Matagal nang nilisan ni Arturo ang kaniyang kabataan—ngunit hindi siya kailanman iniwan ng mga anino ng nakaraan. Ngayong isa na siyang propesyonal, bitbit pa rin niya ang tanikala ng pagpapatunay sa mga kuwentong hindi isinasalaysay sa liwanag.
Lumakad muli sa landas ng alinlangan, kababalaghan, at kilabot tungo sa napipintong pagtatapos kasama ni Arturo—ang tagapagtala ng tumatakas na gunita.
Noong i-announce ng Avenida na ang Agaw-Anino 2 ang isa sa mga bagong aklat na ilalabas nila para sa MIBF ngayong taon, natuwa at na-excite ako kaagad. Mas na-excite pa ako nung makita kong higit na mas makapal ito kumpara sa part 1.
Bukod sa pagpapatuloy ng nakabibitin na ending ng naunang aklat, ang mga “korni” (raw) na banters ang inaabangan ko sa aklat na ito. Pero katulad nga ng sabi ni Boss Erik noong pinapirmahan ko sa kanya ang kopya ko noong MIBF, malaki raw ang pagkakaiba nito sa Agaw-Anino 1.
Kung gaano kakwela at kakengkoy ang part 1, ganon naman ang kina-seryoso nitong part 2. Higit na mas malalim din ang mga naratibo nito (na mas nagpapakita ng flexibility ng writing skills ng may-akda), at mas ramdam ang pagtatangkang takutin ang mga mambabasa (na medyo tumalab naman sa akin sa dulo-dulong bahagi ng kuwento).
Gayunpaman, sa totoo lang, mula sa bitin na naramdaman ko sa part 1, napalitan ito ngayon ng pagkadismaya. Mas lumabo ang direksyon ng kuwento. Parang walang tunay na patutunguhan para ma-develop ang nasimulan nang naratibo ng unang aklat. Maraming mga karakter na may potensyal sana pero hindi nabigyan ng mas maraming exposure para tumatak sila sa isip ng mambabasa. Kung ako ang tatanungin, hindi siya isang ganap na nobela. Parang mas akma itong tawaging short story collection. Maraming pasikot-sikot. Mas marami akong nasumpungang tanong kaysa sagot. Parang filler stories lang bago magbalik sa totoong subject ng trilogy—ang mga paglalakbay at danas ni Art kasama ng mga kaibigan niya.
Mahusay naman sumulat si Boss Erik. Napatunayan ko ito sa aklat na ito. Masisipat mo ang pagbabago ng tone, mood, at style kada chapter sa paraang hindi pilit at awkward. Nagustuhan ko rin ang ideya ng kuwento (nobela?) sa loob ng isa pang kuwento na parang mala-Italo Calvino. Ang problema lang talaga ay yung pagkakasalansan ng kabuuang istorya—parang taktika ng mga aswang: ililigaw ka, lilituhin, pagkatapos ay sasampalin ka ng mas marami pang katanungan.
Sa Agaw-Anino 3, babalikan daw ang naputol na kuwento ni Art at ng barkada nila. Excited ulit ako. Sana ay hindi ulit ako madismaya.
Addendum: October, naglakas-loob akong i-message si Boss Erik sa Messenger para tanungin kung kailan maia-upload ang Agaw-Anino 2 sa Goodreads. Excited na sana ako noong maipublish ang review na ito; dahil syempre, ang mga book reviews na lang na katulad nito ang natatanging bagay na masasabi ko sa sarili kong sinisikap ko pa ring magsulat kahit papaano. At syempre, bilang suporta at ambag na rin sa mga manunulat na sinusundan at sinusubaybayan ko.
Dahil sa usapang iyon, naklaro ang ilang mga kalituhan na pinapaksa ng review na ito. Ayoko nang idetalye kung ano ang mga rebelasyon, klaripikasyon, at patikim na sinabi sa akin ni Boss Erik. Basta mas naintindihan ko lang na higit na malawak pala ang mundo ng Agaw-Anino, at sa tingin ko, ang mga kalituhan at tanong na napulot ko sa part 2 ay mabibigyan din ng kasagutan sa mga susunod pang nobelang ilalabas ng may-akda. Pasakalye pa lang siguro talaga ang lahat.