Sa panimulang sipi pa lamang mula kay Mao Zedong, "Hindi piknik ang rebolusyon", alam kong hindi joke itong pinasok ko. Bukod sa mga mismong ganap ng nobela, inaabangan ko rin talaga ang mga sipi sa simula ng bawat kabanata. Napakagagandaaaaa.
Aaminin ko, hindi pa gaanong kalawak ang kaalaman ko pagdating sa Filipino lit. Iilang libro pa lamang ang nababasa ko (Santiago, Ong, Suarez, Fsj, Villa, atbp.) at kadalasan maikling kwento at sanaysay gawa ng Filipino writers ang pinupuntirya ko dahil mabilis silang "nguyain". Mula sa mga ito ako kumuha ng basehan para suriin ang Gerilya.
Gumamit si Wilwayco ng mga kakaibang istilo gaya ng line repetition, multiple POVs, flashback, intended slangs, atbp. Medyo naguluhan ako noong simula dahil nasanay ako sa simplistikong paglalahad ng balangkas mula sa isang karakter, pero dito, tila ba mula sa iba't- ibang tao nagmumula ang naratibo. Yun pala e, mula nga sa iba't- ibang tao ang naratibo. Odiba anggulo ko? Basta ayun, kung hindi mo pa ito nababasa, babala ko lang, huwag mong gawing literal lahat ng bagay. Hindi ko naman ito kinainis, baliktad pa nga yata. Natuwa ako dahil bagamat medyo tricky, nagawa pa ring ipaintindi ng manunulat ang kanyang obra ng hindi pinagmumukhang mababa ang comprehension ng mambabasa. Hindi naman trabaho ng manunulat na ibigay lahat sa mambabasa.
Para naman sa multiple pov, maayos naman ang narration. Halos iisang tao si Ka Poli at Ka Alma (mga pangunahing karakter) kung mag-isip o magsalita. Hindi ko alam kung sinadya ba ito (dahil pareho naman silang may pinag-aralan at may pinaglalaban) o kinapos lang ng pagtatangi ang manunulat. Kung ano pa man, wala namang kaso sa akin. Natuwa rin ako sa kagaspangan ng pananalita ng mga karakter. Naalala ko, tuwing napapamura si Ka Poli, napapahagalpak ako sa tawa. Ramdam ko yung galit, inis, saya, at iba pa. Hindi lang dahil sa nakakatawa pero dahil pinakita nito ang realidad ng buhay, na minsan talaga, mapapamura ka na lang.
Hindi ko itatangging hindi ako nangamba na basahin ang mga naratibo ng "Huks". Mabigat ang usaping ito pero hindi na rin bago sa akin (at alam kong sa jba rin) ang isinusulong nilang porma ng pakikibaka- pambansa demokrstikong rebolusyon. Ipinakita rin ng librong ito ang idolohiya at praktikang binibigyang katwiran ng mga "pulang mandirigma". Gaya ng lahat ng bagay, hindi ito perpekto. Hal; pinakita na maging ang uring-magsasaka ay naka-komporme sa patriyarkal na pamayanan. Sa harap ng lahat ng pakikibaka, walang ibang bayani, hindi si Rizal at ang tropa nya, hindi ang Huks, mas lalong hindi ang gobyerno, kundi ang masa.
Nagbasa ako ng ilang reviews tungkol dito at hindi ko maintindihan ang ilang nagsasabi na napakahirap daw intindihin ng nobelang ito. Ang akin lang, chill lang tayo. Sa dinami-dami ng kwestyunableng spelling at grammar dito (mapa-Tagalog o English), wala akong reklamo dahil naniniwala akong parte ito ng kanyang istilo. Naratibo ito ng totoong buhay kaya hindi ko kailangan ng proofreader at mas lalong hindi ko kailangan ng makatang hilaw. Para sa librong ito na tungkol sa ninanais na rebolusyon, mas wasak, mas masalimuot, mas maganda.
4.7