Jump to ratings and reviews
Rate this book

Etsa-Puwera

Rate this book
Kuwento ito tungkol sa mga taong laging nasa laylayan lamang ng kapangyarihan. Mga minorya sila noong panahon ng Kastila. Mga ilustrada sila, na alanganing Indio o Filipino, o lider kaya ng kulto.

409 pages, Paperback

First published January 1, 2000

28 people are currently reading
383 people want to read

About the author

Jun Cruz Reyes

19 books141 followers
Si Jun Cruz Reyes ay isa sa mga natatanging muhon ng wikang Filipino at kamalayang Bulakenyo ng ating panahon. Mula 1993 hanggang 2004, kung kailan siya ay Assistant Professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Unibersidad ng Pilipinas, nakapaglabas siya ng maraming libro, kabilang ang Etsa-Puwera na nagkamit ng unang premyo sa National Centennial Literary Contest noong 1998 at National Book Award mula sa Manila Critics Circle noong 2001. Siya ang SEA Write Awardee ng Pilipinas sa taong 2014.

Isa rin siyang magaling na guro na binigyan ng parangal bilang pinakamahusay na Assistant Professor ng College of Arts and Letters sa UP Diliman, Most Outstanding Faculty sa Polytechnic University of the Philippines, at ng isang Writing Grant mula sa UP Office of the Chancellor at Office of the Vice President for Academic Affairs noong 2003. Si Reyes ay kinikilala rin sa marami pang unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of Sto. Tomas, na kadalasang iniimbitahan siyang maging panelist, judge o tagapagsalita sa mga palihan at patimpalak. Abala rin siya sa pagiging judge sa mga pambansang patimpalak gaya ng Palanca Awards at NCCA Writers Prize.

Ginawaran siya ng Gawad Alagad ni Balagtas ng Unyon ng Manunulat sa Pilipinas noong 2002. Sa taong iyon din siya hinirang bilang Most Outstanding Alumni for Literature and the Arts ng Hagonoy Institute noong Diamond Anniversary nito. Patuloy na isinusulong ni Reyes ang kamalayan para sa kanyang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng workshop sa pagsusulat, journalism, pelikulang dokumentaryo, pagpipinta at iba pa, sa kanyang bahay sa Bulacan. Editor-in-Chief din siya ng D yaryo Hagonoy , kasalakuyan niyang tinatapos ang pag-akda sa Hagonoy, Paghilom sa Kasaysayan . Muling nilathala ng UP Press ang kanyang Utos ng Hari noong 2002. Ang pinakabago niyang aklat ay ang Ka Amado (Talambuhay ni Ka Amado Hernandez) na inilabas noong 2012. Patuloy siyang nagtuturo ng pagsusulat sa UP.

Sa Kasalukuyan ay senior adviser si Jun Cruz Reyes ng Center for Creative Writing ng PUP, siya rin ang utak sa likod ng Biyaheng Panulat (Ang Caravan Para sa Panulat na Naghahanap sa Bayan).

Ratings & Reviews

What do you think?
Rate this book

Friends & Following

Create a free account to discover what your friends think of this book!

Community Reviews

5 stars
87 (52%)
4 stars
41 (24%)
3 stars
24 (14%)
2 stars
6 (3%)
1 star
7 (4%)
Displaying 1 - 9 of 9 reviews
Profile Image for K.D. Absolutely.
1,820 reviews
October 27, 2012
Lumalaon-bumubuti, sumasaya kaysa dati.

Ang pangako ng pag-asa. 'Yan, para sa akin, ang tema ang buong kuwentong napapaloob sa Etsa-Puwera. At dahil sa ang kuwento ay sumasalamin sa kasaysayan ng Pilipinas sa papagitan ng pagkukuwento ng limang saling-lahi ng pamilya Balingkasay, ito ay may kakabit na pangakong darating din ang panahong ang mga pangyayari ay magkakaroon ng katuturan at gaganda ang ating kinabukasan.

Bakit kapag may mahaba at medyo magandang aklat akong nabasa, parang gusto mong bigyan ng 5 stars kahit may mga bahagi na parang nakakapagod? Wala pang kaparis ang bigat ng librong ito tapos paperback. Hirap tuloy hawakan habang nagbabasa akong nakahiga sa kama? Kapag mahaba ang nobela, parang mahabang dulang o buffet sa restawran sa isang five-star hotel. Hindi mo rin naman kasi makakain lahat at kung may makain ka mang di masyadong masarap, puwede mong itabi sa pinggan mo at hayaang kunin ng wayter upang itapon. Sa dulo ng pagbabasa, gusto mong magdiwang dahil natapos mo ang aklat at naintindihang ganap ang nangyari sa mga tauhan. Parang gusto mo ring i-engganyo ang mga kaibigan mo na basahin ito at paano nila babasahin kung ang ibibigay mo ay 3 stars lamang?

Binigyan ito ng aking katotong manunulat na si Norman Wilwayco ng 5 stars. Halos narahuyo niya akong ito rin ang ibigay. Kaso lang nga, parang pilit. Kung tutuusin, mas nagustuhan ko yong Ang Huling Dalagang Bukid at ang Authobiography na Mali: Isang Imbestigasyon (4 stars din para sa akin) dahil mas madaling maka-relate sa kuwento at mas maraming makakapigil-hininga pahina dahil sa ganda ng prosa. Mas marami pating istilo ng pagsulat na ginamit doon kasama na yong modernong lengguwahe ng mga kabataan na di mo iisipin na isang may-edad (60+) nang professor sa U.P. ang nagsulat.

Ang Etsa-Puwera ay kuwento ng pamilya Balingkasay na sumususod sa limang henerasyon: Una: Panahon bago dumating ang mga Kastila. Kasaysayan ng pagiibigan ni Carrayco at Oysang; Pangalawa: Panahon ng mga Kastila. Kasaysayan ni Rosang Kalabaw na anak ni Carrayco at Oysang; Pangatlo: Panahon ng Amerikano hanggang hapon. Kasaysayan ni Sion na anak ni Rosa. Si Sion ang pangunahing tauhan ng aklat. Kapatid siya ni Ando na napangasawa ni Dolores; Pang-apat: Pagkatapos ng giyera. Si Ruben, ang anak ni Ando at Dolores, ang naging tagapagsalaysay hanggang sa siya ay mawala sa kuwento; at Pang-lima: Si Ebong na anak ni Ruben ay nagsara ng kuwento. Namatay si Ruben at namatay ang kanyang Lola Sion. Hindi ito mga spoilers dahil si Ruben ay parang anti-climactic na ipinasok sa dulo. Nakalimutan ko na nga ang karakter niya at si Lola Sion naman ay namatay sa katandaan. Noong sinabing namatay siya, parang wala na rin lang. Papagpahingahin na lang natin siya, wika ko sa sarili ko.

Parang pinagsamang paglalahad ng kasaysayan ng pamilya Buendia ni Gabriel Garcia Marquez sa One Hundred Years of Solitude (5 stars) kasama na ang magical realism at ang sangkap-kultura at pulitika sa kasaysayan ng isang bansa na mabisang ginamit upang ilarawan ang pinagdaanan ng isang lahi sa Midnight's Children ni Salman Rushdie. Ang pinagkaiba ng nobelang ito ay ang pinoy na pinoy na mga karakter at mga pangyayari. Ngunit ang pinakagusto ko ay ang masaya at mapaglarong prosa ni Jun Cruz Reyes. Hindi ito yong nakakabagot na Tagalog at di rin ang alanganing taglish na kasalukuyang ginagamit ng mga kabataan ngayon. Dalisay at puro pa rin na Tagalog pero hindi nagpupumilit na maging lirikal o mala-tula na parang pambalagtasan. Sa madali't sabi, hindi Tagalog na "pang-matanda."

Etsa-puwera. Lahat naman tayo na-etsa puwera na. May mga bagay na di tayo isinasali. Sa buhay, hindi naman lahat ng gusto natin puwede nating makuha. May mga pinangarap tayong di natupad. May mga taong pinagtiwalaan natin at pinahalagahan, pagkatapos ay tratraydorin tayo. May mga kaibigan tayong minahal, ngunit sila pala ay mga ahas. Sa dulo, hindi na rin iyong mahalaga. Ang isipin na lang natin ay naging aral ang mga iyon upang tayo ay matutong makisama sa mga susunod na taong eekis sa atin landas.

Basta ang mahalaga, may pag-asa. Pero isinara ni Reyes ang kuwento ng pamilya Balinghasay sa pamamagitan ng mga linyang ito: "Sabi nga ng Sion, lumalaon-bumubuti, sumasama kaysa dati. Ano sa palagay ninyo ang dapat nating gawin ngayon?"

Tuloy lang ang buhay. Piliting laging masaya.
Profile Image for Apokripos.
146 reviews18 followers
January 22, 2016
Silang Mga Hindi Kasali
(Book Review ng Etsa-Puwera ni Jun Cruz Reyes)

Ang kasaysayan ay inaakda ng mga nananaig.

Lagi’t lagi nating naririnig ang kawikaang ito, ngunit tunay nga ba nating nababatid ang kahulugan sa likod nito lalo na sa usapin ng pagsasakasaysayan ng bayan? Kung ang kasaysayan sa pananaw ng mga nagtatagumpay ang tanggap ng nakararami, paano naman kaya ang bersyon ng kasaysayan sa pagtanaw ng mga pangkaraniwang tao, ng minorya?

Binibigyang boses ng Etsa-Puwera ni Jun Cruz Reyes ang pagsasakasaysayan ng bayan ayon sa mga taong nasa “laylayan ng kapangyarihan” sa pamamagitan ng salaysay ng pangunahing tauhan na si Rebo (palayaw mula sa kanyang pangalang Rebolusyon) sa akto ng pag-aakda ng kasaysayan mula sa mga karanasan ng limang henerasyon ng kanyang pamilya batay sa kuwento-kuwentong nanggaling mula sa kanyang Lola Sion at amang si Ruben. Sa pagsasalaysay na ito’y natitisod ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa prekolonyal na yugto hanggang sa panahon bago dumating ang Ikalawang Milenyo. Tinatahak din ng nobela ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa bansa gaya ng Himagsikan ng 1896, Giyerang Pilipino-Amerikano, at pagsabog ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig kasama ng mga naging partisipasyon o pagkasangkot ng pamilya ni Rebo sa mga ito.

Isa sa magagandang pinapaksa ng nobela ang karupukan ng kasaysayan. Ang kasaysayan bilang kasangkapan upang iangat ang dangal at ipagparangalan ang angkan ng mga naghaharing-uri na sa totoo’y nakipagtulungan sa mga manlulupig ng bayan, ngunit nag-aanyong makabayan sa harap ng mga kababayan. Ang kasaysayan na sa tuwina’y kailangang punan ang mga guwang upang mamalas ang kabuuang naratibo ng bansa, ngunit sa kabuuang malas ay kay hirap pa ring buoin dahil kanino nga bang pananaw ang dapat bigyang pansin: matimbang ba ang patataya ng katotohanan o ng sabi-sabi? Dapat bang sa punto ito ng mananakop o ng sinakop? Sa pagtingin ba ng mga nanalo o ng mga natalo? Sa pagtataya ba ng kakampi o ng kalaban?

Hanga talaga ako sa sining ni Reyes na laging salig sa sitwasyong binabaka ng mga karaniwang tao, bagay na siyang matutunghayan sa nobelang ito. Sa halip na buhay ng kung sino mang dakila ang siyang paksain ng kuwento, bagkus ay ay itinatampok nito ang isang ordinaryong pamilyang Pilipino na ang tanging iniisip ay kung paano mairaraos ang araw-araw. Oo nga’t dinala ang bawat miyembro ng pamilya Balinghasay ng agos ng mga pangyayaring kinaharap ng bansa, ngunit nananatiling pa ring salig sa kanilang uri ang kilos ng mga karakter na ito: may matapang na lumaban, may nangarap maging isa rin sa mga dinadakila, may nagpatuloy ng laban sa kabila ng kapansanan, at may nagpasyang manatili sa lugar na pinag-ugatan para may maradatnan ang kung sino mang babalik.

Lundayan din sa tema ng nobela ang mga taong lihis sa nakasanayan, ang iniisang-tabi, ang laging hindi kasali, ang etsa-puwera. Sa lahat ng mga tauhan sa nobela, tunay na makikita ito kay Ruben na ipinanganak nang suhi o una ang paa. Dahil sa kakaibang posisyon ng kanyang pagkakaluwal tiningnan siya bilang malas, ngunit sa totoo’y ang kanyang pagiging suhi ay sumasagisag sa kanyang pagiging kakaiba sa nakagawain at ang pananatiling nakatuntong ang mga paa sa lupa. Saksi rito ang mga salaysay ni Rebo sa kung paanong makipagkapwa-tao ang ama, kung paano nito ipinaglaban ang karapatan ng tao at kalayaan ng bayan nang sumali sa Kilusan, at sa huli ang pagtutuwid sa isang kamalian na nauwi sa trahedya.

Ang pira-pirasong pagsasalaysay rin ng nobela, kasama ng salimbayan at pagtatagni-tagning paglalahad ng mga tauhan, ay nakadaragdag sa aspeto ng karupukan ng pagsasakaysayan. May nagsasalaysay na parang nagkukuwento ng isang alamat, o mula sa talaarawan, o ayon sa mga nakasaksi, o mula rin mula sa samu’t saring kuwento-kuwento’t sabi-sabi. Dahil dito’y ang pangunahing tauhan, pati na rin ng mambabasa, ay nag-aapuhap kung paanong mapag-iisa ang mga buhol-buhol na diwa ng mga salaysay.

Ngunit sa huli’y hindi na lang naghahamon ang Etsa-Puwera sa pagbubuo ng puno’t dulo ng mga salaysay, at sa halip ay nagtatanong ito kung ano ang gagawin ng mambabasa matapos matunghayan ang lahat ng ito lalo’t ngayon ay nasaksihan niya ang lugaming kalagayan ng mga taong laging naiisang-tabi. Mananatili na lang bang naglulubid ng nakaraan, o susulong upang harapin ang kasalukuyan?


_________________________
Detalye ng Aklat:
Nilathala ng University of the Philippines Press
(Trade Paperback, Unang Limbag, 2000)
409 Pahina
Binasa: Nobyembre 25 – Disyembre 17, 2015

[Mababasa ang book review na ito at iba pa mula sa aking book blog: Dark Chest of Wonders]
Profile Image for Karlo Mikhail.
403 reviews131 followers
August 6, 2020
Taking the form of a rough romp through Philippine history as seen experienced by the narrator's family line composed of the marginalized and outcasts of their times, Etsa-Puwera is self-reflexive and full of allusions and intertexts.

The fragmented narrative makes the novel appear playful yet clunky and deformed. At times it is dull, at times engrossing. The climax and concluding chapter, however, ties down the loose ends. The danger of drowning in playfullness is averted.

Here the relation between cause and effect is rediscovered, a coherent totality is established. In the end, Etsa-Puwera makes a powerful statement on the continuing relevance of the unfinished revolution against foreign domination and native oppressors.
Profile Image for Kim.
Author 2 books10 followers
May 16, 2018
Mahusay ang pagkakasulat. Tunay na inilalarawan ang karanasan ng mga etsa-puwera, o ang mga taong hindi napapansin, bagamat kasama sa kasaysayan.
Profile Image for Ivan Labayne.
380 reviews22 followers
July 20, 2020
From here: https://nordis.net/2020/05/31/article...

4. Sa simula ng “Ang Bersyon ng Kaibigan, ng Posporo at ng Bala, ika-sampung kabanata ng Etsa-Puwera, “pula ang kulay ng dugo. Dugo ang ipantutubos nila sa kalayaan kung kinakailangan. Hindi masamang maging pulahan. Pula ang kulay ng kalayaan.” Pula ang kulay ng tintang pinangpipirma sa kasunduang nagpapatibay ng pagiging kalahok sa Katipunan. Naniwala ba ako innocently noong bata ako na literally blue ang kulay ng dugo ng mga dugong-bughaw? Hmm, baka may genetic basis ang kanilang mataas na uri, hindi sila tulad ng kalakhan na pula ang dugo, commoners, savages? Kailangan ng idiomang “blue blood” para i-ukit sa wika ang ‘di-pagkakatulad, ‘di pagkaka-pantay-pantay ng mga uri. Kailangan ng idiomang “blue blood” para i-inscribe sa wika ang pagkakaroon ng mga mataas at mababang uri, mga pwedeng i-VIP test at mga dapat magkasya na lang sa self-quarantine, mga gumagawa ng kautusan at mga taga-tango lang, sumunod ka kung ayaw mong mamatay.

Displaying 1 - 9 of 9 reviews

Can't find what you're looking for?

Get help and learn more about the design.