Ang koleksyong ito ay pagdakila sa mga pag-ibig na nananatili sa isang distansya o panig; nagpapaalalang laging may nauunang umibig ng isang dekada, isang buwan, isang araw, isang oras, isang saglit.
-Ma. Cecilia De la Rosa Coordinator, Kataga-Online
“Ang magbasa ng mga tula ni Lean ay ang maging mangingibig din.” Iyan ang sinabi ni Ma. Cecilia de la Rosa sa kanyang Introduksyon sa unang koleksyon ng tula ni Lean Borlongan. Totoo iyon. Ang sansaglit ay libro ng mga tula ng Pag-ibig. Dalang-dala ni Borlongan ang mga mambabasa sa bawat personang sumasambit ng tula. Mahusay niyang nailatag na bagama’t umiibig sa bayan, hindi nito maaalis ang pag-ibig sa taong lumalaban din para sa bayan. Pinatotoo ng may-akda na ang Pag-ibig ay walang pinipiling lugar o panahon. May pag-ibig sa pakikibaka at magkasinlakas lamang ito.
Bawat karanasan ng pag-ibig ay mararamdaman sa kabuuan ng libro. Na ang maghintay at masaktan at umibig na muli ay isang siklo sa kabuuan ng Pag-ibig. Matatagpuan mo ang sarili, hindi man sa lahat ng tula, ang sarili mo bilang mangingibig.
Pinatunayan ni Lean Borlongan na mahalaga ang bawat sansaglit sa isang taong lubos na umiibig.
Sadyang puno ng kontradiksiyon ang daigdig, maging ang pag-ibig na nais nating maramdaman o makuha pabalik. Minsan makokontento na lang tayong magmahal mula sa malayo, sa isang gilid, makita ang minamahal na masaya kahit nasa piling siya ng iba. O di kaya'y magmahal nang walang hinihinging kapalit, sumulat nang sumulat ng tula para sa lihim nating pagtingin. Sa aklat na 𝗦𝗮𝗻𝘀𝗮𝗴𝗹𝗶𝘁 ni Lean Borlongan, tila isang walang-hanggang paalam ang umibig. Batbat ng kontradiksiyon, walang lugar ang makasariling pag-ibig, bagkus dapat ito ay makauri, may materyal na batayan, naninindigan, nagpupuna at nagwawasto, nagpapanibagong-hubog.
Walang ipinapangakong kahit ano ang aklat. Kahit na paulit-ulit kang mabigo at mawasak, lumaya ka, magmahal muli, tumula saan ka man dalhin ng paglalakad.
Agree ako sa sinabi sa Introduksyon ng librong ito. Puno ng pagbabakasakali ang mga tula. Kada matatapos ang isang tula, dama mo s'ya. Dama mo rin ang lungkot, pagaalinlangan, galit, hinagpis, pagtanggap. Akala ko hindi na ako maaapektuhan ng mga tula ng Pag-ibig. Akala ko lang pala.
binaliw ako ng sansaglit sa paraang higit sa inaasahan.
ito ang uri ng pag-ibig na laman ng mga panaginip ko— malalim. militante. obhetibo. totoo. maaaring humarap sa kontradiksyon at laging may pagkakataong magpasya. ang pag-ibig na bukas sa pagbabago, at tanggap ang walang kasiguraduhan ng bawat sansaglit. at ang bawat sansaglit na 'yon ay may walang hanggan sa kaniyang pagitan.
Ito yung klase ng mga tula na sana nakapaskil sa loob ng MRT o LRT, sa mga pampasaherong bus at jeepney, sa airport, sa pantalan, at sa kung saan-saang pampublikong lugar.
Ang sarap basahin ng love poems ni Lean Borlongan. Hindi lang sila basta nakakakilig o nakakapanakit ng damdamin, nakakapag-alab din ng puso. Palaban ang mga tula.
Kung mahilig ka sa mga akdang tungkol sa unrequited love, o yung pag-ibig na di nasusuklian at hanggang sa malayo lamang, tiyak akong magugustuhan mo 'to.
Ang gaan sa mata ng mga tula, hindi mahirap arukin. Nakatungtong sila sa lupa at abot na abot mo. Sa katunayan, kaya mong tapusin ang buong libro sa isang upuan.
Pero di sapat ang isang basa lang dahil masarap ulit-ulitin ang mga tula ni Borlongan.
Isa sa mga paborito ko rito ay yung Apoy:
Pag ayaw nang sumulat ng bolpen at sibat na itong umuukit sa papel
kinakalas ko ito at panandaliang ipinadadaan ang tinta sa apoy.
Dadarangin ang talim at muling bubuuin. Matutuloy ko ang pagsulat sa init ng mga salita.
Ganoon din ang gawin mo mahal, pag di na ako umiimik at nanunugat na ang titig.
Darangin mo akong muli sa liyab ng yakap mo't halik. ---
Napakaganda! The best talaga ang mga tula ng pag-ibig kapag nakasulat sa Tagalog. Tagos na tagos sa laman, sa buto, sa puso.
Ito na yata ang pinakamagandang aklat ng tula na nabasa ko sa sariling wika in recent memory.
"huwag mapagod maniwala sa pag-ibig at paglaya," - Sir Lean
"...hayaan mong ang mga tula'y maging buhay na tula ng pakikibaka at pagsinta..." - Paglalakad IV (excerpt mula sa libro at ang paglalakad I to X ang personal kong paborito)
Naroong ikinukuwento ng persona ang araw-araw na dilemma ng mga komyuter sa daan, ang tagal ng biyahe, ang taas ng pasahe. Naroon ding natutuhan ng persona ang makuntento sa paamot na mga sandali hindi man masuklian nang buo ang pagtangi at pag-ibig. Kahati man ng pagmamahal ang bayan at pag-aalsa ay hindi ito nakitang hadlang ng persona bagkus ay mas napaibig pa siya sa paputol-putol na ganitong eksena dahil hindi naman natin kailangang manimbang at pumili sa pakikibaka ba o maging sa pag-ibig kung puwede namang sabay itong gawin.
Naisiwalat sa usapan na ang sansaglit ang maituturing na pinaka-cringe o corny na naisulat ni Sir Lean pero ganoon naman 'di ba nagiging cringe at corny talaga tayo kapag umiibig. At wala naman yatang writer na hindi nakapag-alay ng talinhaga maski nga buong libro para sa iniibig
Magandang isabay sa pagbabasa nito ang kantang "Waltz of Four Left Feet" ng Shirebound at Busking.
Totoo ang sinabi ni Ma. Cecilia de la Rosa sa introduksyon ng librong ito na ang magbasa ng mga tula ni Lean ay ang maging mangingibig din. Hindi ko sukat akalain na mararamdaman ko ng ganito ang mga tulang nakapaloob. Malalim, oo, pero damang dama mo pag binabasa mo ang librong ito na para bang nasa harap mo lang at nagkukuwento ang sinumang nagsasalita sa mga tula.
Nagustuhan ko din ang pagkakonektado ng bawat tula kung saan may iisang topiko lamang. Para ka lang nagbabasa ng kwento ng isang aktibistang umiibig. May mga linya na napapasabi ako ng ‘sana all’ hahahaha. Kikiligin ka sa kung paano isinalaysay ng nagsasalaysay ang kaniyang pag-ibig sa isang tao. Bukod don, masasaktan ka rin at mararanasan mong magbakasali.
Ang Sansaglit ay mga tula ng pag-ibig. Tunay na pag-ibig. Hindi ito yong mga tulang nababasa ko sa ilang mga libro na may magandang pagkahanay ng mga salita ngunit wala kang koneksyon na makukuha. Dito, malalaman mong tunay na tao ang nagsasalita. Ramdam mo talaga, no joke.
Inaamin ko, hindi ako magaling magrebyu ng mga tula. Sa palagay ko kasi mas madalas ay hindi ko ito lubos na nauunawaan. Pero parang sa librong ito, hindi ko na dapat unawain. Siguro sapat ng ito'y damhin.
Damhin ang sakit, lungkot, o pait ng isang taong umiibig. Damhin ang pagkadismaya o pagkabigo. At damhin, kahit sa kabila ng lahat ng ito, ang paniniwalang patuloy tayong iibig at iibigin din tayo pabalik. Dahil sabi nga ni Lean,
"libig kang muli. Laging may darating at makikilala. Umibig ka sa macho o sa lesbyana, umibig ka kahit kanino at iibig din ako.
Iibigin ko silang mga darating. Iibigin ko silang mga makikilala. Iibigin ko ang lahat ng ikaw na darating at makikilala."
ako lamang ba o tuwing nagbabasa rin kayo ng mga ganitong tula ay may ilan-ilang bahagi na kapag nabasa mo ay basta ka na lamang may maaalalang tao? 😩
Iniisip kita’t hindi minsan. Dumarating kang kusa’t hindi minsan. Ngunit kahit minsan hindi dumating sa isip kong magsawa sa pananatili at pagbabaka- sakali.
hindi ko talaga hilig ang pagbabasa ng mga tula pero kako i will try itong book ni Ms. Lean and it was good! some of my favorites are Lahat Sila, Minsan, Sa Gilid at Marso 8, 2014. 🙌🏻
Iibig kang muli. Laging may darating at makikilala Umibig ka sa macho o sa lesbyana, umibig ka kahit kanino at iibig din ako.
Iibigin ko silang mga darating. Iibigin ko silang mga makikilala. Iibigin ko ang lahat ng ikaw na darating at makikilala.
baka yakapin ko si Borlongan ‘pag nagkataong magkita kami. maraming salamat sa pag papaalala na dapat lang tayong umibig—sa gitna ng kontradiksyon, ng digma, at ng ano mang estado, at kahit pa hindi kayang suklian ng tinatangi.
nagustuhan ko yung bigat ng bawat pagtatapos ng tula. halos lahat may kontradiksyon. mga salitang itinutulak ang isa't isa palayo, ngunit naghihilahan din papalapit sa isa't isa.
“Sa sandaling iyon, muli kong nabatid pakikibaka ito ng palagiang pamamaalam at dito kita inibig.”
Binasa ko na ang Sansaglit noong Enero nakaraang taon. Nagandahan ako bagamat hindi ko masabing lubos ko ring naintindihan ang lahat. Kaya’t laging may anyayang basahin muli.
Sa Sansaglit ni Lean Borlongan, mahusay na ginawang paksa ng mga tula ang mga pagmamahal na hindi nabigyan ng pagkakataong palalimin. Yearning kung yearning. Maraming nakaw na sulyap, maikling usapan, pagbabakasakali, pagpapapansin, pangangarap, pag-aabang sa mga susunod ng pagkikita, mga di natutuloy na pagpapaabot na sanang magpapausad sa nararamdaman. Kaya’t di rin umuusad. Nananatili ang may-akda sa espasiyong ito, na may pagkilala sa kamusmusan at pagroromantisang nagagawa sa pag-ibig na minsa’y nagmimistulang maliit sa gitna ng naglalakihang krisis at pakikibaka.
Bilang setting ng karamihan sa mga tula, nagandahan ako ang paggamit ng unibersidad at ng mga karaniwang tanawin dito tulad ng pagdaan sa acad oval, pagrarally, at graduation photoshoot. Dito rin naman kasi bumabangga ang mga kinalakihang ideya natin sa mga bago, kabilang ang ideya ng pag-ibig laban sa iba pang depinisyon nito. Epektibo ang mga tula di lang sa magagandang salita, pati na rin sa paghahain ng mga pag-iisipan. Sa samu’t saring paglalakad at pagtatanong ni Lean sa libro, nakakasama na rin ang mambabasa sa pagsukat sa mga batayan, sa pagtanto ng kahibangan ng mga pangarap, at sa iba pang pagmumuni-muni sa katiyakan ng pag-ibig.
Mga Paboritong Tula: Ang Mga Batayan, Sansaglit, Paglalakad IV, Paglalakad VI, Ang Litratista, Paglalakad IX
Isa ito sa 3 katha na nabasa ko galing kay Lean Borlongan. Pagpasensyahan ang "late review" na ito.
Matagal ko nang gustong malaman kung ano ba talaga ang ingay na kanyang nililikha sa mundo ng panitikan at masaya ako na dumating ang pagkakataong nahawakan at nabasa ko ang kanyang gawa.
Pinagtuunan nito ang paksang patungkol sa pag-ibig.
Masasabi ko na napakagaling ni Lean sumulat. Ipinadama nya sa akin ang kanyang gustong iparating gamit ang mga pantig at sayaw ng mga salitang may haplos ng pagkamakata.
Bawat salita na binibitawan ay may kaangkop na emosyon. Yung tipong totoo yung kilig at hindi pilit. Ganoon din ang mga taludtod na nagbabahagi ng saya. Higit sa lahat, parang isang palaso na tumatarak sa puso ang kirot na dulot ng ibang bahagi nito.
Salamat kay Lean at ibinahagi nya ang kathang ito. Isa ito sa mga koleksyon ng mga tula na nagustuhan ko. Walang pagtatago at buong-buo ang pagiging totoo ng mga nakapaloob ng mga nararamdaman sa bawat paksa at yugto dito.
Babaunin ko ang iyong iniwang dedikasyon na nilagay mo sa iyong libro "bawat pag-ibig ay pangako, tinutupad dahil itinangi ng puso."