Blazing Readers & Wordy Writers discussion

13 views
Foreign Language Writing > Gigi's Native Tongue (tagalog original works) + 1 (french)

Comments Showing 1-9 of 9 (9 new)    post a comment »
dateDown arrow    newest »

message 1: by Gigi (last edited Oct 03, 2017 07:01AM) (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) KAHAPON, NGAYON AT BUKAS
Language: Tagalog
word count : 718

TAGUBILIN NG MATANG LAWIN

Claire, maligayang pagsilang sa buhay na walang hanggan. Ikaw na ang Punong Babaylan at ang tagapag-ingat ng Aklat ng Panahunan.

Hindi ko na kailangan pang magpaliwanag, sapagkat alam mo na ang lahat.

Sa aking mga sulat, nakasaad ang nararapat. Upang maputol ang sumpa sa lahi ng ilumina, kailangang hanapin mo ang tunay na nagmamay-ari ng imortal na lahi.

Constantine, ang ngalan niya ay Constantine. Sa panahon mo nakatakdang pagbayaran ng ating lahi ang ginawang pagnanakaw ng ating nuno.

Upang matapos ang sirkulo ng malagim na kapalaran, tubusin mo ang nakasanlang kapalaran. Utang natin sa imortal ang kanyang kamatayan.

Kilalanin mo ang babaing nagtataglay ng dugo at laman ng anghel na itinakwil ng langit. Sa kanyang mga kamay, nakasalalay ang katahimikan ng mga kalukuwang matagal ng nagnanais mahimlay.

Huwag mo sanang biguin ang iyong kapanahunan....

****

SA MALAYONG HINAHARAP

Sa isang iglap, binalot ng nakalulungkot na damdamin ang aking puso at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bumalong ang luha sa aking mga mata.

Kamatayan!

Hudyat ng isang kamatayan.

Ramdam ko ang mainit na pakiramdam na dagling lumalanit sa aking buong katawan, tila pinapaso ng nagbabagang mga karayom ang bawat himaymay ng aking kalamnan. Sa aking balat ay lumilitaw ang mga tatu ng mga letrang batid ko na nagmula pa sa sinaunang lenguwaheng malaon nang nakalibing, daang taon na ang nakalipas.

Kirot!

Matinding kirot ang aking nararamdaman. Nakapagtataka, subalit, hindi ako makahiyaw. Sa kabila ng sakit ay mas malakas ang damdamin ng kasiyahan.

Kasiyahan!

Sapagkat, sa kamatayan ng isang nilalang ay humulagpos ang panibagong sibol na kaytagal nang ikinulong sa kaibuturan ng aking kamalayan.

Pagsilang!

Ngayong gabi, kasabay ng ka-orasan ng aking ika-tatlumpung kaarawan ng pagsilang ay kamatayan ng isang imortal na malaon nang nanghihimagod sa kahabaan ng kanyang buhay.

Si Mack at ako, batid namin ang rituwal. Isang hakbang pa at katawan namin ay naglapat. Walang pag-aalinlangan, labi ko at labi niya ay naglapat, upang bigyang daan ang pagsasalin ng isensiya ng Matang Lawin na kanyang iniingatan patungo sa sisidlang karapatdapat nitong tahanan - kaisa ng Babaylan.

Nang makumpleto ang rituwal, katawan ko at katawan niya ay naghiwalay. Kasabay ng paglalakbay ng aking diwa sa dimensiyon kung saan ang oras at panahon ay malayang lumalampas.

Saglit lamang ang kalituhan, subalit batid ko na ako'y naglakbay sa nakaraan, kung kailan inutang ang kapalaran ng babaing nagngangalang Lucrezia Verganza, hindi bilang isang kamalayan, bagkus ay bilang katauhan ng Matang Lawin...

***

ISANG SILIP SA NAKARAAN

Ngayon, ako'y nag-iisa, matapos kong itaboy ang aking mag-ina.

Naisin ko man ang sumunod sa kanila upang kami ay magkasamasama, batid ko naman na mas ligtas sila kung ako ay malayo sa kanila.

Saan man sila naroroon sa sumandaling ito, sa gitna man ng kalye sila natutulog at kahit malipasan pa ng gutom, ipagpapasalamat ko ng lipos sapagkat wala sila rito.

Dito sa Santa Filomena, kung saan kasalukuyang nagaganap ang trahedya!

Kung datirati ako'y piping saksi, ngayon, ako ay kabahagi - kasagpi  sa grupong diumano ay may misyon na hulihin ang mga rebeldeng kumunista sa liblib na baryong ito. Bilang bahagi ng lokal na pulisya, ako ay napiling umasiste sa kanila.

Subalit, walang balak ang grupong hulihin ang mga taong pinaghihinalaang  kontra sa rehimen ang sampalataya.

Malinaw ang atas, pumili ng isa! Isang lugar na magsisilbing babala sa lahat ng sasalungat o magtatangkang mag-aklas.

"Alkalde! Ikaw ang pumili ng mapalad na mapi-premyuhan ng aming presensya ngayong gabi."

Bakas ang sigla sa tinig ng Kapitan ng Hukbong Sandatahan, tila ba musmos na sabik na sabik sa napipintong kasiyahan.

"Aba! Kumpadre, madali lang ang proseso. Ikaw ang mag-pasya. Sa San Gabriel o Santa Filomena? Lagi akong tala sa mga baryong iyan sa tuwing eleksiyon."

"Mainam pa, kata ay magkara y krus. Kapag ikaw ang nanalo, sa San Gabriel tayo."

Natalo ang aming Alkade, kung kaya nga at narito kami sa Santa Filomena.

Hinahalay, hindi si Ana, kundi si Lucrezia!

***

AT NGAYON

Kung kailan nagsimulang mabago ang kapalaran ay siya ring simula ng pagtakas ng katinuan sa isip ni Ana. Kung anuman ang kanyang nakikita habang binabangungot, ng gising, ay walang makapagsasabi. Tanging ang mga puting dingding sa maliit na silid sa ospital ng mga baliw ang nag-iingat ng lihim.

©OxyMoronicMe GLemz


message 2: by Gigi (last edited Oct 03, 2017 07:02AM) (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) ANG HANGAL
Language: Tagalog
Word Count: 380

Diwang hindi naririnig, 
Nakabalot ng nimdim.
Tinig na walang himig, 
Kuyom ng labing pinid
Sigaw ng damdamin, 
Paano ba ipararating?

Sa pahinang dingding
Nasusulat ang hinaing
Aninag man ng paningin
Mistulang hangin pa rin
Sinong magpapahaging
Sa mga piping hiling?

Mahaba ang gabing may hatid na kakaibang lamig, hudyat na ang taon ay malapit ng magtakip-silim.  Disyembre,  habang ang lahat ay nagsasaya sa nalalapit na kapaskuhan,  may isang pusong nagluluksa sa alaala ng malagim na nakaraan, apat na tagsibol na ang nakararaan.

Lumakad ang oras at panahon subalit sa isip ni Ana ay paulit-ulit na nagaganap ang trahedya.  Malaon nang nilamon ng dilim ang kanyang katinuan, ang dilang panalastas ay kinulong ng tikom na bibig kasama ng kanyang tinig na sinasakal ng sariling sindak dala ng masamang panaginip na hindi magising-gising.

Sa loob ng parisukat na silid,  kung saan ang bawat bahagi ay napipinturahan ng kulay puti, nananahan ang kanyang katauhang wala nang sariling bait.

Sa mata ng mga baguhan,  payapa at tahimik ang silid na markadong 696 na matatagpuan sa ika-anim na palapag ng gusaling kumukupkop sa mga taong,  tulad ni Ana ay tinaguriang baliw. Subalit sa mga matatandang kawani ng pasilidad na iyon ay hindi maitatago ang tunay na kalagayan -  na sa lahat nang pasyente,  si Ana ang pinakamatindi. 

Kaya naman,  mahigpit nang ipinagbabawal sa sinumang kawani ang pumasok sa silid na iyon na magdala ng kahit na anong bagay na panulat.  Walang makapagsabi kung paanong nagagawa ng babaeng pipi na makuha ito sa kanila nang hindi nila namamalayan. 

Hindi birong halaga na rin ang naigugugol sa pagpapapintura ng silid, matabunan lamang ang mga pintang nakatatak sa dingding.  Sa pagtataka ng lahat,  isang magdamag lamang ang kailangan upang mapuno ni Ana ng 'di mawawaang simbulo at letra ang kabuuhan ng apat na sulok ng kuwarto. 

Palaisipan rin, kung ano ang kahulugan ng lahat ng iyon.  Maging ang mga eksperto sa larangan ng lenguwahe at simbolo ay patuloy ang pananaliksik. Subalit,  bigo ang sinuman na maisalin sa may kawawaan ang bawat guhit at kurbadang nakatatak at ikinukubli ng patung-patong na pinturang puti. 

Sa mata ng ilan,  si Ana ay kahabaghabag. 
Sa pakiramdam ng iba siya ay kasindaksindak.
At para sa marami,  isa siyang artista ng komedya at buhay niya ay pelikulang kay sarap itanghal.

©OxyMoronicMe GLemz


message 3: by Gigi (last edited Oct 03, 2017 07:03AM) (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) Les Ténèbres qui dorent en moi
Full French Translation of My Poem THE DARKNESS INSIDE OF ME

Je n'ai peur ni de la douleur d'une trahison ni d'un dommage de la colère d'un ennemi. Je me connais, une vindicative, qui ne s'apitoie pas sur elle-même et qui ne reste pas seulement une spectatrice.

J'ai un égo qui triple ma taille actuelle et qui s'endorme quand je souris.

J'ai peur pour le bruit quand je pleure et qui pourrait éveiller la pute qui est en moi.

Je n'ai pas peur du saignement de mon coeur, ni du tueur de la lumière de mes yeux, car je je sais que, aussi furieux que je le suis, je ne me laisserais pas mourir tranquillement

J'ai en moi une telle rage que l'on ne peut éteindre même si on l'arrose avec beaucoup de sang innocent.

J'ai peur pour les vies de ces idiots qui pensaient que je ne pourrais tirer au pistolet.

Je n'ai pas peur ni d'être suspectée d'une transgression ni des cauchemars que je tombe dans les vapes.

Parce-que je me connais, insomniaque; je ne pourrais m'endormir même si je le voulais.

J'ai un véhicule qui roule à 160 kms/heure même sans aucun carburant.

J'ai peur pour ma santé mentale qui pourrait bafouer et dévorer tout le bien qui reste en moi.

Je n'ai pas peur de la lumière de demain qui a cessé de se manifester devant ma maison, car je me connais, une survivante, qui pourrait se battre pour la belle vie même si ça pourrait me tuer.

J'ai un rêve qui brille beaucoup plus que le soleil, en attente d'être comblé.

J'ai peur pour les ténèbres qui dorent en moi pour ombrager le chemin sur lequel je marche.


message 4: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) SI MADAM X
Language: Tagalog and Taglish (sentence and paragraphs with mix tagalog and english)

Word Count:533
©OxyMoronicMe GLemz
======================
Present!

For the purpose of this particular work, tawagin n'yo na lang ako sa pangalang MadamX ('wag nyo na itanong kung ano ang tunay kong pangalan. Pa-mysterious lang ang peg.)

Isa pa - atin atin lang naman ito, huwag nyo na sanang ipagsabi - hindi ko gusto ang pangalan ko. Eh, kasi naman ang mga magulang ko ginawa akong Jr. ng lola ko. Noong unang panahon pa naman kung ano ang birthday mo yun ang pangalan mo. Pasintabi po sa lola ko, pero kahit luv na luv ko kayo, hindi naman bagay sa akin ang pangalan n'yo (buti sana kung magka-birthday din tayo).

Anyway, bago ko ikuwento ang buhay ng may buhay, naisip ko ikuwento muna ang k'wento ko, just to satisfy the curiosity ng mga gustong magtanong at syempre para naman magka-chance ako na buhatin ang sarili kong bangko (alangan namang ipag-sabi ko ang mga nega about me, ano ako bale?)

Physically?

Well, sabi ng nanay ko maganda raw ako. Noon akala ko, kung ano sabihin ng nanay ko 'yon ang totoo. Kaya naman noong bata pa ako, sigurado akong magiging Miss Universe ako balang araw. Kaasar lang talaga, pagtuntong ko ng Grade 6 tumigil na ako sa pagtangkad. In other words isa akong dakilang pandak.

Sa tulong na rin ni nanay kahit papa'no bumalik ang self-esteem ko. Sabi n'ya hindi raw ako pandak, petite lang.

Ang sabi pa niya, kahit hindi raw ako mestiza eh, magpasalamat daw ako kasi hindi ako negra; kahit daw ang ilong ko'y hindi sintangos ng may lahing kastila, hindi naman daw sarat gaya ng sa ita; kahit daw hindi maituturing na tantalizing and deep-set eyes ang mga mata ko, hindi naman daw malabo (20:20 po ang vision ko) at nakaluwa; kahit daw wala sa pisngi sa mukha ang dimples ko, buo naman at walang sungki ang mga ngipin ko.

Mentally?

Hindi ako sigurado. Kahit kailan hindi pa naman ako pinagtangkaang dalahin ng magulang ko sa Mental Hospital.

I guess, you can still classify me as a sane person.

Emotionally?

Well rounded naman daw ako sabi ng mga nakakakilala sa akin.

Siguro ang hindi alam ng marami, mababaw lang ang luha ko. Nauuna pa akong umiyak kesa kay Juday kapag inaapi s'ya noon sa mga pelikula at teleseryeng pinagbibidahan niya.

Hindi naman ako ma-drama. Madali lang akong maapektuhan ng mga nagda-drama sa buhay. Hindi rin ako magagalitin. Hangga't kaya kong ngumiti, ingingiti ko. Siguro dahil pinalaki akong naturuang maging magalang kaya naman sa isip ko na lang ako nagmumura (actually, kung ginawa ko ang lahat ng naiisip ko, malamang na matagal na akong nabitay sa dami ng pinatay ko).

Psychologically?

Definitely, I am not a psycho!

Passed every psyche eval I ever took and so far, nothing has broken loose (except for some occasional dip into madness).

Socially?

Well, lets just say na selective ako sa pagpili ng kaibigan.

Draw your own conclusion na lang sa above statements ko.

Hanggang dito na lang muna ang aking kuwento. Sa mga atat ng magtanong tungkol sa lovelife at sexlife ko, maghintay kayo.

Kainis naman! Sige na nga.

Hint: Inimbita rin ako ng Diyos ng maitayo ang heaven's restaurant (eat all you can).


message 5: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) SI KA OCA
Language : Tagalog and Taglish (tagalog and english mix)
Word Count: 534
©OxyMoronicMe GLemz

Bago ako mag k'wento ng mga k'wentong kutsero, hayaan po muna ninyong i-share ko sa inyo ang isang seryosong k'weto.

This man did a lot to influence my thinking and shaped the person that I am today.

Bilang pasasalamat ay nais kong ibahagi ang pagkakakilala ko sa kanya.

In the hopes that this man, thru my story, would touch your lives as well.

Si Ka Oca.

Nuong nasa elementarya pa si Ka Oca, ay may isang lalaking palaging ibinibida ang kaniyang kayamanan at malaking kalupaan. "Otsenta hectaryas liquidos," ang palaging wika niya. Medyo mayabang, makasarili at di-kainaman ang pag-uugali. Nang siya ay namatay, ay walang bumuhat sa kanyang labi. Ang biyuda ay napilitang bumayad upang may mga sumama na maghatid sa kanyang huling hantungan.

Isang aral sa buhay ang kanyang natutunan sa pangyayaring ito sa kanyang buhay na naging pamantayan n'ya sa kanyang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa iba: Sadyang wala nga palang substitute sa mabuting pakikipagkapwa.

Sino nga ba si Ka Oca?

Hindi po siya kailan man naging isang politiko.

He was and still is a public servant.

Sa mundo ng pulitika, wala akong ibang pinakahahangaan kundi si Ka Oca. Marami ang hindi nakakakilala sa kanya, subalit alam ko na wala ni isa man taong nakadaupang palad n'ya ang nakalimot sa kanya.

Mr. Question Hour, kung tagurian sya sa kongreso noong kinatawan pa s'ya ng 4th District ng isang probinsya na di kalayuan sa kamaynilaan (kahit kailan hindi nanalo si Enrile sa kanya sa debate sa plenaryo.).

Honorarium for Barangay Officials, Magna Carta for Public School Teachers at 13th Month Pay sa lahat ng mangagawang Pilipino at kawani ng gobyerno; lahat yan ay wala kung wala sya.

Trend Setter. Sya ang nagpauso ng House-to-House Campaign. Kahit walang pera, nagawa n'yang magwagi sa eleksyon.

Mr. Integrity. Kahit kailan, hindi sya tumanggap ng lagay sa Jueteng at SOP sa mga Contractor.

Naaalala ko noon, Presidential Election - dalawang canvass bag na puno ng pera ang daladala ng tatay ko, perang magpapapanalo kay Ka Oca sa pagka-Gobernador. Ang kapalit ay iwanan si Nene Pimentel at ang dalahin ay ang nagbigay ng pera. Lumo ang tatay ko, pinabalik ang pera, at ang sabi ni Ka Oca.. "ay utoy, walang katapat na pera ang isang salita."

Talo si Nene Pimentel sa pagka-Pangulo.

Talo si Ka Oca sa pagka-Gobernador.

Panalo ang nagbigay ng dalawang bag ng pera.

Hindi ko malilimutan ang sinabi ni Ka Oca, "Ang costly election spending ay salot sa ating bansa." Noon pa man ay matindi na ang kanyang paniniwala na ang sobrang gastusan sa halalan ay sanhi ng graft sa ating bansa.

Ito po ang kanyang naging pahayag sa isang magasin noon:

"Overspending is major cause of graft and corruption. The vicious cycle of over-spending during election campaigns and recouping such expenses while in public office does not only make a mockery of our electoral processes but also subverts the people's faith in democratic society."....

"Electoral overspending defeats the very purpose of running for public office. Calls to public service require not cash but sincerity of purpose and the filial devotion to serve."

Politicians and other leaders of this generation could do well following his examples.


message 6: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) Banta Ng Panganib
(Prologue of Matang Lawin)
Language: Tagalog
Word Count: 250
©OxyMoronicMe GLemz

Duguan at walang buhay na nakahandusay sa damuhan ang katawan ng isang babae matapos pilahan at halayin ng apat na kalalakihang unipormado ng militar.

Nilibot ko ang aking paningin sa kapaligiran at kahit saan dumapo ang aking mata ay bangkay ng mga taong pamilyar ang aking namamasdan.

Mga tahanang nagliliyab at malademonyong halakhak ng pinuno ng batalyon ang pumapailanlang sa katahimikan ng gabing kay alinsangan.

Sa 'di kalayuan ay isang pahayagan na halos masunog na rin maliban sa ilang titik na naiwan - 24 September 1972

Hindi ko mapigilan subalit ang aking atensyon ay pilit binabawi ng kaganapan sa 'di kalayuan.

Kasabay ng pag-aapoy ng kapaligiran ay pagsinag ng munting liwanag sa katawan ng babaeng, ngayon ay tila baboy na tinatadtad...

Isang igkas ng gulok na nangingintab ay kasunod ang paggulong ng ulong napigtas sa leeg na pinagkabitan at parang bolang sinipa patungo sa aking kinaroroonan.

Kung ang puso ay nahuhulog mula sa preso ng dibdib kong kumakabog, marahil kanina pa ito nalaglag at natapakan na rin ng sarili kong mga paa dahil sa pagkagimbal.

Sa aking pagkakayuko, ay ang halos 'di makilalang hilatsa ng katauhan ng nagmamay-ari ng ulong pugot...

Hindi ako maaring magkamali, pikit man ang mata ay makikilala ng aking puso si Ana, ang kaisaisa kong anak na dalagita!

Idinilat ko ang aking mga mata at hinanap ang kalendaryong nakapako sa gilid ng dinding sa gawing kaliwa malapit sa bintana.

Kabilugan ng buwan mamaya, may dalawang buwan pa ang sa akin ay naiiwan...

...Mama, kailangan kita!


message 7: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) ANG BABAYLAN
Language: Tagalog
Word Count: 1,030
©OxyMoronicMe GLemz

Akala ko, nakita ko na ang lahat. Akala ko, hindi na ako kaya pang gulantangin ng kahit na anong pangyayaring aking matanaw sa aking balintataw. Akala ko, wala ng titibay pa sa aking sikmura at kalooban...

Isang malaking pagkakamali!

Sapagkat ang dahilan kung bakit ako napapadpad pabalik sa bayang aking pinagmulan, sa Baryo San Gabriel dito sa Kabicolan, ay ang silip na ilang araw ko ng paulit-ulit na napapanaginipan. Taglay ko man ang kapangyarihan, subalit ang paraan kung paano baguhin ang nakatakdang mangyari ay nasusulat sa Aklat ng Panahunan na nasa pag-iingat ng Punong Babaylan.

Mahigpit na ipinagbabawal sa aming mga Ilumina ang makialam sa mga pangyayaring nakatakda na sapagkat masisira ang balanse ng timbangan ng buhay at kamatayan.

Hindi na ako nagtaka nang pagbungad ko pa lamang sa hangganan ng aming baryo ay namalas ko na ang mga taong tila ba sumasalubong sa napakahalagang panauhin ng buong barangay. Ako si Matang Lawin, ang tagapagmana ng Hacienda Iluminata, lupaing sumasakop sa buong Baryo San Gabriel...

Ang kasalukuyang nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihang tinatamasa lamang ng piling nilalang tuwing ika-sampung dekada ng salinlahi ng aming pamilya...

At ang aking ina, si Doña Clarita De Dios vda. de Ponce ay ang huling babaylan.

"Mama! Madali ka, wala nang oras na dapat pang masayang!"

Bakas sa aking mukha ang matinding agam-agam samantalang nananatiling walang ekspresyong mababakas ang sinuman sa mga mata ng aking mahal na ina. Sa regal nitong puting kasuotan at taas-nuong tindigan ay mamamalas ang kalmang sinlamig ng niyebe sa kabundukan ng Himalayas. Isang kumpas mula sa kamay nitong tadtad ng kumikinang na brilyantes ay nahawi ang mga taong naghanay sa aking dinaanan. Maging si Nana Luming na kanyang kanang kamay ay lumisan at iniwan kaming dalawa sa harap ng antigong mansyon na kaytagal ko ng hindi nasisilayan.

Tumahimik ang buong paligid. Maging ang mga kuliglig at hayop sa paligid ay pinid ang mga bibig. Tumigil ang oras at sa aming pagkakatindig, mga mata namin ay nag-usap. Tikom man ang aming labi, bukas naman ang lagusan ng aming diwang naninimdim...

Mapanganib ang nais mong mangyari! Batid mo naman ang batas na mahigpit nating pinatutupad Eduardo.

Taliwas sa kalmado nitong pisikal na anyo ang balisang himig ng kanyang isipan.

Handa akong isugal ang kahit na ano, makaligtas lamang si Ana sa kapalarang naghihintay sa kanya, Mama.

Naiintindihan ko ang kanyang tinutukoy, subalit hindi ako makapapayag na maganap ang nakatakda.

Oo, naiintindihan kita. Subalit mag-isip ka! Hindi biro ang kapalit ng hinihiling mong mangyari.

Mama, kahit buhay ko kapalit ng sa kanya ay handa akong iprenda!

Kahit ano ay handa kong ipagpalit alang-alang sa kaligtasan ng aking pamilya at ng iba pang batid kong daranas din ng malagim na kamatayan sa darating na mga araw.

Hindi! Hindi ako makapapayag na maputol sa iyo ang lahi ng mga Ilumina. Natatandaan mo pa ba ang propesiya ni Mama?

Si Lola Aguada? Hindi na malinaw sa aking alaala, subalit ano ang kinalaman niyon sa aking problema?

Ah, naaalala ko na. Ang ina ng aking ina ay isa sa mga iluminang nagtataglay ng malakas na kapangyarihan, higit sa karamihan.

Eduardo, magmumula sa dugo at laman ng isang Matang Lawin ang susunod na babaylan, ang babaeng magtataglay ng kakayahang una at huling tinaglay ng orihinal na Ilumina daang taon na ang nakararaan. At hindi si Ana ang...

At ano? Dahil hindi si Ana ang babaylan ay hindi ko na proprotektahan ang kanyang buhay? Mama! Hindi mo ba naisip, na si Ana ay ating dugo't laman? Maaaring mula sa kanya ang babaylang matagal na nating hinihintay.

Posible, sapagkat hindi ko man kayang hulaan ang aking sariling kapalaran ay batid ko namang hindi na ako magkakaanak pa. Matagal ng binawi sa sinapupunan ng aking mahal na asawa ang kakayahang magluwal pa ng panibagong supling.

Subalit, Eduardo! Hindi ko kakayanin kung ikaw ang maisasakripisyo!

Sa isang banda ay naiintindihan ko si Mama. Sinong magulang nga ba ang nanaisin ang masama para sa kanilang anak? Palagay ko ay sila lamang na mga walang konsensiya at pagpapahalaga maliban sa kanilang mga sarili.

Ngunit tulad ng aking ina, ako rin ay isang ama....

Ipinag-uutos ko, bilang Matang Lawin, na dalahin ninyo ako sa Aklat ng Panahunan!

Pasensiya ko ay biglang humulagpos at nagamit ko ang tonong walang sinuman ang maaaring sumuway, maging ang babaylan.

Guho ang palalong tindigan, pumihit ang aking ina papasok sa loob ng aming marangyang tahanan.

Sa ibang pagkakataon ay aayon ako sa kanyang katuwiran, hindi sa panahong ito, kung kailan buhay ng nag-iisa kong anak na si Ana ang nanganganib na maisakripisyo sa kamay ng mga hayop na berdugo ng lipunang kay gulugulo.

Ang pagdating ng reinkarnasyon ng orihinal na babaylan ay malaon ng hinihintay ng lahat sapagkat tataglayin nito ang sinaunang kapangyarihan ng mga Ilumina kabilang na ang magluwal ng sabay ng panibagong Matang Lawin at Babaylan - katauhang hindi dapat mawala sapagkat kung hindi ay matutulog at manghihina ang kakayanan ng lahat na biniyayaan ng pambihirang kakayanan.

"Mama, walang halaga ang kapangyarihan kung hindi natin ito magagamit upang sarili natin ay matulungan. Huwag kang manghinayang sa kawalan, mabubuhay tayo sa ordinaryong paraan..."

"Kung sana'y ganoon kadali Eduardo, isusuko ko ang posisyong meron ako. Subalit alalahanin mo, na ang buhay ko'y hindi mapapatid abutin man ng daang taon, hanggat ang bertud ng pulang perlas ay hindi naisasalin sa susunod na Babaylan, mananatili akong imortal..."

Sa isang iglap, naunawaan ko ang kanyang paghihirap. Bakit nga ba nawaglit sa aking isip ang dahilan kumbakit ang kaanyuan ng aking Mama ay hindi na nabago at tumigil sa pagtanda pagtuntong nito ng trenta años?

"Nakakapagod Eduardo, nabanggit ko na ba sa'yo kung ilang taon na ako?"

Habang sinusundan ko ang kanyang mabigat na mga yapak, patungo sa paibabang daan na batid kong lalagos sa lihim na silid sa ilalim ng mansyon ay hindi ko maiwasang magulat sa kanyang tanong...

"Hindi ba't kayo ay animnapung taong gulang na?" nababaghan kong balik-tanong sa kanya.

"Nagkakamali ka, ako ay isandaan at sampung taon nang nabubuhay sa mundong ibabaw..."

Tuluyan ng kinain ng dilim ang kanyang katawan ng pasukin nito ang makitid na pintuang ngayon ko pa lamang din namasdan at mapapasukan.

Ang silid na magbibigay kasagutan sa lahat kong katanungan...

Kaligtasan!

Ana...

Sandali na lamang.


message 8: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) Pag-Ahon
Language: Tagalog
Poetry
Word Count 96

Ako'y isang nilalang
Na ligaw sa kamunduhan
Buhay ko'y kahalintulad
Ng basang sisiw sa lansangan
Wala akong patutunguhan
Bukas ko'y hindi ko matanaw
Ngunit ika'y namagitan
Kamay ko'y iyong tinangan
Pilit akong tinulungan
Umahon mula sa putikan

Ikaw ang liwanag na naghatid ng pag-asa
Sa puso kong winasak ng tadhana
Ikaw ang nagbigay sa akin ng halaga
Sa kabila ng puri kong sing rungis ng grasa

Buhay ko'y kulang pa
Katumbas ng iyong ginawa
Puso ko'y di sapat
Kapalit ng pag-ibig mong tapat
Ngayon hanggang sa katapusan
Maging umulit man ang aking buhay
Walang ibang hahanapin kundi ikaw lamang
Ikaw na karugtong ng pulang pisi ng aking kapalaran.


message 9: by Gigi (new)

Gigi (OxyMoronicMeGLemz) Ang Langaw at ang Kalabaw
Language: Tagalog
Poetry Word Count: 92

Hayup sa sipag
Animal na kay tikas
Bago pa man sumingkad
Haring araw na masinag
Hayon at batak na
Ang katawan sa hirap
Bukid ay inararo
Putikan ay binaybay
Kaunting tubig at damo
Talutalo na kamo.

Maliit man daw at magaling
Mas mataas pa rin
Nang dahil sa pakpak
Kaya nitong lumipad
Bulok man ang kinakain
Nabubuhay pa rin
Malansa, mabaho o Patay man,
Hindi alintana pagkat 'di pihikan.

Walang imposible
Sa taong madiskarte
Katwiran ng marami
Mabuti na ang maging langaw
Kaysa maging kalabaw
Aan'hin pa raw
Ang malaking katawan
Kung ang likod mo'y
tinutuntungan lang naman?

Lintik na langaw!
Mas matangkad pa sa kalabaw.

Buhay nga naman...


back to top