Hanggang ngayon ba, mababa ang tinggin ng mga tao sa mga teachers? Noong bata pa ako, oo. Pag di ka masyadong matalino, ia-advice sa iyo ng mga tao, mag-teacher ka "na lang." Yong "na lang" na yon, may pangme-menos. Actually, noong bagong graduate ako sa high school (2nd honorable mention ako sa batch namin so di naman ako bobo), kung tinanong lang ako ng tatay ko kung ano ang gusto kong kunin, ang isasagot ko, teacher. Kaso di ako tinanong. Gusto nya raw akong maging doktor. So, ayon, nakatapos ako ng Med Tech. Kaso di naman ako naging doktor dahil wala naman kaming pag-tuition pagkatapos ko ng Med Tech.
Pero ang napangasawa ko ang tatay, nanay at ate ay puro mga teachers. Ang tatay nya graduate ng Education sa UP, nanay ng sa Ilo-ilo State at ate nya nagtuturo pa rin hanggang ngayon sa PUP. Tatay nya nag-retire na Superintendent sa Iba, Zambales. Nanay nya Supervisor sa Cecilio Apostol sa Maynila. Napag-aral naman nila ang 5 anak nila (kasama ang misis ko). Maayos naman ang buhay nila after retirement. 95 na ang father-in-law ko at 85 ang mom-in-law ko.
Tapos sa batch namin sa high school, marami rin educators. Yong isa roon, kare-retire lang bilang principal ng Perez High School (ito yong third o special mention sa batch namin). Pero may mga nagtuturo pa rin sa town namin sa Quezon, Quezon.
Tapos dito sa Maynila, marami sa mga miyembro ng Pinoy Reads Pinoy Books, mga magtuturo ang kinukuha o mga unang trabaho o kasalukuyang trabaho. Para tuloy akong nanghihinayang na di ko nakuha ang gusto talagang kurso. Kaso, andoon na e. Maayos naman ang buhay ko ngayon sa profession ko.
Anyway, dito kasi sa libro, di ko ma-gets yong sobrang galit noong nanay ni Amelita na nariyang sampalin ang anak dahil sa pagkuha ng pagtuturo bilang profession at pagpili ng nobyo na isa rin teacher. Porke raw maghihirap at di gumaya sa mga nakakatandang kapatid na pumili ng mayamang asawa. Puwedeng magdamdam o malungkot pero manampal? Ewan. OA lang ang dating sa akin. Sabagay yong character naman din kasing yon ni Aling Rosa bording on lunacy na rin. Parang sira na rin ang ulo lalo na doon sa tagpong ipinagyayabang ang mga mamahaling gamit habang nakaratay sa kama ang anak na kapapanganak pa lang. Para inggitin at maliitin ang balaeng si Aling Idad dahil mahirap lang ito.
Bukod dito, maayos ang pagkakakuwento ni Arceo. Yong lang sa dakong huli parang minadali. Biglang nag-jump sa pagkakasakit ni Aling Rosa. Ang pagkakasakit ng mga tauhan, parang kinakailangang magkasakit para mag-transform. Gusto ko yong paglalarawan sa mga pangunahing tauhan gaya ni Mauro. Totally opposite siya ng main villain dito na si Osmundo. Nailarawan ni Arceo ang mga tauhan sa pamamagitan ng "show don't tell." Sa mga mannerisms nilang tatlo, kasama si Amelita, nakikilala ang kanilang katauhan lalo na ang inner strengths or weaknesses.
Salamat kay Clare sa pagre-recommend ng librong ito. Mabuhay ang mga teachers! Mabuhay ang mga kamag-anak ko! Mabuhay ang mga kaibigan ko! (Sabi ni Reev, maraming exclamation points ang nobelang ito. Parang laging sumisigaw ang mga tao. Ganoon siguro ka-intense si Aling Liwayway noon sa pagsusulat niya!)