Ang pinakamahapding sandali ang laging naiiwan sa alaala.
Magkakalayong mga mundong pinasikip ng ’di-pangkaraniwang triunbirato: sesanteyadong pulis, bigong k’wentista, at matagumpay na babaeng gustong makaintindi at lumaya. Kasunod ay ang marahan nilang pagkilos mula sa mga magkakabilang eskina ng mapa, tatlong matitingkad na mga guhit na gagapang patungo sa isang direksiyon, upang ordinahan ang mapanganib at marilag na komunyon.
Tacloban, ’sang piping sensasyon.
Sa mga braso nito aahon ang isang krimeng nahukay sa ’di-kalayuang nagdaan, isang lihim na pinagsasaluhan ng lahat, ang pag-ibig na walang pirming sandalan, at ang pisinomiya ng sumisigaw na korapsyon sa gitna ng dakilang unos na lalapastangan sa gitnang Pilipinas.
At, palagi, ang pagtukoy sa bawat tampok ng pinakamasidhing kalungkutan ay magsisimula sa paggapang paatras sa magaspang na kalsadang nilikha ng gunita. Sa mga laberinto nitong walang siguradong lapagan, sa mga kalyehong walang tiyak na pangalan—isang paglipad at pagpapaagos sa mababangis na distritong walang inaalok na kaligtasan. Dahil ang lumbay ay maaaring nakaugat sa mapait na simula, sa mga tanong na hindi nasagot, sa mga pagkakamaling hindi napatawad, naiwasto.
Ang Topograpiya ng Lumbay ay ikaanim sa pitong nobelang bumubuo sa Imus Novels. Ang pangatlo at sentro ng unibersong ito, ang Lila ang Kulay ng Pamamaalam, ay nauna nang nailathala ng University of the Philippines Press noong 2015, na sinundan ng Muling Nanghaharana ang Dapithapon noong 2018.
"Ang pinakamahapding sandali ang laging nananatili sa alaala" (page 222 ng aklat na ito).
Bakit nga ba ang lulungkot ng akda ni RM Topacio-Aplaon? Pati titulo ng akda, alam mo nang malungkot: Topograpiya ng Lumbay. At may desenyo pa ng path ng typhoon. Sakto sa milieu ng nobela - ang aftermath ng Yolanda noong November 2013. Eight years na pala mula noong sinulat ni RM ang nobelang ito pero bakit parang pag binasa mo, pinipilipit pa rin ang utak at isip mo para maging malungkot?
Ang sagot dyan ay dahil sa prosa ni RM. Yong uukilkilin nya yong mga imahen sa isip mo sa pamamagitan ng mga simple pero mala-Latin American writers kind of narrative. Sa pamamagitan ng mga pangkaraniwang bagay, gagamitin niyang springboard ang mga yon para i-launch ang missile ng kanyang panghikayat na malungkot ka. Halimbawa sa page 209: <"Parang literatura, hindi mo isusulat para maintindihan ka, pero dahil piraso ito ng laman at buto at kaluluwa ng pagnanasa mong magsulat, kailangan mong itayo, bigyan ng buhay, palayain." Literatura, alam natin ito kaya tayo nagbabasa o sumusulat. Pero yong pagsusulat para lumaya, parang mahirap. At kung lumaya man, may nagbabasa ba? Kaya malungkot. Kahit saang sulok ng akdang ito, malungkot.
Nakausap, nakakausap o kinakausap ko na si RM. In fact, siya nga ang nag-push na basahin ko itong libro nya dahil super-fan ako ng unang nobela nya Lila Ang Kulay ng Pamamaalam (5 stars). Gusto pa nga niya akong bigyan ng kopya. Ayaw ko naman. Gusto kong malaya akong makapag-komento sa rebyu ko. Kung libre, baka maobliga akong gawing 5 stars itong rebyu ko. Siguro hinihintay niya itong rebyu ko (busy kasi sa Toastmasters) pero huli man daw at magaling, maihahabol din. Ang masasabi ko lang bakit hindi 5 stars ito gaya ng Lila? Yong innocence ng nina Lila at Dylan yong wala sa mga karakters dito sa Topograpiya. Dito, mga young adults na sila at complex nang magisip at in most cases, sila rin naman (hindi gaya nina Lila at Dylan) ang gumawa ng mga problema nila. Brutal din, brutal yong pagpatay. Masakit sa dibdib yong bakla ka na nga, papapatayin ka pa sa brutal na pamamaraan.
Naglinis ako ng bookshelves nitong Christmas break. Sabay sulat ng mga rebyu ng mga akdang nabasa na pero wala pa yong mga thoughts ko dito sa GR. Kaya, nakita ko na yong sinimulan ko pero di matuloy-tuloy na Muling Nanghaharana ang Dapithapon. Promise ko sa yo, RM, this year yan.
Ituloy mo lang ang mga Imus novels mo. Sana, wag kang tumigil magsulat. Marami kang napapasaya dahil pinapalungkot mo kami. Making us get in touch with our inner selves. By being sad, we are reminded of our being human.
Topograpiya ng Topograpiya ng Lumbay: Sa dakong paroon ang malalim, malansang dagat ng mga salita para sa mababaw na hugot.
May parteng mataas mabundok, too high, para sa highfalutin at matapobreng pag-uugali ng mga tauhan, na gawa ng pilit na narrator sa anyo ng mabibigat, bagamat hindi papel kundi barya baryang mga salitang kunwari ay mas malaki ang halaga.
May kapatagan, flatness, sa maramdamin ngunit mapurol na estilo ng pagsusulat sa kwentong tiyak kagigiliwan ng mga nangungungulilang malilibog na petiburgis. Paminsan nasa tono ang mga salita, pero madalas sintunado, nagkukulang o sumosobra.
Sa huli, nakuha naman ng awtor na ipakita ang topograpiya ng akda, ang kababawan at lalim nito. Pero parang kung paano ilahad ang ibinunga ng Yolanda, wasak, marumi, kailangang ayusin, linisin. Madali lang linisin ang maruming pagsusulat, masipag na patnugot lang ang kailangan, pero ang maruming nilalaman? Nagmamantsa ito, nag-iiwan ng mapait na lasa sa huli. Mapapatawad ko pa ang napiling estetiko, pero ito ang linyang hindi ko hahayaang ipalampas.
May ikarurumi pa ba ang paggamit sa nabiktima ng Yolanda para lang magparating ng hinanakit at lungkot (correction: grief o lumbay)? Ang pagtawag sa mga hindi nabigyang pangalan, dangal na mga maralita bilang 'skwater', ang pagdeklara ng isa sa mga tauhan na sa huli, 'There is beauty in ruins'?
Sinapit ko ang COVID nang tatlong beses pero hindi pa ako ganito ka tasteless. Tasteless sa pagpili ng gagamiting 'palamuti' sa lintik na love story na yan at sa pagpili ng mga i-nenamedrop.
Tunog hater na ko, pero ano pa bang magagawa ko? Isa to sa mga pinakamahal kong nabili na libro, 570, may patong kapag sa Shopee binili. Pagbigyan niyo na akong magalit.
Alam kong may pasaring rin naman ang akdang to sa politika ng Pilipinas, pero paso na yan at halos tokenism nalang ang ganyang uri ng tema para lang maturing na 'socially conscious' o seryoso ang pagsusulat.
May mga ilang beses na nakakatuwa ang libro, na mas mapaparami pa kung maayos ang gawa ng patnugot. Nakikita ko rin ang potensyal sa mga dialogo, pero hindi sa mga exposition na nakakaurat at mga munting komento na lantad naman na pero kailangan paring ilahad. At ang dakilang 'kasi', ang salitang hindi nagluluwal ng kahit anong tuwa sa mambabasa. At ang pangit na pagpili sa pangalan, pero baka sa akin lang yon.
Kaya bang sundan sa mapa ang pinanggagalingan at patutunguhan ng lungkot? Maaaring hindi. Parang itong nobelang ito, na hindi alam kung saan papunta.
Ginamit nito bilang palamuti ang delubyo ng Yolanda. Nag-umpisa itong misteryo tungkol sa pagpaslang sa isang kilalang ministro at ginamit ang pagkawasak dala ng bagyo para itago ang krimen.
Akala ko’y magiging pag-ungkat ang kwento tungkol sa katiwalian at kawalang-bahala ng gobyerno, o kahit pagbuko man lang sa nasa likod ng pagpatay at iba pang krimeng may kinalaman dito, pero mabilis lumihis ang kwento papunta sa paglalarawan ng mga utong, dibdib, titi, pagsasalsal, at pagtatalik ng mga karakter. Sa parte ng isang kabanata, naging parang paramihan ng alam sa art at music. Sa iba pang kabanata, naging tungkol sa bakasyon sa Siargao at mga nakainumang dayuhan doon. At sa iba na namang kabanata, kwentuhan lang na walang saysay ng dalawang tauhan. Minsan, listahan lang ng mga ginawa: kumain, nagsulat, nanood ng TV, natulog.
Sa huling-huli pa babalik sa mga pangyayaring may kinalaman pa sa umpisa ng kwento. Mapapaisip ka talaga kung para saan lahat ng binasa mo.
Mas alam ko pa ang katawan ng mga babaeng karakter kaysa sa mga mukha’t pagkatao nila, at mas alam ko pa ang pagnanasa ng mga lalaking karakter sa katawan ng babae kaysa sa mga mukha’t pagkatao nila. Pare-pareho lang din ng boses ang mga tauhan. Self-insert ba sila ng manunulat? Kung hindi nagbabanggit ng pangalan, iisipin kong isang tao lang itong kinakausap ang sarili.
Ang hirap maniwalang nalulumbay ang mga tauhan. Panay bagsak ng mga impormasyon tungkol sa mga nakaraan nila na nakakalungkot daw. Parang walang pagkatao ang mga tauhan at wala akong maramdaman mula sa kanila. Napakaraming salitang ginamit para sabihing malungkot sila pero wala roong nakakapagpangibabaw ng pakiramdam ng lungkot o lumbay. Gaya nga ng sinabi ko, iisa ang boses nilang lahat. Para silang mga mikropono lang ng may-akda.
Sa totoo lang, hindi ko naiintindihan ang nangyayari sa nobelang ito. Sa una, nais nilang imbestigahan ang pagkamatay ni Julian Aria ngunit wala pa sa kalahati ay malinaw nang naipaliwanag kung ano ang nangyari. Napatanong ako sa aking sarili, "ano pa ba ang inaabangan ko?". Ang ganitong sentimento ay nanatili hanggang sa huling pahina ng nobela kuno ni Ruis. Ngunit nang mabasa ko ang huling bahaging isinulat ni Rafael, doon lamang nagtugma-tugma ang lahat. Pasensiya. 'Yan siguro ang maipapayo ko sa kung sino man ang babasa nito. Hindi ko alam kung ilang porsyento ang katotohanan ngunit malinaw nitong naipakita ang kasalukuyang kalagayan ng literatura sa Pilipinas at ang lalim ng pagkontrol ng mga buwaya sa pamahalaan pagdating sa impormasyon at midya. Ang isa lang sa mga siguro'y hindi ko na tuluyang naintindihan ay ang kahalagahan ng mga deskripsyon sa mga kababaihan. Bagaman nabanggit ni Rafael na importante ito upang mas mapalalim ang pang-unawa sa mga karakter, hindi ko maintindihan kung anong klase ng ideya ang dapat na makuha kung malalaman ng mga mambabasa na flat-chested ang babaeng karakter o mabilog ang mga suso ni Melody. Sa tingin ko ay kahit wala ang mga ganitong deskripsyon ay mabibigyang kulay pa rin naman ang mga babae dahil sa iba-iba silang mag-isip. Sa kabuuan, ang ganitong uri ng tema sa mga akda ni RM Topacio-Aplaon ay hindi na bago sa akin ngunit hindi ko masasabing sumasang-ayon ako sa ibang mga pamamaraan, lalo na sa pananaw sa kababaihan.
Nalulungkot ako. Wala namang nang bago sa tuwing matatapos akong magbasa ng nobela ni Sir RM Topacio-Aplaon. Laging ganito ang kinahihinatnan ko. Mas sumakit pa ang tama ng huling kabanata nang lapatan ng Claire De Lune ni Debussy ang earphones ko.
Magaan siyang basahin. Nakakatuwang matuto ulit ng mga bagong salita. Hindi lang siya basta-basta piksyon dahil isa itong halimbawa ng panitikan na mahusay na ipinakita ang repleksyon ng lipunan na mayroon tayo ngayon. May ilang bahagi lang akong binabasa na hindi ko maiwasang ngumiwi dahil vivid siya kung babasahin. Hindi ako sanay sa mga eksenang 'yon.
Paborito ko 'yung gomang bangka at tatlong baterya. Kung hindi nila alam ang ibig sabihin no'n, ako alam ko. Dahil ito ang isa sa mga paborito kong gunita na ikinuwento. Talagang grief ang mararamdaman mo sa huling bahagi ng nobela. Hindi ito basta-basta lang na lumbay. Brace yourselves.
Maghihintay ulit ako sa susunod na apat na libro ng imus novels. Gusto kong hilingin na sana yung susunod ay huwag nang maging mabigat tulad nito pero hindi na ako aasa. Tutal kahit anong katapusan maganda pa rin naman ang kalalabasan.
This entire review has been hidden because of spoilers.
Isa na namang natatanging likha ni Sir RM. Gusto ko kung paano konektado ang kwento ng tatlong mga protagonists. Walang nakakalamang sa pagiging main lead.
Kumpara sa Muling Nanghaharana ang Dapithapon (Imus Novel 5), mas marami itong outright na references sa sentro ng Imus Novels, ang paborito kong Lila Ang Kulay ng Pamamaalam (Imus Novel 3). Maraming callbacks at references na nagustuhan ko, lalong lalo na ang reference sa The Swinging Liliw (kahit na malalaman ko na reference lang talaga ito at hindi ito ang parang continuation/revival ng The Swinging Liliw na restaurant sa Lila).
Iba ang naramdaman ko dito kumpara sa kung ano ang naramdaman ko nung natapos ako sa pagbabasa ng Lila. Sa Lila, nandoon pa rin ang sense of innocence, at least doon sa Part 1 ng libro. Meron pa rin dito nito pero iba ang naging method ni Sir RM. Sa librong ito, ang mga bida ay nasa kanilang early 30s na, alam na nila kung nasaan sila sa mundo. Di tulad ng Lila kung saan pinapakita kung paano lumaki at nagkamuang si Dylan.
Hindi ko inaasahan ang naging katapusan ng librong ito. Akala ko magiging tulad din ito ng Lila at Dapithapon na nagkaroon ng sarili nilang parang bittersweet na ending. Natapos ang librong ito sa kamatayan nina Ruiz at Arci, habang si Melody naman ay hindi pa nahahanap. Dahil sa shock ending na ito, mas lalo lang ako nagkaroon ng excitement para sa huling parte ng series.
Kamatayan, paglaya, at paghahanap ng sariling kahulugan sa buhay. Ito yata ang mga nakuha kong tema sa tatlong mga librong nailathala na para sa Imus Novels series. Makikita ang mga temang ito sa tatlong mga libro. Sa palagay ko ito ang dahilan kung bakit makatotohanan ang seryeng ito. Hindi sila maiiwasan sa buhay ng mga tao.
Kung ano man ang susunod na mailalathala para sa Imus Novels, nasasabik na ako para sa kung ano ang nakalaan para sa akin.
This entire review has been hidden because of spoilers.
Ito ang kauna-unahang Imus Novel ang nabasa ko. Hindi ko alam kung anong aasahan sa libro maliban na lang sa malungkot nitong pamagat. Totoo nga namang nakakahikayat.
Nakakalungkot hindi lang dahil sa buong tema ng libro ngunit alam mong sumasalamin din ito sa kung anong lipunan mayroon tayo ngayon. Puno ng lumbay, kabiguan, kapangyarihan, at pagmamahal. Pagmamahal na hindi lamang sa sarili at sa iilan ngunit para na rin sa katotohanan. Sa muli, Ruis, Arci, at Melody.
Aabangan kong muli ang susunod na libro ng Imus Novel at ihahanda na rin ang sariling masaktan muli.
As expected ang ganda niya. Though hindi ako sanay sa mga well detailed na gory graphics, okay lang kasi I feel isa siyang malaking element ng libro. Epektibo rin para saakin kung paano sinabi na namatay si Mr. Writter, bluntly lang siya sinabi dahil doon kailangan ko tumingin sa pader ng ilang segundo para iprocess na patay na siya, na yun na yun. Overall, maganda yung libro, Sir RM Topacio-Aplaon never disappoints.
This entire review has been hidden because of spoilers.
Katatapos ko lang basahin ngayon ng nobela. Mainit pa sa alaala ko ang mga kuwento ni Melody Aria, Arci Romualdez, at Ruis Quijano.
Pinanganak ba si RM para manakit sa pamamagitan ng pagnonobela?
Siya lang ang makakasagot niyan.
- - -
Sa nobelang Topograpiya ng Lumbay, nagkita-kita sa Tacloban na hinagupit ng Yolanda ang tatlong pangunahing tauhan. Isang retiradong pulis, isang babaeng anak ng namatay na ministro, at isang manunulat na tinalikuran ang pagsusulat.
- - -
Masaya ako dahil natapos ko na ang nobela. Pero nalungkot ako dahil akala ko e masaya ang ending ng bwakananginang nobela na ito. Mga sinungaling iyong nag-comment nung nakaraan. Tsk. Tsk.
- - -
Walang mahabang review. Basahin niyo rin ang nobela. Isa lang ang masasabi ko, dapat lang kay Julian Aria ang naging kamatayan niya.