Repapips: Naiinis ka pa ba?
Labidabs: Hmp. Tingin mo? (sabay talikod)
*ultimate awkward silence*
Labidabs: (humarap) Ikaw, naiinis ka pa ba?
Repapips: Tingin mo? (sabay talikod na may bahid ng pagtatampo)
*ultimate awkward silence*
Labidabs: (biglang tingin kay Repapips)
Repapips: O... Tumitingin ka?
Labidabs: Kainis ka...
Ang maikling kuwentong iyong nabasa ay isa sa mga strip sa Die! Die, Evil! Die! Ahrrrgh!, ang ikatlong Kikomachine Komix compilation ni Manix Abrera. Hindi ko alam kung anong hiwaga ang bumabalot dito o sa mga salitang 'tingin' at 'inis' pero ito ang strip na pinaka-nakapagpatawa sa akin sa librong ito. Oo at medyo korni at nonsense ang strip na ito pero ano'ng magagawa ko? Tulad ng Kikomachine characters at readers ay sobrang babaw ng kaligayahan ko? Kung sabagay, ganito lang naman siguro ang nais ipahiwatig ng humor ni Manix--ang patawanin tayo sa kahit anong paraan, mababaw man ito o malalim. (Maipilit lang eh, 'no?)
Trivia (nang maiba naman): Ewan ko kung alam ninyo ito pero nang unang lumabas ang Die! Die, Evil! Die! Ahrrrgh! noong taong 2007, merong dust jacket ang naturang libro. Kulay itim ang dust jacket na ito at may font na kulay pink (Paborito kong color combination, bukod pa sa black at orange. Parang preso lang 'di ba?). Mas eleganteng tingnan, kesa doon sa original cover niya na medyo may pagka-childish ang dating dahil may rainbow, flowers, butterflies at kung anu-ano pang flying unicorns in the sky.
Narito naman ang ilan pa sa mga strip na nagustuhan ko o nakapagpatawa sa Die! Die, Evil! Die! Ahrrrgh!:
1. Ang story arc na "Ihip ni Kapalaran, O Dyusko Gargantuan!" kung saan inilahad ng mga estudyanteng nag-aaral, nagre-research at tumatambay sa library kung gaano kahirap pumuwesto malapit sa dambuhalang electric fan. Maski ako, naka-experience na ng ganyan noon. Hindi ko problema ang biglaang paglipad ng readings. Mas problema ko ang biglaang pagkakaroon ng sipon dahil napakasensitibo ng ilong ko. Kaunting lamig lang, sinisipon na agad ako. (Share lang naman.)
2. Ang tungkol sa chain mails na madalas nating natatanggap sa ating e-mail kung saan babantaan ka na kapag hindi mo nai-send iyon sa limampung kaibigan ay may mangyayaring masama sa iyo. Nakakatawa si Afro Boy dahil trenta lang daw ang friends niya. Kaya ang ginawa niya, nakipagkaibigan siya sa mga katabi niya sa computer shop!
3. Ang plagiarism issue kung saan minsan daw nag-check ng bibliography ng term paper si Lola Prof at dahil sa sobrang pagka-cut-and-paste mode ng naturang estudyante, hindi niya alam na link pala ng pornsite 'yung nasa bibliography! ("Ay kamatis! Ang lakeh!")
4. Ang kuwento ng mga lulong sa amoy ng bagong xerox na papel. Nakaka-relate ako dito kasi medyo adik din ako sa amoy nito noong bata pa ako. Kapag naglalaro kami ng iskul-iskulan ng mga kalaro ko, ako ang titser at pinapa-xerox ko pa sa tatay ko 'yung exam kunyari nila!
5. Natawa at naka-relate din ako sa eksenang hanapan ng groupmates sa isang group activity. Tila nga isang World War ang resulta ng buong silid matapos magbigay ng go signal ang prof para maghanap ng ka-grupo!
6. Maganda rin 'yung Epilogue part ng libro kung saan nag-uusap ang dalawang magkasintahang bulaklak. Pinapaliwanag ng lalakeng bulaklak ang pag-ibig niya kay babaeng bulaklak na inihahalintulad niya sa isang rainbow. Ang galing dahil talagang may meaning pa ang bawat kulay ng rainbow na patungkol sa pag-ibig. Tipong, napakababaw pero napakalalim pala ng kahulugan (ano daw?).
7. At marami pang iba! (Sobrang dami pa, as in. Nakakatamad nang isa-isahin.)
Sa muli kong pagbabasa ng ikatlong pagsasama-sama ng comic strips ng Kikomachine Komix ay nabiktima na naman ako ng mga nagbabagang romansa, umaatikabong aksyon, makatunaw-pusong drama, hardcore hebigat na kakornihan, kakila-kilabot na katatakutan, at kung anu-ano pang ewan. Parang itong review ko lang, mukhang ewan. Magmula LQ hanggang sa paboritong strips. Sobrang sabog.