Jump to ratings and reviews
Rate this book

Imus Novels #3

Lila ang Kulay ng Pamamaalam

Rate this book
May lalaki. May babae. Pero hindi ’to k’wento ng pag-ibig. Ng romantikong pag-ibig. Para sa sumulat, ito ay k’wento ng pamamaalam, ng pagyakap at pagtanggap sa buong konsepto nitong binalot ng realidad ng seksualidad, mga ’di naipadalang liham, at mga panaginip na nakaangkla sa mga gunita ng nakalipas.

Pero baka sa'yo, bilang mambabasa, iba ang kahulugan ng nobelang 'to.

Balikan ang naglahong alindog ng Imus sa saliw ng gimig ni Ely Buendia at ng Eraserheads, ng mga awit ng The Beatles at ni Morrissey, ng pighati at paglalambing ni Coltrane, Ellington, at Davis, ng walang kapares na tinig ni Rico J. Puno at panulat ni Rey Valera, ng kapayakan at aesthetisismo ng dekada '90, at ng latay na pakikipagtipan ng 1956 Sori Yanagi Butterfly stool sa blankong C120 cassette tape para mabigyang sagot ang 'sang tanong na kumakalmot sa eskinita ng lumbay:

ANO NGA BA TALAGA ANG KULAY NG PAMAMAALAM

Book Cover Design by Wiji Lacsamana

355 pages, Paperback

First published January 1, 2015

38 people are currently reading
419 people want to read

About the author

RM Topacio-Aplaon

7 books68 followers

Ratings & Reviews

What do you think?
Rate this book

Friends & Following

Create a free account to discover what your friends think of this book!

Community Reviews

5 stars
87 (61%)
4 stars
35 (24%)
3 stars
17 (11%)
2 stars
1 (<1%)
1 star
2 (1%)
Displaying 1 - 30 of 40 reviews
Profile Image for K.D. Absolutely.
1,820 reviews
January 24, 2016
Palabasa ako kahit noong bata pa. Pero noong matuklasan ko ang Goodreads noong 2009, mas lalo akong ginanahang magbasa. Madalas na ang binabasa ko ay mga foreign books, hindi dahil sa mas maraming aklat na sinulat ng mga dayuhan kundi dahil mas in ang nagbabasa ng ingles. Marami pa rin ang nagiisip at kasama ako doon, na pag English-speaking ang isang tao, mas sosyal.

Hindi na ngayon. O at least ako, hindi na ganito ang pagiisip ko. Ito ay nagsimula noong magkaroon ng Pinoy Reads Pinoy Books na nagpabago ng isip ko. Kung noong 2009 hanggang 2011, noong matatag ang bookclub naming ito, nagsimula na ang pagbabasa ko ng mga lokal na akda. Ito ang nagpabago sa pananaw ko na baduy ang nagsasalita (o sumusulat) ng Filipino o Tagalog. Ito rin ang bumago sa pananaw ko noon na hindi kapantay ng mga manunulat sa ingles ang mga lokal na manunulat.

Lalong-lalo na ngayon na katatapos ko lang basahin ang unang nobela ni R.M. Topacio-Aplaon, ang Lila Ang Kulay ng Pamamaalam. Sa loob ng tatlong taon kong pagbabasa ng lokal na aklat, ngayon lamang ako nakaranas ng ganitong pakiramdam. Lungkot dahil malungkot ang kuwento sa nobela at saya dahil masasabi kong ito ang isa sa pinakamagandang nobelang lokal na nabasa ko. Maaaring ihanay sa ibang akdang malulungkot kagaya ng The Heart is a Lonely Hunter (4 stars) ni Carlson McCullers, The Bell Jar (2 stars) ni Sylvia Plath, The Trick Is to Keep Breathing (4 stars) ni Janice Galloway o The Blind Owl (5 stars) ni Sadegh Hedayat. May pagkakapare-pareho sa akda na ito ni Topacio-Aplaon ang apat na librong ito: pero hindi dahil may ganyan, automatic na na nagugustuhan ko ang libro. Pansinin na binigyan ko lang ng 2 stars ang akda ni Plath.

Iba kasi ang timpla ng akda kapag lokal na lokal ito. Ang panulat ni Topacio-Aplaon ay conversational Filipino. Hindi mahirap o nakakasawang basahin. Mahaba ang nobela at masinsin ang pagkakalarawan ng mga tagpo. Noon una, nababagalan ako sa mga nangyayari. Noong matatapos o natapos ko nang basahin, gusto kong ulitin lahat mula sa unang pahina. Ganoon siguro ang nais mangyari ng mayakda. Gusto niyang hilahin ka sa mundo nina Dylan at Yumi upang mas maramdaman mo ang nararamdaman ni Dylan noong si Yumi ay naging si Lila na at mas lalong noong si Lila ay nawala na sa kanya.

Ang unang aklat na Pinoy na may theme song. Ito ang unang aklat na Pinoy na nabasa kong maha-heighten ang pagbabasa mo kung patutugtugin mo ang Daigdig ng Ala-ala ni Rico J. Puno. Pinanganak ako ng 1964 at natural, kilala ko sina Rico J. Puno, Rey Valera, Claire de la Fuente at nakapakinig rin ng mga awitin ng Eraserheads. Pero sa mga Rico J's hits, hindi ko natandaang naging sikat o naging paborito ko itong "Daigdig ng Ala-ala." Mas nagmarka sa isipan ko ang "Kapalaran", "The Way We Were", "May Bukas Pa", "Lupa", "Buhat" o yong pinakamasaya, "Macho Guapito." Kaya noong binabasa ko itong aklat na ito, di ko agad hinanap sa internet yong kanta. Pero noong nasa turning point na yong kuwento, hinanap ko sa Odyssey dahil gusto kong pakinggan sa kotse, kaso wala na raw mga Rico J dahil sarado na ang Vicor. Tapos nag-YouTube ako at nakita ko at mas lalo akong nalungkot dahil sakto ang kuwento sa malungkot napananambitan ni Rico J. Naba-bother lang ako ng "ala-alla" pero ganito ang unang mga kanta ni Rico J dahil uso noong late 70's ang baby baby nya na parang foreigner ang bigkas sa Tagalog. Ang huling ganito ang accent kumanta ay si Jessa Zaragosa. Mabuti na lang at naitama na ito.

Bukod sa tema, masining na pagkakalarawan sa mga tagpo at musikang ginamit, ano talaga ang nagustuhan ko sa akda? Ang pakikipagusap nito sa kaluluwa ko. Nagiiwan ito ng mga tanong na ako lang ang makasasagot: paano ko ba ginagamit ang mga oras ko? Natawid ko na ba ang tulay ng buhay ko? paano ko inaabot ang mga pangarap ko? Kailangan ko bang magpaalam sa taong mahalaga sa akin upang tumawid ng tulay na yan? naipararamdam ko ba sa mga taong mahal ko na mahal ko sila hangga't naririto pa sila't kasama ko? Kung hindi inuna ni Dylan ang pagdidilig ng halaman, marahil nariyan pa rin si Lila? at kung wala na sila, gaya ng Tatay ko, may pinagsisisihan ba akong di ko nasabi o naipadama sa kanya noong naririto pa siya? Ngayon kaya, naka-moveon na si Dylan?

Sa huling tanong na nyan, naisipan kong iinvite si Topacio-Aplaon sa FB bilang kaibigan. Sumagot naman at nagpalitan kami ng posts sa FB at kalaunan ay chat messages. Nahihiya na raw syang sumagot sa FB. Marami akong tanong sa kanya, ika ko. Willing naman daw syang sumagot. Pero hindi ako nagtanong. Bagkus sinabi ko ang mga isinulat ko sa itaas tungkol sa naramdaman ko habang binabasa o pagkatapos kong basahin ang akda nya. Gusto ko sanang itanong kung siya si Dylan o ilang bahagi ng buhay niya si Dylan at kung naka-moveon na siya. Pero hindi. Siguro hindi ko na ito itatanong. Hindi na rin mahalaga. O possessive ako sa character na nabasa ko. Ayaw kong malaman na hindi ito totoo. Ayaw ko ring malaman na totoo at hindi na niya naaala-ala si Lila. Gusto kong manatiling buhay sina Dylan at Lila sa isip ko para maitama ang buhay ko.

At dahil dito, hayan ang limang bituin. Isa sa limang paboritong aklat na Pinoy na hinding-hindi ko malilimutan habang ako ay nabubuhay.

Sumasaludo ako sa iyo, R.M. Topacio-Aplaon.
Profile Image for Elsed.
1 review3 followers
January 4, 2016
Mala-Murakami raw ang estilo at tema sa nobelang ito. Marahil nga. Ang kaibahan nga lang, mas natatangay ako sa mga imahen at mundong ginagalawan ng mga tauhan. Mas malapit ang nuances at mas dama ang sensibility dahil siguro, pareho nina Dylan at Yumi, bahagi na rin ng aking kamusmusan ang kanilang mga karanasan. Gusto ko yung pastoral na deskripsyon na nakakapagpapaalala sa akin ng Casay, ang baryo sa Antique kung saan ako nagmula. Napaka-lyrical ng mga salitang ginamit ni Ablan sa paglalarawan ng bawat galaw, tunog, lasa, amoy, at imahen--very palpable at the same time para itong musikang nagdudulot ng pag-indayog sa iyong kamalayan.

Katatapos ko lang basahin ang Unang Bahagi. Kahit alam kong ito'y kuwento ng lumbay at pamamaalam, hindi ko naihanda ang sarili sa kinahantungan ni Yumi. Naantig ako sa kamatayan ni Yumi at effective sa akin yung irony na ginamit ni Ablan sa eksenang ito. Magkahalong hapdi at ligaya ang umasa sa isang bagay na inaakala mong babalik pa, ngunit sa kasawiampalad ay hindi na.
Profile Image for Roxanne.
7 reviews3 followers
March 6, 2017
Pinipilit na sabihin ng utak ko na "fiction" lang ito pero ayokong maniwala.
Profile Image for Percival Buncab.
Author 4 books38 followers
August 22, 2020
Higit pa sa synopsis ng at reviews sa librong ito ang nilalaman ng Lila ang Kulay ng Pamamaalam. Masyadong limitado kung ikakahon lang ang nobelang ito sa genre ng pag-ibig at trahedya. Bagamat sentimental ang overarching mood ng kuwento, marami ring nakakatawang eksena. Marami sa mga tagpo ay masayang pagbabalik-tanaw sa 90s at paggala sa Imus. Interesante rin ang side stories ng minor characters, para kang nagbabasa ng maiikling kuwento at/o dagli na nakapaloob sa nobela—suwabe ang pagkakahabi ni Aplaon ng metanarrative. Isa ang nobelang ito sa mga kuwentong may napaka-impactful na climax, pero hindi lang sa climax nakaasa ang kagandahan ng kabuuan ng plot, kaya masarap pa ring basahin ulit ang kuwento kahit alam mo na ang plot twist.

Nang maging tagahanga ako ni RM Topacio-Aplaon, matapos basahin ang maikling nobela niyang Muling Nanghaharana ang Dapithapon, agad kong sunod na tinuloy basahin ang Lila. Triple ang kapal ng librong ito kaysa sa Dapithapon; at kahit pa ikumpara sa karamihan ng nobelang Tagalog, mas mahaba pa rin ito. Sa mga unang pahina ng pagbabasa, mahahabaan at halos mabuburyo ka sa mahahabang exposition, kung paano nito isa-isang nilalahad ang bawat detalye para vivid na mapakita ang bawat tagpo. Pero kung hahayaan mong ipagpatuloy ang pagbabasa at magtiwala kay Aplaon sa napili niyang estilo ng prosa, unti-unti ka ring masasanay, hanggang sa maibigan mo na ang magpakalunod sa lirikal na prosa—nagiging musika ang mga kataga at nagiging pag-awit ang pagbabasa nito.

Gusto kong punitin ang librong ito at murahin si Aplaon nang mabasa ko na ang huling kabanata ng unang bahagi. Ngayon na lang ulit ako nalungkot nang ganoon ka-attach sa isang fictional character/story. Dahil na rin sa paglalahad ni Aplaon kahit ng mga mundane na mga pang-araw-araw na bagay, kaya yayakapin na ng isip mo na tunay na buhay ito ni Aplaon; na totoo ang mga nangyari, kundiman lahat ng detalye.

Naiintindihan ko kung bakit kinukumpara ng marami ang Lila sa Norwegian Wood. Isa sa pinakapaborito kong nobela ang Norwegian Wood; at agad ko ring naging paborito itong Lila; pero masasabi kong bukod sa climax, wala naman nang masyadong pinagkapareho ang dalawang nobela, dahil matagal naman nang estilo ang lirikal na prosa, ilang milenyo na bago pa mabasa ng mundo si Haruki Murakami. Mas nagustuhan ko pa nga ang Lila hindi sa dahil mas maganda ito sa Norwegian Wood (pantay-pantay lang sa puso ko ang mga paborito kong libro), kundi dahil mas nakaka-relate ako sa kulutrang Filipino ng Lila. Mas nakakawasak din ng puso ang trahedya ng Lila dahil mas focus ang pagkaka-invest ni Apalaon sa paghahabi ng plot papunta sa climax; kumpara sa iba namang ganda ng Norwegian Wood kung saan naglaan din si Murakami ng marami-raming pahina para sa subplots ng secondary characters.

Naipakita ng nobelang ito ang ambag ng panitikan sa filosofiya—ang hindi magbigay ng mga konkretong kasagutan, kundi magbigay ng mas marami pang tanong at/o kuwestiyunin ang mga kasagutang basta na lang pinasa sa atin ng tradisyon at kultura.

Kinasabikan kong basahin ang ikalawang bahagi ng nobela sa pag-aasam na makahanap ng redemption, dahil hindi ko kayang tanggapin ang trahedya ng katapusan ng unang bahagi. At hindi naman iyon pinagkait ni Aplaon. Umikot ang kuwento sa trahedya ng kamatayan at pagkakulong sa nakaraan. Pero natapos ang mahabang nobela sa pagtanggap ng trahedya ng nakaraan at pagpapatuloy ng buhay nang may sapat na pinanghahawakang maligayang hinaharap.
Profile Image for D.
523 reviews19 followers
September 28, 2015
Sa totoo lang, binili ko 'to na ineexpect na 'di ko siya masyadong magugustuhan; 'yung tipong 'Okay lang, maganda pero medyo pretentious' tulad ng opinyon ko sa mga sulat ni Karl De Mesa. Nasa Literary Festival kasi ako, umattend ng panel ng UP Press, at nando'n si RM Topacio-Aplaon. Pinakilala ni Gerry Los Banos bilang isang bagong manunulat at itong Lila daw kahit ang pinakamasungit na kritiko sa UP napahanga.

Nung nasa UP pa ako, lagi akong nagtataka kung bakit maiikli ang mga nobelang Pilipino. (Ang sagot sa 'kin ni Charlson Ong, 'Itong bago kong librong Banyaga mahaba.' Intriguing, pero hindi naman talaga nasagot ang tanong ko.) Ito na siguro ang isa sa mga pinakamahabang nobelang nabasa ko na Tagalog.

So: Mahabang nobela, magandang pagtanggap mula sa mga kritiko, at ayon sa manunulat, ito raw ay tungkol sa Imus, tungkol sa kawalan, tungkol sa suicide, at iba pa. Kahit feeling ko malaki ang tsansa na pretentious talaga ang nobelang ito, binili ko na rin. Maganda naman ang pabalat.

Maganda talaga siya. May mga bahagi na iniisip ko puwede namang paikliin (ang paulit-ulit na pagbanggit sa mamasa-masang mata ni Lila, ang palda niyang 'di lalagpas sa tuhod, ang pearl earrings niya) pero opinyon ko lang 'yon. Sanay kasi akong pagsabihan na 'pag pwede namang hindi, 'wag na lang isulat. Ang mga deskripsyon na minsa'y nasa teritoryo na ng 'purple prose' ay nakadadagdag naman sa kabuoang liriko ng nobela. Parang 'epithet' ba sa mga epiko.

Noong una inisip ko nga na baka nadadaya lang ako ng nostalgia. Sa Cavite kasi ako lumaki, noong 90s. Hindi nalalayo ang experiences nina Dylan at Lila sa mga narasanasan ko nung bata pa ako. (Nabanggit sa nobela ang kending 'tira-tira' na hindi na alam ng mga kabataan ngayon. Ang mga kanta ng Eraserheads na siya ring tumutugtog sa radyo noon.) Pero habang tumatagal at hindi pa rin ako pinakakawalan ng mundo nina Dylan at Lila, naisip ko, hindi ito daya. Gusto ko ang mga tauhan ng nobela, gusto kong malaman kung ano'ng iniisip nila at kung ano'ng gagawin nila.

At kung nag-aalala kayo na panay romansa ito, na panay introspeksyon at pagjajakol tungkol sa mga awit at aklat at paano magsulat: hindi. May gustong sabihin ang nobelang ito. Mula sa kuwento ng pagkamatay ng nanay ni Dylan, hanggan sa pagbalik niya sa Imus maraming taon ang nakalipas para malaman na nagbago na ang lahat at maraming naapakan ang 'pag-unlad' ng bayan.

Highly recommended. Hindi ako nanghinayang sa pagbili ko sa librong ito.
Profile Image for upʞ.
26 reviews3 followers
October 12, 2020
Grabe. Mahal na mahal ko ang nobelang ito. Saksi ang mga pahina nito na tinadtad ng nakaluping page flags sa mga linya, tagpo, at ganap na gusto kong laging maalala at balik-balikan. Siguro kung mayroon akong listahan ng mga nobelang dadalhin ko hanggang sa tumanda ako, ibig kong sabihin ay 'yung kuwento at mismong aklat, isa ito sa mga iyon.

Lalong ginawang napakalungkot ni RM Topacio-Aplaon ang kantang Daigdig ng Alaala, isa sa mga gusto kong 80s OPM songs. Masakit. Lalo kapag nanamnamin ang bawat salita ng kanta habang isa-isang binubuklat ulit ni Dylan ang nakaraan nila ni Yumi—o Lila. Kasama na rin kung iisipin kung paano ang pakiramdam ng kanta mula sa pagpapatugtog ng plaka sa turntable o ng cassette sa portable player.

Minahal ko rin ang secondary characters na naging bahagi ng buhay ni Dylan at Yumi/Lila. Kasama na rin sina Camila, Audrina, at Michelle. At sina Meowie at Carmina Dixson. Sana may suwerte rin akong kagaya ng kay Dylan pagdating sa babae.

Kung gaano akong ginawang maligaya sa mga nakaraan ni Dylan at Yumi/Lila, sa pag-ibig at pagkakaibigan; kung gaano ako nakaramdam din ng pagmamahal at libog habang binabasa ang kuwento nila, ay siya ring tindi ng lungkot na ipinaramdam sa akin ng nobela. Nakakawasak.

Habang nasa gitna ng pagkawasak, hindi ko alam kung papaanong maisasara ang nobela na hindi magiging flat o nakakadismaya. Pero nagawa ni RM Topacio-Aplaon na mapainog ang katapusan sa napakatiwasay na paraan. Sa maganda niyang salita, pantasmagoria.



(Side note: Medyo maraming kapansin-pansing typographical errors sa Tagalog words. Grabe, UP Press, alam kong lengthy ang nobela pero masinsinang proofreading, please. Medyo nakakasira ng momentum sa pagbabasa, lalo na sa kagaya kong talagang gigil sa mga ganyan pagdating sa published works. 'Yun lang.)
Profile Image for Mitch Esteban.
2 reviews
November 30, 2015
If i could give rate this as zero I would. This is a blatant rip off of Haruki Murakami's Norwegian Wood. The entire structure, plot and a lot of scenes are lifted wholesale from Murakami's book. This is embarrassing and shows that the writer has absolutely no imagination. The fact that UP Press did not catch this and even published this travesty is disappointing. Shame on you Mr Topacio-Aplaon.
Profile Image for Justin.
17 reviews
November 9, 2025
Kilala ko ba taga ang Imus? Kilala ko ba ang aking bayan? 

***

Ilang beses kong isinantabi ang rebyu na 'to. At sa totoo lang, hindi ko alam bakit. Pero mayroon akong hinuha. Una, dahil bayan ko rin ang Imus. Marahil ilag (?) akong pag-usapan—at buhat ng gawaing 'yon ay mas makilala—ang bayan na, sa kaniyang payak na paraan, nagsilbing aking kanlungan. Sapagkat sa panahon na gawin ko 'to'y mawawala na ang misteryong dulot niya; ang halina na, sa bawat pagkakataon na ako'y pinahihintulutang makabalik mula Maynila, nakapupukaw pa rin ng aking pansin, ang halina na nakapagtuturo sa aking hindi ko pa talaga lubos na kilala ang aking bayan. 

At pangalawa, mabigat ang mga nobela; at buhat no'n, mabigat din ang gawain na tapatan ito ng mga salitang makasasapat na isalarawan ang kasalimuotan ng bawat tauhan at tagpo. Hindi ko lubos maisip paano ikukuwento sa inyo, halimbawa, ang amorseko game, ang pagmamahalan nina Dylan at Mayumi, ang umaaligid na multo ni Mario Rafael de Polano, ang kaibhan at pagkakapareho ng dalawang Aria, ang saliw na likha ng himig ni Rico J. Puno, ang totoong kulay ng dagat (na hindi asul, kundi diapanoso), o ang pakiramdam ng malambing at mapaglarong haplos sa balat, nang hindi pinapalya ng mga salita. Kung kaya, madalas, nagpapatianod na lang ako sa ideyang kailanma'y hindi ko maipinta ang esensya ng mga nobela—at kalapastangan na gawin o tangkain pa iyon. 

Ngunit doon ko rin naunawaan kung bakit ko paulit-ulit na isinasantabi ang rebyu na ito: hindi dahil sa kawalan ng lakas ng loob, kundi dahil kailangan ko munang maramdaman muli ang pagkatalo, na hindi lahat ng pagkakataong magsusulat ng ganito ay madali. Kaya't sa kabila ng lahat ng pagtatangkang umiwas ay may pangangailangang mag-igib mula sa balon—sapagkat maisusulat ko lang ito kung ako'y magbabalik sa "mga naiwang gunita". 

***

Ang mga nobelang tinatangka kong pag-usapan sa eksposisyong ito’y bahagi ng isang serye ng mga nobela ng Imuseñong awtor na si RM Topacio-Aplaon. Ang naturang serye, na pinangalanang Imus Novels, ay binubuo ng pitong nobela na nakalunan at lumulunsad mula sa bayan ng Imus, Cavite. Ngunit sa kasalukuyan, tatlo pa lamang ang nakalimbag; nariyan ang, Lila ang Kulay ng Pamamaalam (IN3 o Lila mula ngayon, 2015/2023), o ang sentro ng unibersong ito; Muling Nanghaharana ang Dapithapon (IN5 o Dapithapon mula ngayon, 2018); at Topograpiya ng Lumbay (IN6 o Topograpiya mula ngayon, 2020); habang ang epilogo, ang Anatomiya ng Desperasyon (forthcoming)—na sinasabing one-thousand pages ang kabuuang haba—ay, kung tama ang aking alaala, lalabas pa lamang sa darating na taon (2026). 

May kani-kaniya ring pinapaksa ang bawat nobela. Ang Lila ay tungkol sa magkababata na sina Dylan at Mayumi, at ang samot-saring pakikipagbuno ng una sa pag-ibig, lungkot, pagkawala at pagiging—lahat ng ‘to sa saliw na gawa ng himig ni Rico J. Puno at iba’t ibang cassette tapes na nagbibigkis sa huling dekada bago sumapit ang ikalawang milenyo. Ang IN6 naman ay tungkol sa sangandaan ng tatlong magkakaiba ngunit magkakaugnay na mga tauhan: ni Melody Aria, ni Ruis Quijano, at ni Arci Romualdez; at ang kanilang pekulyar na paglalakbay, pagtatagpo at pagmamapa sa heograpiya ng katotohanan, sa topograpiya ng lumbay. Ang Dapitahapon naman, na aking pinakapaborito, ay pagsasatitik ng poetika’t simulain ni RM, na isinabuhay ng dalawang pangunahing karakter: sa isang banda, ni Mario Rafael de Polano, isang manunulat na nagsasabing tinalikuran siya ng sining; at sa kabila naman, ng isang di-pinangalanang babae na, sa kaniyang pagiging makata, ay inaapuhap kung para sa kaniya ba talaga larang na ito.

***

Bilang ito nga ay mga nobelang nakalunan sa iisang uniberso—kung sa’n Lila ang sentro—makikita ang tahasang pagtawid ng mga detalye at, minsan, ng mga karakter mismo, sa pagitan ng mga nobela. Nagustuhan ko ito, sapagkat nagkakaroon ng, “ah, naaalala ko ‘yon/siya” na pagkakataon ang mambabasa—isang saglit na eureka moment; ngunit sa mga pagkakataong ito ay ipinapakita rin sa atin ni Aplaon na kahit gaano kalaki ang mundo na ginagawa niya, na kalauna’y tatawirin ng kaniyang mga tauhan (Liliw, Laguna; Batangas; Tacloban, Leyte), ay lagi’t laging bumabalik sa Imus, lagi’t laging nariyan ang Imus.

Lampas sa mga tagpuan, litaw din sa mga nobela ang impluwensiya ng iba pang porma ng sining sa buhay ng awtor; nariyan ang pagpipinta, paglililok, musika at teyatro (at pagsasayaw). Kung kaya, pagdating sa kaniyang mga karakter ay hindi ito lumalayo sa pamilyaridad: tauhang writer din (Quijano); tauhang may hilig sa pagbabasa [(Tatay ni) Dylan]; tauhang ipinangalan sa mga manunulat (Salinger at Milan, mga nakatatandang kapatid ni Dylan); tauhang mahilig sa musika, partikular sa rock at jazz (ang hindi-pinangalanang babaeng makata sa Dapithapon; de Polano). Ganundin si Aplaon sa mga references niya: gaya ng The Beatles, ng mga lokal na manunulat gaya nina Amado Hernandez at F. Sionil Jose, ng mga banyagang manunulat gaya nina Marcel Proust, Leo Tolstoy, Slyvia Plath, Virginia Woolf, Anton Chekhov, at Roberto Bolaño, ng mga mang-aawit na sina Joey Ayala’t Ruben Tagalog, o tulad ng bandang Eraserheads o ni Rico J. Puno. Sapagkat saan pa nga ba aangkla ang sining kung hindi sa pamilyaridad, sa reyalidad? 

At gaya ng mga nabanggit, isang eksposisyon ang mga nobela sa mga pagtatangka ni Aplaon na magpakadalubhasa sa mga estilo at paglapit ng mga ito; nariyan ang run-on sentences—na madalas ay tumatawid ng isa o dalawang pahina—stream of consciousness, psychological dissection, shifting perspectives, atbp. (Hindi ko babahiran ang rebyung ito ng pagkukunwari na kilala o nabasa ko na si Murakami, kung kaya’t alam ko o pamilyar ako sa kaniyang estilo, na kesyo, “Murakami-esque din ang libro”; hindi ako gano’n. Ngunit hindi ko ikakaila ang mga komentong ito, na may partikular nga itong sipat sa kababaihan na nakaangkla sa male gaze; tingnan, halimbawa, ang paglalarawan kina Yumi at Melody Aria.) Ngunit ang pinakalitaw na pinaghahalawan ng proyektong ito ay ang Rosales Saga ng Pambansang Alagad ng Sining na si FSJ—o ang kaniyang pagkatha sa Rosales, Pangasinan bilang isang laberinto kung saan umiiral ang kuwento ng pamilyang Samson at Asperri; ang pagkatha sa isang depinitibong heyograpiya bilang lunan ng gunita’t walang hanggan na pagbabago, samakatuwid.

Sa kabilang banda naman, ginagamit din ni Aplaon ang kaniyang mga nobela bilang daluyan ng alaala na binu(bu)ra ng modernisasyon—kung saan ang bawat pahina’y imbakan ng tunog, amoy, sensasyon at pakiramdam sa noon at ngayon ng Imus. Muling nagbabalik ang mga kapatagan na ngayo’y subdivision na’t mga mall: umaangat uli ang Mangocado, banayad uling umaagos ang ilog ng aking kabataan. Sa gayong paraan, ang pagsulat ay nagiging akto ng pagliligtas—ang pagbabalik sa ngayo’y wala na ay pakikipagbuno’t intimasyon sa mga namaalam, namamaalam; isang pakikipagniig sa naging. 

*** 

Hindi ko alam paano ito wawakasan, sa totoo lang. Nahirapan na nga akong isulat ‘yung simula, e, pahihirapan ko pa ba ang sarili kong tapusin ito? Hindi, no. At marahil, gano’n nga ang pamamaalam: kinakailangan, minsan, biglaan, natatapos sa isang iglap. Ang akin na lang ngayon ay sana maabutan kong maisalibro ang pitong nobela, partikular ang epilogo nito. Mairerekomenda ko ang Imus Novels sa mga taong: (1) nais makilala ang Imus, at sa proseso no’n ay makilala ang sarili; at (2) iyong mga naghahanap ng pamilyar sa mga awtor ng kontemporaryong panitikang Pilipino, gaya ni Ronaldo Vivo Jr., at kaniyang Dreamland Trilogy. Kung gaya ko at mahiligan mo ang seryeng ito, o hindi mo ito nagustuhan ngunit gusto mong bigyan ng pangalawang pagkakataon ang awtor, maaari mo ring subukan ang kaniyang Southern Quartet series, na kabahaging-eksperimentasyon at pagtatangkang unawain ang romans dur ni Georges Simenon, at kabahaging-pagsasatitik ng buhay ng mga tauhan sa labas ng bayan ng Imus. Binubuo naman ang seryeng ito ng mga librong El Árbol de la Alegría (2022), at Cerco un Centro di Gravità Permanente (2025), na parehong inilimbag ng Isang Balangay Media Productions. At kung hindi pa ito nakasasapat, o gusto mo pang mawasak, maaari mo ring basahin ang kaniyang pagtatangka naman na sumulat sa Ingles, ang librong At Night We Are Dancers, na inilimbag naman ng Penguin Random House. 

Iyon lang muna, siguro. Pakipulot na lang ng ating mga alaala sa inyong pag-alis. 


JD
Nobiyembre 9, 2025
Imus, Cavite
Profile Image for Jun.
10 reviews13 followers
July 17, 2021
There are very few local titles I've read from cover to cover. May ibang titles, tinitigilan ko agad before page 25. May isa tumigil agad ako after page 5. Before this, ang huling nobela na tinapos ko ay yung Mondomanila at Gerilya ni Norman Wilwayco.

May mga pahaging na spoiler na akong nabasa before hand doon sa mangyayari kay Lila. But I never expected that it will still affect me this much. Noong umabot ako sa araw na iyon sa pinakamalungkot na buhay ni Dylan, isinara ko ang libro at saka ako nag-status sa FB ko, "Pakisabi kay RM Topacio Aplaco, putangina niya!" Kinailangan kong tumigil sa pagbabasa para ma-process ko muna ang lahat-lahat.

At hindi nakatulong na habang binabasa ko ito hanggang dulo ay nakaloop-rewind ang Daigdig ng Alaala ni Rico J. Puno sa spotify.

May ilan akong issues sa narrative. Una yung mga ginagawa nila sa edad nila, puwede ba 'yun? Sa bagay, may mga kapilyuhan akong ginawa nung bata ako (hindi sa level ng kay Dylan) kaya sige, puwedeng palampasin yung mga yun. Susunod na issue ko yung thought processes at dialogues nila Dylan at Lila noong bata sila. Oo maraming side comments si RM later na isinisingit here and there para i-justify yung ganoong manner ng pag-iisip (bata na nag-iisip matanda eme eme) at pagsasalita pero ewan, coming from a father of two, and recalling the years when I and some male friends are as old as Dylan, and nephews, parang hindi realistic.

Panalo sa akin yung mga trivial nuances sa manner ng story telling ni RM. The little seemingly unimportant and mundane details na nagdagdag ng shape at dimension sa kanyang world building. Halimaw ang lahat ng mga references sa pop culture relative sa timeline. Borderline erudite (as per the older Dylan's own word) ang mga literati shits ni Dylan at a young age. Tanginang Dylan, ako nga college na nakabasa ng mga literary canons. Tapos ang batang si Dylan kung sino-sinong shit ang binabasa.

Gusto ko rin yung distinction sa narrative ni RM na ginawa niya sa intimate moments nila Dylan at Lila, compared doon sa mga sex exploits niya when he was old. Naroon yung paggalang sa magagandang alaala ni Lila, hindi bastos, hindi libog. At nagtagumpay si RM dito. Minahal natin si Lila. Minahal natin ang mga nilikha nilang alaala ni Dylan. Minahal natin ang commitment ni Dylan. Kaya ang bigat sa dibdib ng ginawa ng putanginang RM.

Naisip kong the novel would have been okay sans the second part. Pero maganda rin for closure. Maganda na rin para ma-appease tayo. Maganda na rin para maiwan natin si Dylan at tiyak tayo na oks lang si Dylan without Lila.
Profile Image for Jon Gonzaga.
46 reviews
March 26, 2024
gustong-gusto ko ang libro na ito, lalong-lalo na ang mga ‘references’ sa musika at libro, at ang istilo ng pagkakasulat; karapat-dapat siyang bigyan ng ‘five-star rating’ kung hindi lang dahil sa ilang bagay na napuna ko habang binabasa ang nobela, kabilang na dito ang mga sumusunod:

1. ang pagsasalarawan ng mga bagay na sekswal o pakikipagtalik sa pagitan ng dalawang bata, bagama’t masasabi nating nangyayari talaga sa totoong buhay at kadalasang hindi maiiwasan, ay nakakarinding basahin o pakinggan sa naratibo ng isang mas nakakatanda, kahit na sabihin pa nating sarili niyang karanasan ito.

2. ang pagii-stereotype sa katangian ng mga kababaihan at ang ipinahihiwatig na depinisyon ng kagandahan na kalakip nito.

3. ang pagpapatuli bilang isang ritwal ng pagbibinata sa bansa natin na ginagawang normal ng libro, na para sa akin ay hindi progresibo at isang uri ng abuso, lalo na at hindi ito kailangan o ‘necessary’ sa ‘well-being’ ng isang lalaki (may mga pag-aaral na nagpapatunay dito).

4. ang romantisismo ng pagpapatiwakal. hindi na ako magbibigay ng karagdagang detalye dito at hahayaan ko ang mga nakakabasa ng rebyu na ito na balak ding basahin ang libro, na magpasya kung dumating sila sa parehong konklusyon pagkatapos mabasa ang nobela.

yun lamang.
Profile Image for Darwin Medallada.
34 reviews2 followers
October 25, 2017
Natapos na sa Lila Ang Kulay ng Pamamaalam, gustong-gusto ko ang kwento kahit alam ko na kung ano ang kakahinatnan ni Lila/Yumi/Mayumi Mahinhin Abe. Gusto ko rin ulit-ulitin ang kantang Daigdig ng Alaala ni Rico J. Puno. Kahit papaano naman, sa 350+ pages na nobela, minahal ko rin ang mga karakter lalong-lalo na si Lila kaya kahit alam ko na ang magiging kamatayan niya, sinaktan pa rin ako ng pangyayari. Hindi gano'n kasakit,oo. Di rin ako naiyak o naluha, pero gusto ko si Lila, gusto ko ang libro na tipong hindi ako nagbebreak para makita kung ano na bang mangyayari kay Dylan. Yung tipong handa akong tumambay muna sa stasyon ng Ayala dahil nag-alala ko kay Dylan. Hindi ako pinaiyak ng Lila pero binuksan ng librong 'to ang muli kong pangangarap na makapagsulat.

Sa ngayon, pahinga muna ako sa pagbabasa ng libro para mawala sa isip ko na tingin ko totoong tao si Lila. At maging ako man, may Lila rin sa pusong dumanas nang mga pamamaalam.
Profile Image for elsewhere.
594 reviews56 followers
May 15, 2017
Binili ko ang "Lila ang Kulay ng Pamamaalam" ni RM Topacio-Aplaon sa Manila International Book Fair 2016. Una sa lahat, gustung-gusto ko ang pabalat ng librong 'to. Pangalawa, maganda rin ang title nito.

Madali kong minahal ang mga tauhan sa librong 'to. Hindi lamang si Dylan at si Lila, pati na rin ang kanilang mga magulang at mga kaibigan (kahit ang mga hayop sa kwento).

Nagustuhan ko ang unang bahagi. Dinala ako nito sa kabataan na hindi ko naman tunay na naranasan. Ibinalik ako nito sa mga bagay na, katulad ni Dylan, hindi ko rin ganap na naintindihan buhat ng kamusmusan. Akala ko maiinip na ako sa ikalawang bahagi, pero mali ako. Dahil sa ikalawang bahagi, dito - dito ako lalong winasak ng librong 'to.

Pinaiyak ako ng librong 'to. Lalo na nang magbasa ako kasabay ang pagpapatugtog ng "Daigdig ng Alaala" ni Rico J. Puno. Masyadong malungkot. Masyadong maganda.

Tahan na.
Profile Image for Carl Aquino.
3 reviews
June 24, 2017
Nakilala ko si Sir RM sa isang fellowship ng alma mater ko sa Imus kung saan isa siya sa mga nagsalita. Habang sinasabi niya sa amin ang kanyang kwento at buhay, nasabi niya na kaka-publish pa lang ng kanyang nobela at dahil doon ay naengganyo ako sa libro. Nag-usap kami nang mabilisan at inalam ko kung saan mabibili ang kanyang libro. Ang pagkikitang ito ay naganap noong 2015 pa.

Fastforward, kakatapos ko pa lang basahin ang librong ito kahit na nabili ko ito dati noong November yata or October ng 2016. Ngayon ko lang natapos dahil sa matindi at medyo demanding na schedule ng 4th year college. Masasabi kong isa ito sa mga pinaka-fulfilling at heartbreaking na mga nobelang nabasa ko. Hinding hindi ako magsasawa na i-recommend ang librong ito sa mga kakilala ko dahil kailangan nilang malaman kung ano ba talaga ang kahulugan ng pagkakaibigan, buhay, kamatayan, pagmamahalan at, s'yempre, ang kulay ng pamamaalam.
Profile Image for Beverly G.
3 reviews1 follower
January 15, 2022
Ipinabasa sa amin ng aming propesor sa literatura ang librong ito upang gawan ng repleksyon. Limang taon na ang lumipas ngunit nanatili ang librong ito bilang aking paborito sa hanay ng Philippine Literature.

Buhay na buhay ang mga karakter at mistulang naging parte na ako ng kanilang buhay mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Halong lungkot at ginhawa ang aking naramdaman nang mabasa ko ang huling kabanata, ilang buwan din ang lumipas bago ako nakapagbasa muli ng ibang libro.

Kung ako ang tatanungin, ito ang klase ng libro na magandang basahin sa iba't-ibang yugto ng buhay. Ang sakit at lumbay na naramdaman ko sa pagbabasa ang siyang naging dahilan kung bakit ako nahilig sa mga kathang "angst" kung tatawagin. Ito rin ang dahilan kung bakit ako nagsimulang mangolekta ng iba pang mga katha sa hanay ng Phil. Lit.
Profile Image for Leeannes.
9 reviews2 followers
March 7, 2016
Gusto ko ang Lila ang Kulay ng Pamamaalam.
Madaling unawain ang wikang ginamit ng manunulat sa nobela.
Natutuwa ako sa istilo na ginamit niya (flashback, foreshadowing)
Natutuwa ako sa tema! tunay na hindi ito ang tipikal na romance novel.
Profile Image for Ronie Padao.
13 reviews6 followers
March 22, 2017
Siguro may dahilan kung bakit sa paborito kong bahagi ng bahay ito tinapos basahin. Sa kabuuan, minsa'y pinapatawa, pinapakilig, pero mas tumatak sa akin ang sakit. Ang paulit-ulit na sakit. At sa dulo, masasabi kong, hindi tayo pareho Dylan. Sa simula pa lang naman.
Profile Image for Yana.
32 reviews
August 19, 2023
nakakawasak masyado. ibang klase yung world building sa nobelang ito. ang ganda.
Profile Image for Annie Grace.
5 reviews
October 11, 2023
Wala akong masabi, akala ko noong una simpleng iiyak lang ako. Hindi ako naiyak sa librong to, pero malalim ang iniwang bakas nito sa akin.
Profile Image for henry.
161 reviews7 followers
March 22, 2023
Hindi ko alam ang mararamdaman sa nobelang ito, dahil sa isang banda, halatang-halata ang mastery ni RM Topacio-Aplaon sa form at sa wikang Filipino. May mga bahagi ng nobela na literal na mapapatigil ka para namnamin ang napakahusay na pagkakatahi-tahi ng mga pangungusap. Katulad na lang nito:

"Ayos lang, sabi ko sa sarili ko, handa na akong kalimutan na kombinsihin siyang makipagtagpo sa akin sa gitna, dahil masaya akong puntahan siya sa kabilang bahagi ng tulay."

Napakalinaw ng panulat, at effective sa paghahabi ng emosyon nang hindi dinidikta sa mambabasa kung ano ang dapat na maramdaman.

Sa kabilang banda, may mga bahagi ng kwento na gusto kong kuwestiyunin ang kahulugan, o ang relevance sa kabuuang naratibo. Dahil meta-kwento ito, at unang pagkakataon ng narrator na ilahad ang kwento nila ni Lila, maaaring mapalampas ito. Pero hindi ko pa rin napipigilang mag-cringe kapag dinedescribe ng may-edad nang Dylan ang maputi at makinis na kili-kili o "mamula-mulang" mga tuhod ni Lila. Hindi ko rin sigurado kung sang-ayon ba ako sa perspektibo ni Dylan tungkol sa kamatayan at pagpapakamatay.

Interesting na character study ang nobelang ito, hindi ng mga mismong tauhan kundi pati na rin ng Imus, na mistulang isa ring tauhan na may sariling arc.

Actual rating: 3.5
Profile Image for Billy Ibarra.
195 reviews18 followers
July 20, 2023
2020 lang nang unang mabasa ko ang unang edisyon ng Lila at makilala ang panulat ni RM. Dinala ako ng kanyang nobela sa lugar na hindi ako pamilyar: sa Imus. Dito, ipinakilala niya sa akin ang kuwento ng dalawang bata na tiyak akong hindi na mabubura sa sistema ko.

Hindi ko na napansin kung may nadagdag ba o nabawas sa bagong edisyon basta ang alam ko lang, may hatid pa ring bigat ang kuwento nina Dylan at Lila. Noong una kong nabasa ang kuwento, pinaluha ako nito at hindi pinatulog buong gabi. Pero sa pangalawang pagbasa ko nito, hindi na ganoon kasakit sa akin, dahil siguro alam ko na ang mangyayari. Gayunpaman, hindi nabawasan ang paghanga ko sa nobela. Parang gusto ko ngang damputin uli ang Muling Nanghaharana ang Dapithapon at Topograpiya ng Lumbay para tuloy-tuloy na ang pagdalaw ko sa Imus 'tapos overthink malala. Haha.

Ginawan ko rin pala ng playlist ang Lila para feel na feel mo magbasa. Hindi ko lang makita yung kanta ni Rey Valera na "Ayoko ng Jazz" at yung kanta ni Walter Navarro na "I've Gotta Be Me".

Lila ang Kulay ng Pamamaalam playlist:

https://open.spotify.com/playlist/16z...
Profile Image for C.L. Balagoza.
142 reviews17 followers
November 3, 2019
Ang masasabi ko lang. Nasa gitna ng libro magsisimulang bumigat, hanggang sa matapos. Hanggang sa mabasa ang huling kabanata, maiintindihan ang lahat.
Itong nobela na ito ang kinatatakutan kong matapos. Hangga't maaari ayoko pang tapusin basahin pero kailangan sa kadahilanan na marami pa akong libro na binabasa. Pamilyar na ang plot pero jusko! ang mahika ng panulat ni Sir RM, dinala ako sa Imus ng nobelang ito. Pasakalye lang na naging bahagi ng pagkabata ko noong tumira kami sa Cavite, kaya ewan, iba ang hatid nito dahil sa lahat ng alaala na meron ako ang pagkabata ko sa Cavite ang paborito kong alalahanin. Share ko lang.
Hindi na ako mage-expect sa sequel. Pero pag dumating ang ara na nakabili na ako ng sequel, ulit ko itong babasahin at makikisalo sa alaala ni Dylan at Lila.

P.S
May nakita lang akong ibang words na, hindi ko alam kung tama ba ang word na namisplaced pero ayun may ibang words na nagkagulo at syempre ang typo pero hindi iyon ang naging batayan ko. Maganda pa rin ang kabuuan ng nobela para sa akin.
Profile Image for Ghee Luna.
20 reviews
May 1, 2020
Banayad. Napaka-banayad ng naratibo ng nobelang ito, na kahit mabigat ang tagpong hinahatid sayo, hindi ito parang isang hollow block na biglaang ibinagsak sa ulo mo kundi maayos na iniaabot at unti-unting nagpaparamdam ang bigat sa dibdib mo. Halos hindi ko nga mamalayan ang mga pagkakataong gusto ko ng umiyak o maluha man lang. Ngunit may matagal na epekto ang bawat bigat na mararanasan mo sa buong nobela. Bigat na hindi basta lumilipas lang at mawawala agad. Bigat ito na katulad ng bitbit-bitbit ni Dylan, parang gusto ring ipabuhat pa sayo ng matagal. Ang pagka-banayad ng pagkakakwento ay nasa manipis na pagitan na ng pagka-mapanlinlang na akala mo ok ka lang, kaya mo pang dalhin ang sakit ng kwento pero basta ka nalang hindi na makahinga ng maluwag dahil sa parang tumutusok sa puso mo.

Masakit ang Lila ang Kulay ng Pamamaalam. Ngunit maganda, magandang sakit. Mukang hindi ako patutulugin agad ng nobelang ito. Ang Lila ang Kulay ng Pamamaalam ay hindi malayong maging isang Daigdig ng Alaala na mananatiling buhay sa lahat ng makakabasa.
Profile Image for Rhitz.
42 reviews
July 26, 2023
Nakakahiya mang sabihin pero ito yata ang matuturing kong unang libro na nabasa ko kung saan ang may akda ay isang Pilipino. Maliban na lamang sa mga school-related works na akda nina Lualhati Bautista, Almario, atbp., ay wala pa akong nababasa para sa reading for “pleasure” na maituturing. Matagal ko na rin gustong basahin ang libro na ‘to, buti na lang nagkaroon ng na ng kopya sa UP Press. At ang masasabi ko ay iba pa rin pala talaga ang reading experience kapag sa vernacular language nakasulat ang isang nobela. Mga Pinoy reference, culture na nakatutuwang balikan, natural mong mauunawaan— makaka-relate ka. Ang nostalgic basahin at ang sakit subaybayan ng kuwento. Hindi rin pahuhuli ang ganda ng pagkakasulat, para kang dinadala sa lugar ng Imus, sa alaala ng NIA road at ang Mangocado. Sa totoo lang, ang hirap huwag tapusin ‘to ng isang araw, dahil sa ganda ng naratibo. Ngunit ang hirap din kasing tapusin dahil sa emosyon na dala-dala nito. Basta, masaya ako na nabasa ko ‘tong librong ‘to.
6 reviews
November 5, 2024
Ang tanging concern ko lang talaga sa mga akda ni RM ay ang labis na male gaze. Ngunit paulit-ulit kong sasabihin na bilang babae na wala naman talagang alam sa male gaze, baka pinapakita lang talaga ni RM ang totoong nangyayare sa isip ng mga lalaki at hinihiling ko sana hindi ito yun at exaggerated lang kung maglathala si RM kasi kung totoo yun- nakakatakot naman. Anyway, di ako binibago ni RM sa tuwing natatapos ko ang mga libro niya, palaging kailangan ko ng mga limang minuto o higit para matanggap ang lahat ng nangyari. Ang bawat libro niya kasama ang Lila ay puno ng Lumbay, nakakalungkot. Hindi yung lungkot na iiyak ka on the spot pero yung lungkot na dadalhin mo ng ilang araw o ng ilang Linggo. Nanunuot siya sa isip at damdamin mo na pagnakikita mo ulit yung libro maalala mo nanaman yung mabigat na nakalambitin sa puso mo. Magaling magpaikot ng damdamin si RM, yan lang ang masasabi ko.
Profile Image for Abel Mallari.
28 reviews1 follower
September 6, 2018
It took me a while to acclimate to the rhythm of RM Topacio-Aplaon's narration, not because it is difficult but because I found myself struggling to cope with the vividness of its “visualness”. Lila is such a “visual” book, that minute descriptions of the environment become integral to how the story is read and received -- every scene is painted into the page to help weave its tale of melancholy. It is a story of how loss scar and haunt us, and how self-destructingly we can cling to that loss that it becomes part of who we are and how we treat others in our lives. And ultimately, how it is only in goodbye and acceptance that we can begin anew. This is how RM Topacio-Aplaon ends his book: with its own beginning.
Profile Image for Sol Fabillar.
47 reviews
October 17, 2025
Kakatapos ko lang basahin ung Norweigan Wood ni Murakami, kung di ka ba naman ako minalas, sunod kong binasa tong libro. Cringe ung description sa mga babae, lalo na sa character ni Yumi at Melody. Batang musmos kung tutuusin pero kung idescribe sa book ay parang POV ng isang Pedo, hindi POV ng isang 6,7, or 11 years old na Dylan. Ang hirap paniwalaan kung pano ang level ng usap ni Dylan at Yumi, para bang kaedad lang ni Dylan ung tatay niya. At kung gaano ka detalyado ang alaala ni Dylan sa bawat eksena nila ni Yumi. Parehas ng NW ni Murakami based sa mga experience ni Toru vs Dylan. Same ang ending sa love interest.
This entire review has been hidden because of spoilers.
Profile Image for Nico.
100 reviews
September 25, 2025
Ang laking gampanin ng espasyo at pagbibigay kulay sa lokasyon ng mga karakter para mas maipinta nang matingkad ang kwento.

Bukod sa pagtatagpo ng naroon at kawalan, may pagpapaintindi rito ng lumbay at gaan. Na iba't iba ang ating danas at may sensibilidad na tahakin kung ano man ang dapat maintindihan.

At kung isang araw mawalan ka man ng kulay, sana bigyan mo ito ng ngalan at lumaya.

Pag-ibig. Pagkabata. Pag-alala.

Profile Image for Arianne.
15 reviews152 followers
May 8, 2021
“Matagal nang kahel ang kulay nating dalawa, parang dapit-hapon, pero pinilit kong lumugar kung saan naniniwala akong sisikat ang araw, na may dalang mayayabong na punong handa tayong liliman, lukuban. Pero sa paglipas ng panahon, napagtanto kong matagal nang sumapit ang dilim, na kailangan na nating umuwi sa kaniya-kaniya nating tahanan. Wala tayong dapat ipag-alala. Laging may kagandahan sa kadiliman, tulad na rin ng pagkakaroon ng musika sa katahimikan.”
Displaying 1 - 30 of 40 reviews

Can't find what you're looking for?

Get help and learn more about the design.