1. essential worker ka sa Maynila, before 3 pm ay pauuwiin ka na para 5pm ay nasa bahay ka? 2. essential worker ka sa Maynila at 5pm ang out mo sa trabaho, mga 7pm ka nasa Cavite. Lampas curfew na. Sisitahin ka ba ng pulis? So, magkakausap pa kayo? May point of contact pa, ganon? 3. number 1 ang sitwasyon mo, bawas sahod iyan. Undertime. Mapapagkasya mo ba ang nabawasan mong kita sa gastusin ngayon? Kung hindi, ano ang itutulong sa iyo ng gobyerno? Wala? Bakit wala? Di ba, dapat meron kasi sila ang nag-utos ng mga limitadong oras at galaw sa Cavite, Maynila at iba pang bubble-bubble? 4. wala ka nang masakyan pauwi, at past 5pm na, kakausapin ka rin ng pulis? Point of contact din? Veerus spreader moment na naman? 5. nag-iisa na lang ang bus pauwi ng Cavite, sasakay ka pa rin ba kahit siksikan na ito? Ibubuwis mo buhay mo makauwi lang kasi nilimitahan na naman ng gobyerno ang mga dyip, bus, at van? 6. wala ka talagang pasok dahil sarado ang work place mo, saan ka kukuha ng pangkain? Magbibigay ba ng ayuda in the form of food o pera ang gobyerno? Kung oo, kailan at paano? Magbabahay-bahay ba sila? Araw-araw bang isa-swab test ang mga mamimigay ng ayuda?'Apakakomplikado ng buhay, dumagdag pa ang veerus na ito. Sangtaon na nating iniinda. Tapos pahirap pa mga patakaran ng gobyerno, na anlabo-labo naman ng implementasyon.
September 11, 2020
Ang Teorya ng Malapit (Sanaysay)
ni Beverly Wico Siy
Introduksiyon para sa librong Silat ni Adelma Salvador
Madalas na kung ano o sino ang malapit sa atin ay siya nating nababalewala, hindi naidodokumento, hindi naitatampok.
Nitong mga nakaraang taon, napansin kong bihira ang mga akdang tungkol sa pagiging nanay. Di ko alam kung bakit.
Dahil ba kakaunti ang manunulat na babae?
At mas kakaunti ang manunulat na ina?
Weird kung tutuusin, dahil ang mga nanay, kilala sa pagiging matalak, masalita. Pero bibihira ang akda na sila mismo ang nagsulat.
Nakumpirma kong kakaunti nga talaga ang akdang tungkol dito at isinulat mismo ng mga ina noong Mayo 2020, noong ako ay inimbitahang maging guest editor ng Ina Issue ng Dapitan Literary Folio. Inilathala ito ng The Flames, University of Santo Tomas Faculty of Arts and Letters bilang pagdiriwang ng Araw ng mga Ina. Nang makapili na kami ng co-editor ko na si Dr. Joselito delos Reyes ng mga akdang isasama sa libro, humirit ako sa coordinator na huwag munang i-layout ang manuskrito. Lumiham ako sa Editorial Board na mangalap pa kami ng mga akda na hindi lang basta tungkol sa pagiging nanay kundi isinulat din ng Tomasinong nanay. Pinagbigyan naman ito. Biláng sa daliri ang aming nasa listahan, at mas kakaunti ang nakapagsumite at naisama sa lathala.
Kung bibigyan ng pagkakataong magsulat, ano nga ba ang isusulat ng mga nanay?
Anak, asawa, tahanan, bahay, paghuhugas ng plato, paghihiwalay ng puting damit sa de kolor, pagliligpit ng kalat, pagwawalis ng sala, bayad sa upa, pagde-defrost ng ref, pagpili ng pinakamakintab na dalandan sa palengke, pagtaas ng presyo ng carrot at patatas, paghihiwa ng sibuyas.
In short, ang isusulat nila ay lahat ng malapit.
At hindi tayo fan ng mga bagay na ito. Araw-araw na nga nating nakakasalamuha, ay, bakit pa natin iha-highlight, bakit pa nga ba isusulat, bakit pa natin babasahin? Parang hindi natin ito ikatatalino. Araw-araw na nga, ang lapit-lapit pa. Walang bago riyan. Walang matututuhan.
Siguro, ito rin ang dahilan kung bakit di tayo masyadong nagsusulat tungkol sa sarili nating kalye, komunidad, bayan. Sa isang writing workshop na dinaluhan ko bilang tagapagsalita ilang taon na ang nakakaraan, ang napagkasunduang paksa ay trapik. Out of 14 writers, isa lang ang nagbanggit ng pangalan ng kalye sa kanyang akda. Takang-taka ako. Bakit ayaw idokumento ang pangalan ng mga kalye?
Kasi naman, ano ba ang meron sa kalye, komunidad, bayan natin kundi kapitbahay na nakakainis, tumpok-tumpok na tae ng aso, lagas at tuyot na mga dahon, ispageting kawad ng Meralco, cable, telepono, isang pirasong elementary school para sa buong populasyon, agnas nang ospital, matandang pamilyang kaytagal nang politiko? And we do not think that these are worthy to be the center of our written works. We do not believe that these are worthy of the time of the readers.
Para iyan lang. Maliit na bagay ang domestiko. Hindi importante ang malapit. Hindi tayo bilib sa malapit.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit mas malaki ang paghanga natin sa mga nag-aral sa malayo. Mas malayo, mas kabilib-bilib. Gayundin sa trabaho, mas di pamilyar sa atin, mas kahanga-hanga ang ginagawa. Paniwala natin, mas marami tayong matututuhan sa mga bagay na malayo sa atin.
Pero sa larangan ng panitikan, ang pag-aakda ay hindi lang tungkol sa kung may matututuhan ba o wala ang mambabasa. Ito ay tungkol din sa paglalahad, sa pagbabahagi, sa pagpapahayag ng tao na nagsusulat.
Simple lang.
Ang pag-aakda ay tungkol din sa pagbibigay ng pagkakataon na makapaglahad, makapagbahagi at makapagpahayag. Sa sinumang nais magsulat. Lalo na sa mga tao na kadalasan ay binabalewala lang natin. Kasi nga, ang lapit-lapit lang nila. Masyadong karaniwan. Gayon din marahil ang kanilang papaksain sa akda. Malapit, karaniwan, pamilyar.
Na siyang laman ng librong Silat ni Adelma Salvador.
Totoong malapit, karaniwan, pamilyar ang mga paksa ng kanyang mga sanaysay at tula. Baka nabasa o narinig na ng marami sa atin ang mga ganitong salaysay: relasyon sa sariling ina, sa sariling ama, mga kaibigan, first love, dates, kasal, pag-aasawa, pag-aanak, pagpapalaki ng batang lalaki, pagpapalaki ng batang babae, paghatid at sundo ng mga anak sa eskuwela, pag-aasikaso sa tumatandang mga magulang.
Malapit, karaniwan, pamilyar.
Kaya, bakit pa babasahin ang Silat?
Dahil ang mga akdang ito ay hindi lang paglalahad ng danas, paglalahad din ito ng mga bagay na dapat gawin ng mga lalaki.
Sa madaling salita, ang nagpapaangat sa Silat ay ang talino ni Ka Ade sa pagsasabi ng solusyon para makapaglahad at para makapagsulat ng danas ang mga babae, partikular na ang mga nanay.
Sa buong libro ay kitang-kita mo ang struggle ng isang babae at ina na mabalanse ang kanyang buhay. Sa pag-usad mo sa libro, masasaksihan mong lumalaki ang kanyang mundo. Pamilya at sarili. Pamilya, sarili, at simbahan. Pamilya, sarili, simbahan, at kaibigan. Pamilya, sarili, simbahan, kaibigan, at bagong komunidad. Komunidad ng panitikan. Kitang-kita mo rin ang panloob niyang pakikipagtunggali, napakarami niyang alinlangan sa sariling kakayahan, lalo na kung ito ay tungkol sa pagsusulat. Bawat pag-usad mo sa akda, natitingkal nang paunti-unti ang mga alinlangan na ito.
Ano ang dahilan ng pagkakatingkal ng mga alinlangan na ito?
Ang talino, lakas at panahon (TLP) na ipinupuhunan niya sa mga bagay na kanyang gusto. Gaya ng pagtula. Ng pagkatha.
Hangang-hanga ako sa paraan ng kanyang pagsasabi na para siya ay magkaroon ng TLP sa mga gusto niyang gawin, sa sarili niyang mga pangarap, kailangang maglaan ang mga lalaki sa kanyang buhay ng TLP sa mga bagay na pansamantala niyang iiwan: pag-aasikaso ng bahay, bunsong anak, mga domestikong gawain, at marami pang iba.
Naroon nga ang kanyang asawa, dalawang anak na lalaki, at sariling tatay, taga-supply ng sarili nilang TLP bilang kahalili ni Ka Ade. Mga nasa background lamang. Because they know, it is Ka Ade’s time to shine.
Makikita rin ang TLP nila sa pinakapaborito kong mga piyesa: ang sanaysay tungkol sa pagdalo ni Ka Ade sa LIRA workshop, ang mga struggle niya sa pagsusulat, ang love story nilang mag-asawa, ang mga challenge nila sa pagnenegosyo, at ang pangkaraniwang araw na isinabay siya ng kanyang ama papunta sa simbahan.
Klaro.
Isang mensahe sa mga lalaki ang librong Silat.
Sabi nito: ang TLP ninyo, guys, ay hindi lang para sa sarili ninyong mga pangarap. Ito ay para din sa pangarap ng mga babae, lalo na sa mga ina.
Ang smooth ng pagkakalahad. Banayad na banayad. Hindi nang-uurot ng konsensiya. Hindi nagde-demand. Hindi galit kundi tigib ng pagtitimpi.
Ito pa lang ay dahilan na para buklatin ang librong Silat.
Sa mga kapwa babae, sa mga kapwa nanay, magpatuloy tayo sa pagsusulat tungkol sa malapit. Huwag itong maliitin, huwag balewalain.
Para mas malayo ang ating marating.
Beverly Wico Siy
11 Setyembre 2020
Bacoor, Cavite
Ang unang bersiyon nito ay nalathala noong Mayo 2020 sa UST Dapitan Literary Folio na Ina ang tema .

September 10, 2020
Setyembre na
omg ngayon lang ako uli makakapag-blog mula nang magka-lockdown. iniuwi ko na ang computer sa opisina. para makapagtrabaho ako rito sa bahay. napakahirap kasi na cellphone lang ang gamit ko sa pag-coordinate, pagsusulat at sa pag-e-email.
andito ako sa dating kuwarto ni ej. kinonvert na namin into an office cubicle hahaha saka isolation room. nagkalagnat nang ilang araw si papa p. dito siya natulog.
ok naman na siya ngayon, medyo sira lang ang tiyan. pero dati pa niyang kaso ang pagkasira ng tiyan niya. ewan ko bakit hindi gumagaling. kaya siguro, hindi siya palalabas ng bahay e.
pag nagkapanahon ako ay ipo-post ko rito ang mga mahaba kong akda sa fb. doon na ako naglalabas ng mga saloobin in the past few months. paminsan-minsan, nakakapagsulat din ako sa journal. inatake ako ng lungkot at sakit ng ulo, since pagpasok ng sept 1 at during papa p's sick days. di rin kasi nakapasok ang kasambahay namin, mag-isa akong nagtatrabaho sa bahay at nag-aalaga ng mga bata. pinipilit kong magtrabaho pero wala, ang hirap talaga. ang ending, akala ko, mamamatay ako sa pisikal na hirap at guilt.
alam mo ang nangyari, nag-autopilot utak ko. i took in everything one minute at a time.
pero grabe ang suffering ko. i was wishing for death to come and take me, mga ganyang feels. habang naghuhugas ako ng plato, habang nagpapainit ng tubig, habang nagdidilig, habang nagpapakain ng bata. sabi ko, bat ganito, bat ang lungkot, bat puro pagdurusa ang naiisip ko, bakit wala akong madamang pag-asa, bat parang walang katapusan ang kirot sa dibdib ko. naglinis ako, nagbuhat ng mabibigat. inilipat ko ang mga gamit sa garahe papunta sa space sa may pagitan ng bahay at gate. ang goal ko, naging per gamit. per box. per lalagyan ng sapatos. per square meter ng kalat.
wala akong routine. sabog ang bawat araw namin. ang constant lang ay magdidilig ako sa umaga at hapon. hindi puwedeng maka-skip ako ng pagdidilig.
lagi kong sinasabi sa sarili ko sa dami ng mga kailangan kong gawin, isa-isa lang. matatapos din ito. isa-isa lang. small pep talk that went a long way, tangina, thank god.
nakaka-depress talaga noong panahon na iyon. i was like, ano pa ang silbi ng lahat ng danas na ito, kung puro hirap, asan na ang ipinapangako ng buhay na after ng paghihirap ay saya naman? na-scam ako a. hindi pala ganon. and it was such a waste of precious neurons! hahaha napaniwala ako.
life doesnt operate that way pala.
scam nga.
also, ang hirap maging babae. laging fight for your space ang mode. nakakapagod. men dont give in. why would they? sila ang nakikinabang. nasa advantageous position sila, why would they care about you? sori ka na lang, ganon.
at ang problema, they dont see this as a problem. para sa kanila, normal ang lahat ng bagay. na pa-token-token lang ang presence ng babae. hindi talaga sila naniniwala na what we are doing is something significant. na what we are doing is something great. at makakatulong din sa kanila bilang tao.
ngayon, poy told me to isolate. ako naman kasi ang sumakit ang lalamunan. and something else also happened to me that really made me panic. potah.
mamamatay na ba ako?
you know what i thought about when i thought im gonna die?
"paano ang mga pangarap kong gawin na libro? andami pa non!"
at
"anliliit pa ng mga anak ko!"
thank god may tungkol sa pamilya hahaha
so napa-on ako ng computer and some work got done. hay shet. dami ko backlog, so i am so happy nabawasan kahit konti. gusto kong magsumite nang magsumite ng mga akda. i want to get published. i want to write again. i want to create books again.
at nagbabalik nga pala ang iso work namin sa ccp. we have to update our iso docs!
so... merry christmas!

March 16, 2020
emergency break
ang good news, mahihinto ang tuluyang pagbagsak ng mga presyo ng stocks.
ang bad news, hindi naka-pull out ng pera ang mga gustong mag-pull out.
hopefully, after all this, akyat uli ang stocks.
this too shall pass!
#veeruskalangfilipinokami

March 15, 2020
may withdrawal na naganap
may withdrawal na naganap! wagi ang lola n'yo ngayong gabi na ito!
at sinamantala ko talaga dahil minsan lang 'to. sinaid ko hanggang sa wala na siyang mailabas.
suko na, suko na!
sabi ng atm card ko.

withdrawal
pag-uwi ko, may magaganap na naman na hubaran at wasiwasan ng alkohol.
bale, i-update ko na lang kayo kung maka-iskor ako this time kay papa p. o kung may withdrawal na mangyayari.
#pera
#withdrawalngpera
#anube

starve them!
ganito po iyan, kapag nagre-react kayo o nagre-reply o nagko-comment under a post or an fb page or a comment, trolls get a certain amount. ang balita ko 50 pesos ang pinakamura.
so, what do they do? mapanghamon ang kanilang mga post at comment, ipo-provoke ka talaga. to the point na tangang-tanga ka na sa kanila at sa mga pinagsasasabi nila.
natural, papatol ka. mapapa-comment ka.
cash iyan para sa kanila.
so, what to do, what to do?
huwag mag-comment under their fb posts or fb comments.
kaya ba natin ito? yes.
ang talino nila, ano? pero mas matalino tayo.
#letsstarvethetrolls

ang tv news bow
napanood ko sa balita na kailangan nang pumirma ng mga pasahero sa isang papel para maitala kung sino sila at saan sila papunta.
so, pinapaikot ang papel at bolpen sa lahat ng nasa bus.
kasama ang virus!
ipinakita rin sa news na inilalapat sa noo ng mga commuter ang thermal scanner na hawak ng mga militar at pulis.
siyempre pa, kasama uli ang virus!
#antatangatalaga
#bestandthebrightestkungsinomannakaisipnito
#papatayintayonggobyernongito

March 12, 2020
community quarantine at regional lockdown
nakakatakot na talaga ang novelcorona virus na yan. or ncov for short.
ano nga ba ang alam ko at naiintindihan sa virus na iyan?
1. novelcorona ang pangalan nito dahil novel, meaning, unique, kakaiba sa mga dati nang virus.
2. corona dahil mukhang korona ang virus na ito kapag idinaan sa microscope
3. pumapasok ang ncov sa katawan ng tao sa pamamagitan ng butas ng katawan, halimbawa, mata, ilong, bibig.
4. ito ay nagdudulot ng respiratory problem. ibig sabihin, inaatake nito ang baga at ang kaugnay na mga tissue at muscle ng baga.
5. namamatay ang tao na may ncov dahil hindi na siya makahinga.
6. mas mabilis mamatay ang tao na may ncov kapag mahina ang resistensiya niya o kaya ay may iba pa siyang sakit bago pa siya dapuan ng ncov
ano ang mga dapat gawin?
a. gumamit ng mask. kung wala nang mabiling mask, ugaliing magtakip ng ilong at bibig gamit ang towel o bimpo.
b. mag-alcohol pagkatapos ma-expose sa lugar na maraming tao. maraming germs at virus ang napapatay ng alcohol.
c. maghugas ng kamay kapag nakahawak sa mga bagay na hinahawakan ng maraming tao, lalo na at di mo kilala ang mga tao na humahawak sa mga bagay na iyan. halimbawa nito ay estribo ng dyip, handle bars ng mga pinto ng fast food restaurants, landline, mouse ng computer at keyboard sa mga internet shop, door knobs at door handles ng mga cr.
d. mag-vitamin c, kumain ng maraming prutas.
e. laging uminom ng tubig. dahil kapag tuyot ang lalamunan, mas likely na magkagasgas ito sa loob at mapasukan ng virus.
f. lumayo muna sa mga tao. iwasang sumakay sa bus at van na masikip. huwag munang sumakay sa dyip na matao. huwag munang magpunta sa mga crowded na lugar gaya ng palengke, groserya, simbahan, sinehan.
dito sa ccp, nagka-online meeting kami via the app called zoom. sabi ng vp at artistic director namin na si sir chris na nasa bahay nila dahil siya ay maysakit, cancelled na raw ang lahat ng public events namin nang buong marso. isasara na rin sa publiko ang ccp. so wala nang puwedeng makapasok for art exhibits, building tours, and the library. hinihintay na lang namin ngayon ang opisyal na announcement ng management.
nalungkot ako pero natuwa at the same time. puwede pala iyon, hahaha.
nalungkot dahil alam ko ang preparasyong ginawa para lang sa mga nakanselang event. grabehan. dugo't pawis ng mga artist, performer, writer, director at production team iyan. minu-minutong rehearsals! ahahay. masasayang pala. ang lupet mo, ncov, hayop kang virus ka.
natuwa dahil nairaos na namin ang festival of plays by women 2020. oh my fucking god. buti talaga at ginawa namin ito nang unang weekend ng marso! kung hindi, sapul na sapul kami ng ncov. andami pa naman naming performers at speakers from the regions. imagine kung di sila natuloy! napakaraming salapi ang masasayang.
anyway, sa isang banda, kahit halimbawa ay hindi ikansela ang public events sa ccp, may manonood ba? siyempre, takot na ang mga utaw sa matataong lugar!
mas masaklap naman iyong nag-rehearse ka't naghanda, go na go ka, bigay na bigay, pero... walang nanonood kundi ang nanay mo. na naka-mask.
as of this moment, i heard that 48 hrs from now, may lockdown na sa ncr. at ipagbabawal na rin ang bumiyahe sa mga rehiyon. pati flights, cancelled till april. dami talagang apektado. damay-damay na. ang silver lining na lang dito, we are all alert and aware. may panganib!!!
mabuti at gising tayo, nag-aabang sa pagsalakay nito.

March 10, 2020
maghubad ka na
dito? sa sala? tanong-sagot ko.
oo, sabi niya.
dali-dali akong sumunod. sa isip ko, aba, wild na jowa ko ngayon. sa sala na gustong makipag-chenerlu, kita ng kapitbahay.
iwinasiwas muli ni papa p ang alkohol sa akin. natamaan ang dede ko, kilikili, tiyan, pusod, pek squared, at mga hita. pinasirit niya ang alkohol sa aking mga paa. patay, pati fungi!
o, ayan, na-disinfect ka na. damit ka na uli, sabi niya sa akin, sabay abot ng daster.
ay, pakyu, love in the time of corona.

Bebang Siy's Blog
- Bebang Siy's profile
- 136 followers
