Tunay nga na ang siyudad ay hindi lamang tumutukoy sa isang urbanisadong lugar, bagkus ang siyudad ay maaari ring tumukoy sa estado ng danas, dahas, at lalong-lalo na ng mga dinadahas.
32 ang tula sa loob ng libro ni Piocos pero pakiramdam ko'y lumundag ako sa iba't-ibang siyudad sa mundo habang sinusuring mabuti ang iba't-ibang kondisyong pinahihintulutan nito. May lalim sa mga pang-araw-araw na sitwasyong sama-samang hinabi upang talakayin ang kuwento ng mga buhay na migrante, OFW, ordinaryong mamamayang tinahak ang lungsod maging ng mga nangamatay tulad ng mga bakas na naiwan ng mga biktima ng iba't-ibang rehime mula sa Birkenau, Phnom Penh, at Maynila.
Kung iisipin, inilarawan ni Piocos ang pag-ibig na mayroong talim—doo'y mababasa mo ang pag-ibig sa kung papaanong ang isang katawang napadpad sa kalunsuran ay nalanghap ang lahat ng usok, libag, at karumihan ng lugar ngunit patuloy pa rin sa pagbagtas ng daan dahil patuloy na binabalikan ang dahilan kung bakit ang kanyang mga paa'y piniling tumapak doon. Ngunit hindi naman niluwalhati ni Piocos ang hirap at dahas na naranasan ng may mga katawan sa tula, bagkus, ipinakita nito ang tunay na mukha ng danas sa siyudad at kung papaano burahin ang mga karumihang ito.