"Habang maliliit pa ang mga anak mo, parang gusto mo, lumaki na sila agad. Kasi, ang harap mag-alaga ng bata. Pero pag nagsilaki naman, halos gusto mong ibalik ang panahon, ibalik sila sa 'yo. Kasi, pakiramdam mo, ang layo na nila. Hindi mo na sila maabot.
Pero wala kang magagawa. Sinasabi lang natin na ang anak ay karugtong ng buhay ng ina pero ang totoo, oras na pinutol na ang pusod ng sanggol, nagiging hiwalay na tao na sila. hindi na sila karugtong ng isa."
Lualhati Bautista was a Filipina writer, novelist, liberal activist and political critic. She was one of the foremost Filipino female novelists in the history of Contemporary Philippine Literature. Her most famous novels include Dekada '70; Bata, Bata, Pa'no Ka Ginawa?; and ‘GAPÔ.
"Sino ang may sabi na may ipinagkaiba ang damdamin ng isang sisenta'y singko sa isang disisais? Walang pinagkaiba yan, magkasingtalim lang ang damdamin niyan ng pagkabigo, magkasingdami ang luhang ititigis sa kamatayan ng kanyang pag-asa." (p. 196)
Mas stylish ang In Sisterhood—Lea at Lualhati (5 stars) dahil sa bagong istilo na ang karakter ni Lualhati Bautista na si Lea (sa "Bata, Bata") ay nagsusulat tungkol sa kanya. Subalit ang "Sixty" ay mas matapang dahil bibihira ang lokal na akdang ang mga bida ay mga sisenta anyos na. Biruin mong ang target market supposedly nito ay yong mga malalabo na ang mga mata. Bakit inisip ni Lualhati Bautista na magtitiyaga pang magbasa ang mga lolo at lola ganoong ang mga pangunahing pinagtutuunan nila ng pansin ngayon ay ang kanilang mga apo o ang kanilang mga sakit: rayuma, puso, presyon, baga, atbp.
Matapang dahil walang gumagawa ng ganyan ngayon. Puro mga romance ng teenagers, 20ish, 30ish. Ni walang 40ish o 50ish. Tapos si Lualhati Bautista, 60ish? Sabi nga ni Sir Rio Alma sa aming panayam sa kanya: "Magsulat kayo ng di pa nasulat. Kung ang isusulat ninyo ay nasulat na, walang kuwenta yon."
Yon lang? Five stars na? Hindi.
Matapang ito, mas matapang ang isa sa mga pangunahing karakter na si Guillerma "Guia" Rosales kumpara sa matapang nang si Lea Bustamante sa "Bata, Bata." Si Lea ay bata pa, maiintindihan pa ng maraming tao kung maghanap ng sex kahit sa tatlong lalaking hindi niya asawa. Dito, oo nga't patay na ang asawa ni Guia pero kahit noong nabubuhay pa ang asawa nito ay nagkaroon na ng relasyon si Guia (60 siya noon) sa kanilang driver na si Amante na 27 years old. May agwat silang 33 years at sa dulo ng nobela ang mahika ng panulat ni Lualhati Bautista dahil papaniwalain niya tayo na Kung nangyayari man yan o hindi sa totoong buhay, ang alam ko lang (dahil 51 na ako ngayon) at maaaring ma-inlove ang isang 50ish sa isang 20ish (Freddy Aguilar, Vic Sotto, atbp) ngunit ito ay kailangang iwaksi sa isip dahil maraming mapanghusgang tao na magsasabing "he/she is not acting his age" bagay na maaari niyang lamunin pag siya na ang nasa edad na yon.
Maraming pang mga quotable quotes na maaring sipiin mula dito sa libro pero ipinapasa ko na yon sa mga bihasa na sa paggamit ng quotes. Basta para sa akin, ang bagong akda na ito ni Lualhati Bautista ay nangungusap sa akin na igalang ang mga matatanda at unawain sila kung sila man ay nakadama ng pagmamahal sa mga taong minamahal nila.
33 years o kung ilan man ang agwat nila. Basta nagmamahalan sila, keber lang tayo dapat.
Imenos ang mga oras na may ibang ginawa maliban sa pagbabasa, masasabi kong ito ang pinakamabilis kong nabasa sa lahat ng nagawa ni mam Lualhati. Bakit? Kasi ang light lang basahin. Humorous pero masakit din sa damdamin bawat linya. Dahil sa nobelang ito, nakita ko rin ang point of view ng mga babae na dumaraan sa stage na ito, second adulthood, yung mga katutungtong lang ng 60 ganun. Kadalasan kasing binabsa natin sa mga nobela e puro 30s o di kaya teenager and bida sa kwento pero eto matatanda. Kakaiba. Iba na rin pala ang pakiramdam ng mga taong nasa ganitong stage na. Akala natin nagiinarte lang dila pero may mga pangangailangan din pala sila, maramdaman ng kalayaan o kasarinlan sa pagdedesisyon (parang teenager lang na katutungtong lang sa legal na edad). Lahat din tayo ay may kakilalang nasa ganyang edad, at sana sa pamamagitan ng librong ito kahit paano maintindihan at unawain natin sila. May isa rin akong natutunan, na hindi hadlang ang edad sa pagtupad ng mga pangarap na hindi mo nakamit nung bata bata pa. Habang buhay, may pagkakataon pang mangarap at magmahal. Cheers!
Nakakatakot tumanda. Bukod sa magiging luyloy na ang iyong mga balat at puputi ang iyong mga buhok, nakakatakot maiwan mag-isa at talikuran ng mga mahal sa buhay matapos gampanan ang tungkulin bilang ina at asawa. Nakakatakot na sa kabila ng pag-abot mo sa pangarap ng iyong anak, ay makakalimutan mo'ng may pangarap kang nahihimbing na-- kasabay ng iyong kabataan.
Tama. Ito ay para sa mga ina, pero higit para sa mga anak. Ang nobelang 'to ay hahashtagan ko ng #LifeChanging, #lifeGoals #relationshipGoals #noFilter #noMakeUp #feelingYoung #YOLO!
Ang Sixty in a City ay tungkol sa tatlong babaeng magkakaibigang may iba't ibang mundong ginagalan subalit iisa ang kahahantungan--ang pagtanda (at kamatayan), katulad nating lahat. Isang may kaluluwa at talino, may puso at bait, taco at nachos? Chos. Isang saksi sa tagumpay ng kanyang mga kaibigan at nagsilbing aral sa kanyang sariling buhay.
Hindi ko ito binasa nang tuloy-tuloy dahil masakit ang ilang bahagi (tinamaan ako!), tagos sa puso! Pero hindi pa ako tapos umiyak, natatawa na ako sa sunod na eksena. Walang kupas. May sarili pa ring boses sa pagsusulat si M.Lualhati Bautista. Natural na natural, hindi pretentious at nagmamagaling. Galing sa puso ang bawat tinipang letra, pangungusap, quotable quotes at dialogues. Hindi siya gumamit ng malalalim na salita para ma-impress ka, gumamit siya ng puso sa pagsusulat at pagkukwento na parang nasa tabi mo lang siya at may kasama pang tapik sa balikat at hagod sa likod. "O ngayon alam mo na, Friend. Ganyan ang matatanda, ganyan ang nanay mo! Baka ganyan ka rin someday. Hapi frieDnShiP DaY!"
Hindi Edad o Katandaan Ang Magtatakda (Book Review ng Sixty in the City ni Lualhati Bautista)
“Life begins at [insert age].”
Malimit nating mapakinggan ang ganyang kasabihan. Na para bang ang susi sa potensyal ng ating mga buhay ay makakamit lang natin pagtuntong sa ganito o ganyang gulang. Kailan nga ba natin masasabi na nagsimula na taong tunay na mabuhay? Higit dito, kailan ba natin matatanto na tayo na nga ay tunay nang malaya?
Umiikot ang Sixty in the City ni Lualhati Bautista sa buhay ng magkakaibigan na Guia, Roda, at Menang. Mga asawa at ina silang nagsisimula sa panibagong yugto ng kanilang buhay: ang pagtuntong sa edad sisenta. Magkawangis man ang kanilang tungkulin bilang ilaw ng tahanan, kinakaharap man ang kanya-kanyang mga suliranin, may mga katuparan pa rin silang nais para sa kanilang sarili.
Si Guia na nabiyuda ay nais ipagpatuloy ang kanyang pangarap na pagsusulat ng mga tula kasama ng kanyang pagnanais na dugtungan ang kung ano pa mang namagitan sa kanila ni Amante, ang kanilang dating driver na halos kalahati ng kanyang edad.
Si Roda, matapos malaman ang nagawang kataksilan ng asawa, ay nais nang humiwalay ng tirahan at humihingi ng karampatang halaga para sa kanyang paninibilhan bilang asawa’t ina nang makatindig sa kanyang sarili sa bisa ng pagsisimula ng isang negosyo. Magagawa ba niyang muling buksan ang kanyang puso o paraan lang ba ito upang maghiganti sa kanyang asawa?
Si Menang na gaano man kapursigido sa buhay ay lagi na lang kinakapos. Makakamit pa ba niya kahit kakarampot lang na kapanatagan o kaginhawaan sa buhay lalo na ngayon at mukhang mas matatali pa siya sa kanyang paralisadong asawa, na pinalala pa ng nagbabadyang pagpapalayas sa kanila sa bahay at lupang hindi naman nila pag-aari?
Paniguradong mag-iiwan na naman ng marka sa mga mambabasa ang mga kawiliwiling mga tauhang binigyang buhay ni Bautista sa kanyang pinakabagong nobela. Kahit sabihin pang nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay ang mga karakter na ito, mitsa pa nga ito upang mas lalo silang maging palaban at mapanghamon sa mapangmaliit, mapaniil na pagtingin sa kanila ng lipunan; na higit pa sila sa payak na dikta ng kasarian—sapagka’t sila’y babae at matibay nang lisensiya ito upang ipaglaban ang kanilang paninindigan.
Malaking salik sa pagsasabuhay ng mga tauhang ito ang prosa ni Bautista. Sabihin mang simple ang estilo (conversational Filipino, ika nga), may angking mahika ang habi ng kanyang mga salita. Hindi na nakapagtataka kung sa simula pa lang madadala ka na, sangkot ka na rin sa kahihinatnan ng mga karakter na ito. Palasak mang sabihin, waring alak ang prosa ni Bautista: kung humagod banayad, lalong tumatagal, lalong sumasarap; may dalang init at lambing sa puso, malakas ang amats sa kamalayan.
Babae o lalaki man ay magkakaroon na malalim na kaugnayan sa akdang ito ni Bautista. Nais pasinungalingan ng may-akda na ang pagsisimula’t pagtupad ng mga pangrap at hangarin sa buhay ay di lang makakamit sa kasibulan ng gulang. Maaari pa ring ipagpatuloy ito kahit sa gintong yugto ng ating mga buhay. Basta may hininga, kayang-kaya pa. Hindi ang kasarian, tungkulin, edad, katayuan sa buhay, o disposisyon sa lipunan ang nagbibigay ng hangganan sa tao. Sarili natin ang nagtatakda ng limitasyon. Sarili rin ang may kakayahan upang matamo ang mga lunggati; sarili rin susi sa tunay na paglaya at pag-iral. Sana’y maging inspirasyon sa atin ang buhay nina Guia, Roda, at Menang.
_________________________ Detalye ng Aklat: Nilathala ng Dekada Publishing (Paperback, Unang Limbag, 2015) 369 Pahina Binasa: Enero 23 – 26, 2016
[Mababasa ang book review na ito at iba pa mula sa aking book blog: Dark Chest of Wonders]
Nung natapos ko yung sixty in the city, naghahanap ako ng ibang review. Wala lang, makikicomment ako, makikifangirl. Kaso wala pa ata nun. Kaya ginawa ko minessage ko si ma'am lualhati kasi sa totoo lang, naiyak ako dahil kay (lola) Guia (joke. Baka multuhin ako at nakikilola ako lol) saka gusto ko yung pagkakaibigan ng tatlong bida sa kwento(Sina Guia, Roda, pati Menang). Yung libro talaga, kagaya ng sinabi ko kay ma'am, ay kagaya rin nung frame na may nakamount na dalawang mukha sa condo ni Roda. Isang nakaiyak at isang nakatawa. Simbolo raw ng mga kwento sa pelikula, pero para kay Roda, simbolo ng buhay nya. At para sa mga mambabasa, simbolo talaga ng buhay ng lahat. Magkahalong lungkot at saya, trahedya at komedya. Sabi sa title, sixty in the city, pero wag mo ijudge, para kaya yun sa lahat, sabi dun "ang buhay ay hindi nagsisimula pagtuntong ng sisenta, nagsisimula ito sa bawat pagngiti ng umaga." Basahin mo, malalaman mong hindi ka nag-iisa. (This is a paid advertisment. Dejoke lang) para kay Ma'am Lualhati Bautista a reaction of appreciation XD
Simula sa umpisa hanggang sa malapit nang matapos, isa 'tong 4-star book. Maganda sya, kwela(?) interesting. Pero nag plateau na siya, yun at yun na lang ang nababasa ko-Kwento ng tatlong nasa 60 y/o na mga babae. Pero sa dulo, ang mga pangyayaring nabasa ko sa bandang hulihan ng libro, deserving ng 5 star! Ewan ko, parang hindi naman dapat sya nagpapaiyak, pero pinapatulo ang luha ko sa mga twist! Ang ganda lang nya talaga... sobra!
Ang ganda nito! Ito na ang pinakapaborito kong akda ni Lualhati Bautista na nabasa ko na so far na hindi pa naisasapelikula. Maganda rin ang ‘GAPÔ na binigyan ko noon ng five stars pero mas maganda itong Sixty In The City, dahil na rin siguro hindi ito hinaluan ng tungkol sa politika o gobyerno at mas nakasentro ito sa pamilya. Pagdating naman sa mga akda niya na naisapelikula na, paborito ko ang Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa?. Pero ibang usapan na iyon. Dito sa Sixty In The City, patatawanin, pakikiligin at pakikiligin talaga niya tayo. Bawat kabanata sa libro, magtatatak ng iba't ibang uri ng emosyon at aral.
Ayoko pa sanang matapos ang pagbabasa nito dahil napakainteresante ng mga kuwento ng buhay nina Guia, Menang at Roda, lalo na ang kani-kanilang buhay pag-ibig. Sila 'yung mga matatandang bagets na bagets pa rin o 'young at heart' dahil age is just a number, sabi nga. Pero sa huli, mapapaisip tayo sa pinupunto ng bawat tauhan sa kuwento, na totoo nga namang hindi lang ang pag-aalaga sa kanila ang nais ng mga matatanda, dahil higit sa lahat, ang kailangan nila ay ang pang-unawa at paggalang sa kanilang mga karapatan, kagustuhan at mga desisyon sa buhay, at ang pagsuporta natin sa kanilang mga pangarap dahil hindi lang libre ang mangarap; ito ay wala ring pinipiling edad.
Iniiwasan ko nang maging spoiler kaya ayoko nang magkuwento pa tungkol dito. Pero basahin ninyo ito, maganda talaga, promise!
Hindi ko mahanap ang alter-ego ng may-akda sa tatlong pangunahing karakter sa istorya gaya nang 'di ko mahanap kung sino ako sa kanila (dahil bawat piraso ng katauhan nila ay kabuuan ko).
ang isang babaeng kasal o may kinakasama ay hindi lang isang ina o isang lola o higit sa lahat, isang asawa, kundi isang babaeng dapat na malaya, at may sariling buhay. tunay ngang isang alagad ng sining si ms. lualhati bautista. ito ang kauna-unahang libro niyang nabasa ko, at talaga namang ipinagpapasalamat ko't nagkaroon ako ng sariling kopya.
napakarami kong naramdaman sa librong ito. ang daming realization, ika nga. sa totoo lang, hindi ko maiwasang makonsensiya. isa akong anak. ano kaya ang nasa isip ngayon ni mama? ano kaya ang personal niyang pangarap para sa sarili niya? madalas kapag napag-uusapan namin ang pangarap, ang palagi niyang sinasabi sa 'kin, gusto niya lang na maging matagumpay ako sa buhay. pero paano siya? paano ang personal niyang hangarin sa buhay? natupad na kaya niya? matatawag na ba niya ang sarili niyang matagumpay sa mga oras na 'to? hindi ko alam at gusto kong malaman. mahal na mahal ko siya, kaya sa lahat ng bagay na ginagawa ko ay palagi ko itong inaalay sa huwaran at napakamapagmahal kong ina.
sa kabilang banda, iba rin pala itong si ms. lualhati, ano? ang buong akala ko napakalalim ng mga paksa ng libro niya (na totoo naman), pero hindi lang iyon ang bonus... marunong din siyang magpatawa. sumakit ang tiyan ko sa librong ito kakatawa. pero sa kabila no'n, nabuo sa isipan ko ang pakikisimpatiya sa mga matatandang kababaihang humaharap sa maraming tanong ng buhay. dahil sa librong ito, mas lalo ko pang mamahalin si mama, mas lalo ko pa siyang pahahalagahan, at iintindihin. siya ang buhay ko at siguro akong ako rin ang buhay niya.
mabuhay ang mga nanay, ina, lola, mama, inay, inang, at higit sa lahat, mabuhay ang mga kababaihan sa buong mundo.
Tanyag at ipinagmamalaki ni Lualhati Bautista sa kaniyang mga nobela at pelikula ang kuwento ng mga kababaihang Pilipino mula sa iba't ibang bahagi ng lipunan --lalo na ang pagpupugay niya sa mga ina. (Mula sa Dekada '70 hanggang Bulaklak sa City Jail.) Marahil, mula rin sa sarili niyang pananaw, ang mga karakter na ito --na sumasalamin sa disiplina at determinasyon ng mga ina, na pinagpapakasakit ng bayan-- ay may bahaging hinugot mula sa kanyang sariling identidad.
Ngunit sa Sixty in the City, ramdam ko ang bawat hibla ng mga salita na bumabalot sa matindi at masidhing damdaming nais iparating ni Bautista sa kaniyang mga mambabasa.
Tama ngang hindi lamang ito para sa mga ina, sapagkat mas tatatak ang kuwentong ito sa mga anak.
Sa lahat ng mga akdang nabasa at napanood ko mula kay Bautista, ito na marahil ang pinakapaborito ko. Napakahusay ng pagkakaugnay ng librong ito sa hinaing, damdamin, at identidad --salamin ng realidad sa lahat ng asawa, ina, anak, at kapatid.
(Nakakatawa! Nakakaiyak! Puno ng pagmamahal, dusa, at pag-asa! Puno ng buhay!)
Ang galing ni Lualhati Bautista! Happy Women's Month!
"Sino ang may sabi na may ipinagkaiba ang damdamin ng isang sisenta'y singko sa isang disisais? Walang ipinagkaiba iyan, magkasingtalim lang ang damdamin niyan ng pagkabigo, magkasingdami ang luhang ititigis sa kamatayan ng kanyang pag-asa."
I’m glad that a colleague lent me her copy of this book, which would not have been in my priority reading list for the year if not for her.
Reading Bautista’s Sixty in the City made me want to immediately hug my friends and family. It made me want to ask my parents about their lives and dreams, and just listen to them talk about their stories.
It’s a light read—humorous with piercing observations. In this, we meet 3 friends who are in their 60s. I rarely read books following characters in their senior years. Come to think of it, I don’t encounter that many in fiction (at least not from the ones I’ve read or in my tbr pile). So it’s surprising how much Guia, Roda, and Menang grew on me. They felt like real people. They’re candid, loyal, flawed, and brave in their own ways.
It’s the 1st book this year to make me laugh out loud in the earlier sections (granted I don’t usually read happy books lol). Then it had me crying in the last few chapters. Ahhh chapters 32 & 34, who gave you the right?
Really liked this so I might buy my own copy! Someone needs to improve that cover though haha
Napakahusay! Hindi ko akalaing magugustuhan ko ang librong ito ng husto. Lumaki akong malapit sa aking lola kaya naging interesado akong basahin ang librong ito. Gusto ko ang istilo ng pagsusulat ng may akda, nakakatawa at moderno. Aliw na aliw ako sa mga karakter na sina Guia, Roda at Menang. Pakiramdam ko ay kabilang din ako sa grupo nila. Kasama ko silang tumawa, kiligin, umiyak at magalit. Ramdam ko ang bawat emosyon sa mga kabanata at lalong lumalim ang aking pang-unawa sa buhay ng mga matatanda.
Madalas ay isinasantabi natin ang damdamin ng ating mga magulang. Akala natin porket matatanda na sila, wala na silang mga pangarap at gustong gawin sa buhay. Pero nang mabasa ko ang librong ito, nauwanaan ko na ang damdamin ng isang babae ay hindi nagbabago kahit na ano pa ang edad nito. :)
Sobrang natuwa ako sa librong 'to. Sa una patatawanin ka pero sa bandang huli, asahan mong bubuhos ang luha mo pagkatapos mong magbasa.
Looking forward akong basahin ang iba pang libro ni Ms. Lualhati. :)
Tinapos ko ’tong libro sa isang coffee shop kasi nakalimutan ko yung susi ng bahay (di tuloy ako makapasok 🤣). Buti na lang mga barista lang ang nandun, kasi pilit akong nagpigil ng tawa at iyak pero di ko rin naman napigilan. Salamat na lang at may tissue na kasama yung chocolate drink ko.
May espesyal na lugar na ngayon sa puso ko ang librong ’to. Di talaga malilimutan kasi madalang makabasa ng libro na ang mga bida ay mga senior citizen na pero may romance pa rin!
Sa umpisa, tawa ako nang tawa, tapos bigla na lang akong pinaiyak sa dulo. Patunay na hindi kailangan ng malalalim na salita para maging malalim ang isang kwento. Madaling basahin ang paraan ng pagsulat ni Lualhati Bautista, pero hindi madaling basahin ang mga libro niya dahil sa dami ng mabibigat na katotohanang laman nito. Kaya isa talaga siya sa mga paborito kong author.
Dahil sa aklat na ito, naunawaan ko ang kung ano ang meron sa isang taong tumatanda, lalo na kapag isang ina. Kakaiba ito sapagkat ang mga karakter ni Roda at Guia ay bumaluktot sa pamantayan ng lipunan na kapag ang isang babae, lalo't pag naging ina, ay tumanda na ay dapat nakakabit pa rin sa mga anak at apo. Ngunit, ang ginawa nina Roda at Guia ay bumaklas sa sistema at niyakap ang pagiging malaya- malayang umibig, malayang mamuhay at malayang magpakasaya sa kabila ng "standard" na ginawang pamantayan ng lipunan.
Ganunpaman, ipinakita rin na kahit gaano man kalaya ang isang tao, nangangailangan ito ng pagmamahal at katuwang tungo sa takipsilim ng kaniyang buhay.
"Tinamaan ng Lintek!"... Grabeh! ang tawa ko dito at siyempre may iyakan part na tagos sa puso tatak Lualhati. Tungkol sa kamatayan, relasyon, pamilya, senior citizen, pag-uugali, atbp...
Sa mga edad 60 hindi pa huli ang lahat dahil love experience begins at 60 haha. tsarot.
Sabi ni Lualhati Bautista sa dedication part ng libro: "Higit para sa lahat ng ina, ito'y para sa lahat ng anak." And wala na yatang mas sasakto sa essence nitong libro liban sa mga salitang 'yon.
Through this book, pinapaintindi sa atin ni Lualhati Bautista ang mga saloobin at hangarin ng mga magulang natin. Sinasabi rito na pahalagahan natin ang mga pagkakataong meron tayo kasama sila. What's more, tinatalakay din dito ang iba't ibang klase ng problema despite kung saang social class ka kabilang. Gayunpaman, hanga ako sa friendship nila Guia, Roda at Menang na talagang patunay na ang kaibigan ay hindi lang kaibigan, sila ay kapamilya mo. Yet another good book you have written, Lualhati Bautista!