ANG PAGHAHANAP SA NAWAWALA: Pagsama sa paghahanap at munting pag-iimbestiga ni Bree sa Talung Punay
Ang mundo ni Bree, isang “receptionist” sa Barangay Talung Punay ay madaling pasukin. Hindi ito mahirap kilalanin dahil ang Barangay nila ay katulad ng mga Barangay na mayroon tayo sa ating lipunan. Hindi na rin bago ang mga tauhan sa loob ng aklat, ngunit ito ang kalakasan nito, naisulat nang mahusay ang mga tauhan sa libro dahil hango ang mga tauhan sa mga nakakasalamuha natin sa ating komunidad. Lalo na si Bree, ang kaniyang pisikal na anyo ay hindi na bago sa ating panitikan pero sa pagbibigay ng manunulat ng katangian at kapangyarihan na mang-usig at mag-imbestiga nabigyan tayo ng bagong itsura ng bakla na umiigpaw sa isteryotipong pagkakarakterisasyon. Lalo na kung paano ipinupuwesto ng manunulat si Bree sa bawat paghahanap nito. Nakita natin ang pagka-absurdo ng kaniyang pag-iisip sa “Ang Nawawalang Kutsilyo” kung paanong ipinakita sa atin ng manunulat na ang nawawala sa kuwento ay nawawala pa rin sa dulo ngunit para kay Bree at sa mga taga Talung Punay nahanap nila ang nawawala. Bukod doon ay marami pang inihain ang manunulat na kuwento sa buong libro, mga kuwento na hindi na bago sa atin pero binibigyan ng manunulat ng bagong lalim. Hindi mo kailangang halukayin ang kuwento para lang makita kung ano ang pinaghalawan, dahil mismong karanasan mo maaari mong makita sa loob ng mga kuwento sa libro ng Ang Nawawala. “Immersive” ang karanasan ko sa pagbasa ng buong aklat, may mga pagkakataon na pagkatapos ko magbasa ay hihinga muna ako (tulad ng dati kong ginagawa) ngunit hindi ako papayag na matengga ng ilang araw sa pahinga kaya binibilisan ko ang pagpo-proseso at magbabasa ulit.
Hindi ko nga akalain na natapos ko na iyong libro e’ ang nasa isip ko lang: “Anong susunod na mangyayari?”
May angking lakas si Bree at ang kaniyang mga pakikipagsapalaran sa Talung Punay. Hindi iisang beses akong tumawa at nadala ng mga eksena sa kuwento. Buo ang kaniyang boses sa isip ko, dahil siguro marami na rin akong Bree na nakilala. Kahit malayo ang buhay namin sa isa’t isa may pagkakataon na habang binabasa ko ang “Ang Nawawalang Payong” dito ko nakita na may pinagsasaluhan kaming danas ni Bree na dahilan kung bakit isang oras din akong umiyak. Sa huling kuwento kasi parang naging mas lahad ang kuwento ni Bree na hindi masyadong ipinapakita sa mga naunang kuwento. “Ang Nawawalang Kalapati” at “Ang Nawawalang Payong” ang dalawang kuwento kung saan mas nakita si Bree labas sa kaniyang pagiging receptionist sa Barangay Talung Punay. Nakita ko siya roong umiiyak, nagagalit, nagseselos, at marami pang emosyon na iba sa ikinuwento ng manunulat sa mga naunang kuwento. Kaya nang mabasa ko iyon at maiyak ako, parang bigla ay kaharap ko na lang si Bree habang nagbabasa ako. Nag-flesh out siya from the book at umiiyak kaming dalawa. And I am thankful for that experience, hindi ako nag-iisa sa pagluha.
Mahalaga para sa akin itong Ang Nawawala dahil unang-una kung paano binigyan karakterisasyon si Bree bilang bakla sa komunidad na kinabibilangan niya. Lampas na siya sa paglalarawan ng isteryotipong bakla sa loob ng Parlor, katulad sa pamagat ng koleksyon ng mga kuwento ni Honorio Bartolome De Dios, si Bree ay nasa Labas na ng Parlor. Hindi na siya ikinukubli ng apat na sulok ng Parlor, nasa loob siya ng isang Barangay Hall at tumutugon sa mga problema ng kanilang Barangay na hindi karaniwang pinapansin ng mga tanod. Pangalawang nakikita kong kahalagahan nito ay kung paano ginamit ang konsepto ng “nawawala” o “wala” sa loob ng mga kuwento. Ang mga kuwento sa libro ay nagtatapos sa paghahanap ng hindi natin alam kung nakita ba o hindi. Sa unang kuwento nakita natin ang salarin ngunit sa mga sumunod na kuwento iba na ang ginagawang paghahanap sa mga nawawala hanggang sa dulo at ito ang gustong-gusto ko. Kung paano ginagawa ni Bree ang pagi-imbestiga. Doon ako nakukuha ni Bree na sumunod sa kaniya at mamamalayan ko na lang tapos na ang kuwento, sa una magtatanong ako: “Iyon na iyon?” tapos susunod kong reaksyon: “Putangina, ayun nga!” Para lang akong baliw pag nakikisali sa paghahanap ni Bree. Kaya hindi iisang beses na pinagtinginan ako ng tao nang bitbitin ko sa labas iyong libro at basahin.
Magaganda ang lahat ng kuwento sa loob ng libro, may kaniya-kaniya silang lakas, may kaniya-kaniya silang ibinabahagi na kuwento, pero paborito ko talaga iyong dalawang huling kuwento. Doon ko na kasi talaga nakita si Bree kung bakit mahilig siyang maghanap, nag-uugat kasi siya sa karanasan niya noong bata pa lang, ayokong mag-spoil pero dahil nga sa dalawang huling kuwento ay mas nakilala ko si Bree at iyon ang pinaka-rewarding na experience ko sa pagbabasa ng libro ang nagustuhan ko. Lahat ng kuwento magaganda. Mas kumakapit ako sa bahagi ng pagbabasa ko kung saan mas nakilala ko ang karakter at mas tumaas ang appreciation ko sa manunulat ng buong libro ng Ang Nawawala.
Gusto kong ibahagi sa lahat ang librong ito. Kasi mas maganda nga na mabasa nila ng isang buong libro ang bawat kuwento sa loob nito, nagiging nobela ang buong kuwento sa loob ng libro pagkatapos ko ito basahin dahil nabuo ng mga kuwento ang mundo ng Talung Punay, ang bidang si Bree, ang mga side characters, at ang pakikipagsapalaran ng paghahanap sa “nawawala” deserve ng libro na ito ang Reprint. Iyong malinis na reprint, may mga bahagi kasi ng pahina na ang mga letra ng kuwento ay dikit-dikit, may minimal na typo, pero bearable naman. Narinig ko na magkakaroon ito ng sequel, excited na ako para roon, dahil iyong huling kuwento, mas naiyak din ako dahil eager akong malaman iyong salarin pero tinapos ang akda. Kilala ko na ang may kagagawan sa huling kaso pero nandoon iyong kagustuhan ko ng resolusyon na mula sa manunulat kaya ayon, sana maituloy ang kuwento ng “Ang Nawawalang Payong” sa susunod na libro. Masaya akong sasama muli sa pag-iimbestiga ni Bree para lutasin ang pagkawala ni Deepak.
December 1, 2022
Duhat, Bocaue, Bulacan